Limang taon.
Mahabang limang taon din ang lumipas sa mga buhay nila. At dumating na ang takdang panahon para magbalik.
May annual meeting ang board ng HQ, at noon lang dadalo si Richard Zach para malaman ang status ng kompanyang kung tutuusin ay pagmamay-ari na niya. Nagpasabi naman na siya na nandoon siya bilang board member lang kaya ayaw niya ng kung ano pang seremonya na ginagawa lang para sa Fuhrer.
Makalipas ang limang taon, muling nagbalik si Josef sa HQ at nakitang nagbalik na rin ang sigla ng kompanya. Kasama niya si Xerez, kasunod ang apat pang Guardian.
Nilalakad pa lang nila ang papasok sa HQ ay binungaran na sila ng isang agent na nagpakilalang si Boris--ang magiging escort nila.
"This way, Mr. Richard Zach," sabi ng lalaking nakauniporme na may insigna ng Main Sector. Pansin nilang masyado itong bata para magtrabaho roon. Wala pa yatang dalawampu't lima ang edad nito.
Naninibago si Josef sa loob ng HQ. Ang lakas ng air conditiong system, masyadong malamig. Nakuha niya agad ang atensiyon ng mga agent na naroon at nagtatrabaho.
Mga yumuko ito sa kanya para magbigay-galang, di gaya noon na halos tutukan siya ng baril ng mga ito para patayin. Iyon lang at pinabalik din niya ang lahat sa mga ginagawa nito.
Dinala siya ng lalaking agent sa lobby sa kaliwang panig ng entrance. Malawak doon, may ilang mga halamang display sa gilid. May mahabang navy blue couch, at may dalawang magkaharap na single-seater na pinagigitnaan ng isang coffee table. Tanaw na tanaw ang maaliwalas na paligid sa labas mula sa glass wall. Halos manilaw ang paligid sa sobrang tirik ng pangtanghaling araw.
Napahinto si Josef sa paglalakad nang makitang may nakaupo sa dapat na upuan sana niya bilang mahalagang bisita roon.
"Uhm," kahit ang escort ay natigilan din at nakagat ang labi nang mapayuko.
Pare-parehas silang natahimik habang nakatingin sa nakaupo roon sa upuang iyon.
"I'm sorry, Mr. Zach. Uhm . . ." Kitang-kita sa mukha ng escort na hirap itong paalisin ang nakaupo roon. "Mr. Zach—" Yumuko ito nang sobrang baba na halos umabot na sa baywang ang pagyukod. "Parusahan n'yo na lang po ako!"
Napataas ng magkabilang kilay si Josef at biglang kumunot ang noo pagkatapos. Nagulat siya dahil parang mas gusto pa nitong maparusahan kaysa ang paalisin ang kung sinuman ang nandoon lang naman nakatambay.
"No need," sabi na lang ni Josef. "Sa kabilang upuan na lang ako uupo. Baka importante rin siyang bisita." At nagbukas na siya ng butones ng suit at saka umupo na nga sa kabilang upuan na kaharap ng upuan sana niya.
"Maraming salamat, Mr. Zach!" malugod na sinabi nito at dumiretso na ng tayo. "Kukuha na po ako ng maiinom."
Umalis na rin ang escort nila pagkatapos.
Komportable namang nakaupo si Josef sa upuang napili kahit wala namang pagpipilian kung tutuusin. Pinagmasdan niya ang nakaupo sa kabilang upuan. Nagbabasa lang ito ng malaking libro na nakatakip sa halos buong katawan nito habang kinukuyakoy ang mga paa. Sa coffee table na nakapagitan sa kanila, nakalapag doon ang isang malaking carton ng chocolate milk, ilang cookies na nasa platito, at may prutas pa sa isang bowl.
Naisip niya, mukha ngang importanteng bisita--mas importante pa sa kanya--dahil maiinom lang ang inalok sa kanya ng escort samantalang ang kaharap ay may pameryenda pang ibinigay.
Napasulyap si Josef sa mga agent na pinanonood pala sila sa mga sandaling iyon, pero nang idako niya sa buong lobby ang tingin ay biglang naging abala ang mga ito na parang walang nakikita.
BINABASA MO ANG
PROJECT RYJO 6: The Superiors: Fallen
ActionWill the heart remembers what the mind forgets. Magbabalik ang nakaraan at makakalimutan ang kasalukuyan. Pagbabayaran ng kasalukuyan ang pagkakamali ng nakaraan. May mawawala, may magbabalik. At ang pinakamalaking pagbabago ay magsisimula nang maga...
