Eros
Alas dyes na nung makauwi ako sa unit mula sa bahay. Kinuha ko ang cellphone para ipaalam kay Mama pero may bumalik na mensaheng nagsasabing wala na akong load. Linapag ko ang cellphone sa nightstand bago kinuha ang wallet ko.
Paglabas sa apartment para pumunta sa katapat na tindahan nadatnan ko pa rin yung mga kanina pang umaga na nag-iinom. Akala ko kaninang pagdaan ko ay nagliligpit na sila. Ang tibay naman ng mga to.
Ayaw ko sa mga ganitong klase ng manginginom. Tatlo palagi ang maaaring kalabasan ng pagpapakalango nila sa alak; maging perwisyo sila sa isa't isa, maging sakit sa ulo ng iba o parehas.
Dumiretso ako sa tindahan para magpa-load, sandali lang naman iyon. Binigay ko lang ang number at bayad para makaalis kaagad. Sa pagmamadali na makabalik sa apartment, pagbaling ko sa aking likuran, muntikan ko nang mabunggo si Zach.
Nakalayo naman sya kaagad upang di kami magtama. "Easy," sambit ni Zach.
Lumiko na lang ako para makaalis na. Pero bago pa ako makahakbang, nangyari na ang kinakatakutan ko.
"Pst," sitsit ng isa sa limang nag-iinom. "Kayong dalawang bago dyan sa apartment: hilaw at singkit."
Kung sitsit lang siguro ang ginawa nya pwede pa akong magpanggap na hindi para sa amin iyon. Pero obvious sa sunod nyang sinabi na kami ni Zach ang tinatawag nya.
"Kami po?" tanong ni Zach.
Gustong-gusto ko syang batukan nung mga oras na iyon. Tuluyang nawala ang pagkakataon ko para magbingi-bingihan.
"Kayo nga," sagot ng tumawag sa amin na kalbo, mabigat na ang pananalita at ang mata dahil sa kalasingan. Sa kanilang lima, sya lang ang wala nang pang-itaas. Isa sa kanila ay nakatungo na at ang isa pa ay abala pa rin sa pagpapaikot ng toma. "Sino pa bang amerikanong hilaw at Chinese rito? Umupo kayo, inom tayo."
"Sorry po," pagtanggi ko. Part Japanese po. "May iniinom po kasi akong gamot, bawal po akong uminom ng alak," pagsisinungaling ko.
"Edi umupo ka pa rin," pilit nya. "Magkwentuhan na lang tayo. Total dapat kilala natin ang mga kapitbahay natin, mahirap na."
Pamilyar ang mga mukha nila sa akin, mga tricycle o jeepney driver sila. At sapat na yun para sa pagkakakilanlan nila sa akin. Ipipilit ko pa lang sana ang pagtanggi ko nung magsalita si Zach.
"Tama," pagsang-ayon ni Zach. Binigyan ko sya ng tingin na 'seryoso ka?' at 'sarap mong sakalin.' "Pasensya na kayo, hindi lang talaga marunong makisama tong kaibigan ko."
"Upo na," utos ni kalbo. Sumunod naman si Zach, hindi na tinuloy ang kung anomang pinunta nya para sa tindahan. "Ikaw, maupo ka," madiing sabi nito sa akin.
Para wala nang gulo, umupo na lang din ako. Nag-adjust silang lahat para mabigyan kami ng espasyo sa dalawang mahabang upuan. Pag-upo pa lang halos tumaob na ang sikmura ko sa halo-halong amoy.
"Mga estudyante kayo?" tanong ng tanggero, ang nag-iisang mukhang nasa katinuan pa dahil sa pandaraya sa kasama. Linagyan nya ng alak ang maliit na baso bago binigay kay Zach.
Kinuha iyon ni Zach at diretsong ininom. "Opo," sagot ni Zach.
Seryoso? Salo-salo sa baso? Magkasakitan na pero hindi talaga ako iinom.

BINABASA MO ANG
The Bathroom Love Affair (Published Under Pop Fiction)
Romance† The Restroom Love Affair: The Kisser Remake † Matyagang hinihintay ni Eros ang pag-ibig habang si Zach ay desperado sa paghahanap nito. Sa pagtagpo ng kanilang landas, mapatutunayan nila na ang pag-ibig ay isang bagay na kailanman ay hindi mapagha...