Chapter 6 - Bad Day

11.9K 613 182
                                    

Eros

"P-patawad, Elena. Ngunit may. . . may iba na akong iniibig," sabi ko kay Yna na hindi ko magawang tignan sa mata.

     "Cut!" sigaw ni Direk na parang martilyong pinukpok sa akin. Kanina ko pa iyon hinihintay. Halos hindi na ako makahinga sa antisipasyon pero mas lalo akong nalubog ngayong sinabi na. "Ano ba yan, Eros? Para kang tumutula!"

     "Sorry, Direk," paghingi ko ng paumanhin. Nakakahiya. Nanlalamig ang palad at umuurong ang dila ko sa hiya.

     Matalim ang tingin ni Direk sa akin sa likuran ng kanyang salamin, ang kopya nya ng script ay nakarolyo sa kanyang kamay na parang kapag napigtal ang natitira nyang kontrol sa sarili ay ipapalo sa akin.

      "Hindi mo ba kabisado ang linya mo–na kaduda-duda dahil kapiraso lang naman yan, o hindi mo alam kung paano mo idedeliber o ewan ko, Eros," sabi ni Direk na sinundan ng buntong hininga. "Kung ano man yan, ayusin mo." Tinignan nya ang hawak na papel bago lumingon sa kumpulan ng mga gaganap sa ibaba ng stage. "Scene 3 muna tayo. Mario, Simion, akyat dito."

     Bagsak ang balikat na bumaba ako ng stage kasabay si Yna. Nakasalubong namin si Joseph at si Dan na may nakakaasar na ngiti.

     "As expected," narinig ko pang pahabol ni Dan bago kami tuluyang magkalayo.

     Badtrip.

     "Dude, anong problema?" salubong ni Chris paglapit ko sa kanya. Nakapwesto sya ilang upuan ang layo sa kumpulan ng mga gaganap. Sumama sya sa unang rehearsal namin dahil wala naman daw syang gagawin ngayong araw.

     "Oo nga," gatong ni Yna, ang kamay ay nasa bewang. "Anong problema?"

     Kinuha ko ang bag ko bago binagsak ang katawan sa upuang pinagkunan ko. "Hindi ko rin alam," pagsisinungaling ko.

     Alam na alam ko kung bakit. Nahihiya ako. Naiilang. Pakiramdam ko lahat ng atensyon nila ay nasa akin; kaya pinipilit kong galingan na kabaligtaran ang kinalabasan. Sa takot ko na magkamali ulit, lalo kong nasisira ang arte ko. Lahat ng inensayo ko ay parang papel na linukot at tinapon sa basurahan.

     "Hindi ka siguro masyadong nakapag-internalize," sabi ni Yna.

     "Siguro," sagot ko na lang.

     "Tubig?" alok ni Chris.

     Kinuha ko ang bote ng tubig mula kay Chris. Nakatulong ang malamig na paghagod nito sa lalamunan para kumalma ako nang kaunti. Sa pagtungga ko, napunta ang mata ko sa stage kung nasaan sila Direk, Joseph at Dan.

     Palingon-lingon silang dalawa, ang mga kamay ay wari may hinahawi. Iyon ang una nilang eksena, naligaw sila sa kagubatan habang papunta sa isang liblib na barangay. Matatagpuan nila ang Mahiwagang Batis kung saan makikita ni Mario si Elena.

     Mabuti pa sila, ang dali lang para sa kanila.

     "Alam ko na, Eros," sabi ni Yna na nagpalingon sa akin sa kanya. "Gusto mo ba mag-practice muna tayo na tayong dalawa lang?"

     "Huh? Bakit pa kailangang kayong dalawa lang, eh, ilang pangungusap lang naman yung palitan nyo," sabi ni Chris, ang tingin ay palipat-lipat sa aming dalawa ni Yna.

      "Makakatulong yun kay Eros," dahilan ni Yna. "Ako lang naman kaeksena nya kaya kung magpa-practice kaming dalawa na kami lang, sa akin lang mapupunta ang atensyon nya."

      "Ang problema ni Eros ay yung dami ng tao, hindi makakatulong yang plano mo," sagot ni Chris.

     Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa kanilang dalawa kasi gusto nilang makatulong sa problema ko o hindi kasi nagtatalo sila dahil sa akin.

The Bathroom Love Affair (Published Under Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon