Chapter 9: LARIN

327 16 4
                                    

Ilang araw na ring nilalakbay nina Claudius Rickman at ang diyosa ng mga uwak na si Morgana ang kagubatang sakop ng Larin, sa kaharian ng Eudhoria. Ilang araw na rin hindi nila nakikita ang sikat ng araw dahil sa sobrang kapal ng mga puno sa pamayanang ikinukubli ng makapal na kagubatan. Malaking adbentahe kay Claudius ang kagubatan dahil hindi siya lalamunin ng sikat ng araw para masunog ng buhay bilang isang bampirang Sangre. Sa tulong ng dugo ni Morgana ay naghilom ang kanyang mga sugat at nawala ang matinding sakit na nararamdaman dulot ng pagkasunog mula sa Eskrihala. Pero, kahit na natulungan siya ng dugo ni Morgana para maghilom ang mga sugat ay hindi nito naibalik ang dating hitsura ni Claudius. Balot ng maiitim at mapuputing peklat ang kanyang buong katawan, kasama na rin ang dati'y magandang niyabg mukha. Kahit siya man ay hindi nito kayang tingnan ang sarili sa nakita niyang repleksiyon sa tubig sa ilog kung saan siya natagpuan ni Morgana. Mas ninais pa niya ang mamatay na lang sana para hindi na dala-dala pa ang parusang ipinataw sa kanya ng Diyos sa lahat ng nagawa niyang pagkakasala sa sang-katauhan at sa anak niyang si Sarah. Galit ang namayani sa puso niya at ikinulong ang sarili dito hanggang sa lamunin siya nito. Napagtanto niya na tama lamang ang ginawa ni Morgana na inilayo nito ang anak niyang si Sarah sa kanya dahil kung nagkataon ay baka pinalaki niya ito sa galit at magiging halimaw ding tulad niya.

Ang mga mamamayan ng Larin ay tagapangalaga ng kagubatan sa Kanlurang bahagi ng Eudhoria na payapang naninirahan. Itinatag ito ng kanilang kanunu-nunuan na si Larien, isang engkanto ng kagubatan daang libong taon na ang nakakalipas. Ipinagkaloob ng hari ng Eudhoria sa kaniya ang kagubatan sa Kanluran, bilang pasasalamat sa pagkakaligtas nito sa kanyang anak na panganay na inatake ng mabangis na halimaw habang nangangaso. Sa kagubatang ito itinatag ang isang payapang pamayanan na binuo nila sa pamamagitan ng pag-ibig at kapayapaan. Ito ang dahilan kung bakit hindi sila nakisalamuha at nakialam sa iba pang nilalang sa Sinukluban maliban lamang sa pakipagkalakalan sa tulad nilang mga elemental sa ikatlong mundo. Para sa kanila, mas mabuti na yung pamumuhay na malayo sa gulo at umiwas sa di pagkakaunawaan at gawing makabuluhan ang bawat oras sa paggawa at pakikipagkalakalan.

Magtatakip-silim na rin ng marating nina Claudius at Morgana ang sentro ng bayan ng Larin. Taliwas sa mga ibang bayang sakop ng Eudhoria ay napakasimple ng pamumuhay ng mga mamamayan dito. Lahat ay nagtatrabaho bilang bahagi na ng kanilang pamumuhay na Larino, mga taga-pangalaga ng kagubatan ng at mangangalakal ng Eudhoria.

Kapansin-pansin ang mga simpleng mga bahay na karamihan ay sa mga ga-higanteng katawan ng mga puno nakatayo o kaya naman ay inuka at iniukit ang mga ito mismo sa katawan ng mga patay na puno. Kamangha-mangha ang buong tanawin sa ganda ng bayan ng Larin. Kasama ng mga hayop sa kagubatan ay malaya ang mga mamamayan ng Larin sa lahat ng bagay sa kanilang kapaligiran.

Hindi na bago sa mga taga Larin ang mga dayuhang labas-pasok sa kanilang bayan dahil na rin sa bukas ito sa palitan ng produkto. Lahat ng mga mamamayan dito ay sanay na sanay na sa pakikisalamuha sa mga dayuhan at kilala sa mabuting pagtanggap ng panauhin.

Dinarayo ng mga iba't-ibang mga mamamayan at nilalang ng Sinukluban ang Larin dahil halos lahat ng mga bagay na may kapangyarihan o wala ay matatagpuan dito. Mula sa mga simpleng kasulatan tungkol sa mga orasyon hanggang sa mga pinakaimportanteng kagamitan ng mga diyos at diyosa ay dito rin mabibili. Palitan ng produkto o kahit na anong bagay na puwedeng pakinabangan ng mga Larino ay puwedeng ipamalit bilang kabayaran. Kaya kahit na naging sentro ng kalakalan ang Larin ay nanatiling payak pa rin ang pamumuhay ng mga mamamayan nito at napanatiling malusog at maayos ang buong kagubatan ng Kanlurang Eudhoria.

Kaya ng makarating sina Claudius sa Poblasyon ng bayan ng Larin ay kaagad niyang itinalukbong ang tela sa itaas na bahagi ng kanyang itim na kapa para hindi makita ng mga mamamayan ang hitsura nito. Pakiramdam niya ay nakamasid lahat ang mga mata sa kanya at siya ang pinag-uusapan ng mga ito.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Book 3) (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon