Samantala, sa Citadel . . .
Hindi tipikal na pinatatagal sa Citadel ang pagluluksa. Bagay na hindi alam ni Josef kung paano ba tatanggapin. Matapos ianunsiyong pumanaw na ang isa sa mga Superior na si Joseph Zach, kinuha na agad ang katawan nito ng mga Guardian.
Si Cas at No. 99 daw ang nakaatas na mag-aasikaso sa katawan ni Joseph Zach oras na pumanaw ito. Sa kasamaang-palad, patay na rin si No. 99 at mentally unstable naman si Cas.
Nakatingin lang si Josef sa ama habang pinanonood na balutin ng puting tela ang katawan nito at ilipat sa isang stretcher.
Gusto niyang malungkot. Gusto niyang magalit. Pero kahit anong pakiramdam, wala siyang maramdaman sa mga sandaling iyon.
Siguro dahil tanggap na niya ang kamatayan nito noon pang una niya itong nakita. Sa estado pa lang nito, alam na niyang hindi na ito magtatagal. Kung siya nga ang tatanungin, dapat matagal nang pinutol ang life support nito dahil lalo lang itong nahihirapan.
"Xerez," pagtawag niya sa Guardian na nakabantay sa likuran niya.
"Yes, milord."
"Babiyahe ako ngayong araw. Dadaan muna ako sa Hamza. Tawagan mo agad ang President, gusto kong kausapin."
"Yes, milord."
"Pakihanda na rin ng unit ko sa Grand Wyatt, at huwag n'yong sasabihin kay Armida na aalis ako."
"Masusunod, milord."
Umalis na siya sa silid kung saan inililipat na si Joseph Zach patungo sa morgue.
Kailangan niyang kausapin ang mama niya. Malamang na kung may taong gustong malaman ang pagkamatay ng ama niya, iyon na malamang si Anjanette Malavega.
Gusto sana niyang isama si Armida. Ang kaso, maliban sa wala pa itong maayos na memorya, ayaw lang niyang makahatak ng problema habang nagtatrabaho siya.
Pakiramdam nga niya, pabor pang wala itong alaala. Hindi ito magagalit kapag sinabi niyang magtatrabaho lang ito abroad. Maraming magpapaliwanag dito na iyon talaga ang trabaho niya kompara kapag alam nito ang ginagawa. Wala na nga siyang takas, baka ito pa ang mauna sa kanya palabas ng Citadel.
MAY SARILING HANGAR ang Citadel. May sarili ring private plane ang Fuhrer. Bagay na ipinagpapasalamat ni Josef dahil ayaw niyang pumunta ng airport na tangay-tangay niya ang pagkarami-raming Guardian. Takaw-atensiyon, para siyang presidente ng kung anong bansa kung bantayan ng mga ito.
"Lord Ricardo, naabisuhan na si Leonard Thompson na dadaan kayo ng Hamza," paalala ni Xerez na kasalukuyang isa sa flight attendant ng plane na sinasakyan ng Fuhrer.
"Thank you," sagot ni Josef at napatingin sa bintana ng eroplano.
Papalubog na ang araw nang umalis sila sa Citadel. Sinubukan niyang numakaw ng tulog sa flight dahil talagang bugbog ang utak at katawan niya sa trabaho bilang Fuhrer.
Hindi niya kung saan siya matutuwa. Kung noon bang naghahanap sila ng Superior candidate na katawan lang ang masakit pero may pagkakataong nag-e-enjoy sila ng asawa niya sa araw-araw, o ngayong nandoon na nga sila at ligtas, wala naman siyang ibang kaharap kundi puro papel.
Iniisip niyang kaya siguro wala nang panahon ang mga Superior na magkaroon pa ng pamilya. O kung magkaroon man, parang huli na ito sa priority, kasi talagang nawawala ito sa prayoridad kapag usapang trabaho na.
"Lord Ricardo . . ."
"Hmm . . ."
"Milord."
Dahan-dahan siyang nagmulat. "Hmm?" Napadiretso siya ng upo habang hinahanap ng tingin ang paligid. "Nasaan na tayo?" Napasilip siya sa bintana. Lupang iniilawan ng spotlight na ang nakikita niya. "Oh. We're here?"
BINABASA MO ANG
PROJECT RYJO 6: The Superiors: Fallen
AcciónWill the heart remembers what the mind forgets. Magbabalik ang nakaraan at makakalimutan ang kasalukuyan. Pagbabayaran ng kasalukuyan ang pagkakamali ng nakaraan. May mawawala, may magbabalik. At ang pinakamalaking pagbabago ay magsisimula nang maga...
