Zach
Iyon ang mga pinakatotoong salita na narinig ko sa buong buhay ko. At the same time, pinakamasakit.
Mali lahat sayo.
Iyon na nga siguro ang pagkatao ko. Kahit anong pilit na hindi magkamali, nakakahanap pa rin ako ng paraan at pagkakataon para sirain ang lahat. Sabagay, simula't sapul wala namang tama sa buhay ko.
Walang ama. Masyadong abala ang nanay para buhayin ako sa puntong wala na syang oras sa akin. Nung magkaisip, nung mga panahong naintindihan ko na kung bakit nya iyon nagawa, tsaka naman sya nagdesisyon nang hindi makabubuti sa akin.
Walanghiyang amain at hindi malapitan na ina. Tumakbo ako sa barkada, maling tao sa maling pagkakataon. Ilang beses na muntikang maudlot sa pag-aaral, ilang beses na muntik malagay sa alanganin ang kinabukasan–maging ang aking buhay.
Away, sugal, alak at droga. Bawat gabi ay pinupunan ang kawalan na nararamdaman gamit ang mga taong ginamit lang din ako. Iba-iba ang kasama sa pagtulog ngunit mag-isa sa pagsapit ng umaga. At sa bawat araw, ang hukay na aking pinupunan ay lalo lang lumalalim.
Ang galing mo talaga kahit sa anong bagay.
Hindi lang pala gwapo, may maibibigay rin pala–sobra-sobra pa.
Kulang ang party kapag wala ka.
At marami pang katulad nyan ang palagi kong naririnig. Ngunit bawat letra ay walang bigat, walang bilang, walang saysay. Lalabas sa kanilang bibig, papasok sa aking tenga, lulusot sa kabila at agad mawawala sa memorya.
Si Eros ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko, at muli, nasira ko ito. Sinugal ang pagkakaibigan naming away at pagtatalo ang pundasyon. Ginawa mismo ang bagay na tinaga sa bato na hindi gagawin.
Ngayon, kahit na sinabi ni Eros na tumigil ako upang maisalba ang kasalukuyang relasyon namin, alam ko na sa puntong iyon, wala nang sasalbahin.
Kasama ko nga sya pero kontinente ang layo namin sa isa't isa. Ito na ang pinakamadidilim kong gabi ngunit wala na si Eros, wala na ang buwan na gagabay sa akin hanggang sa dumating ang umaga.
Sabagay, para saan pa kung wala nang darating na umaga.
Ngunit lalo akong mawawalan ng pag-asa kung wala akong gagawin. Hindi dapat ako sumuko dahil sinabi ni Eros na may pagkakaibigan pa syang maibibigay, kahit iyon na lang, kahit kabaligtaran ang pinapakita nya. Basta hindi sya mawala sa buhay ko.
Makailang ulit akong sumubok, ilang ulit din na nabigo. Sa apartment, sa school, sa rehearsals. Wala. Ilang tapsilog, maging sisig, na galing sa akin ay hindi nya pinansin. Kahit na ice cream hindi umubra.
"Eros." Napatayo pa ako mula sa pagkakaupo nung pumasok sya ng unit namin. "Mag-usap naman tayo."
"Pagod ako, Zach," isa sa palagi nyang sagot sa akin. Busy ako ang isa pa. Dumiretso sya sa damitan upang kumuha ng pamalit, ni hindi ako tinignan.
Sumunod ako sa kanya. Bawat minutong lumilipas ay patuloy sa pagguho ang mundo ko. "Sige na naman. Ayusin natin to. Sabi mo magiging magkaibigan pa rin tayo kapag hindi ko pinilit ang nararamdaman ko," sabi ko habang humahabol sa kanya hanggang sa tuluyan ko na syang harangan sa kanyang daraanan. "Ano to? Ilang araw na tayong ganito."
"Zach," madiin nyang sambit sa pangalan ko. Ang daming emosyon ang buhat noon, lalo na nung tumingin na sya sa aking mga mata. "Wag ngayon, Zach, please."
Napalunok na lang ako ng laway. Makikita sa mga mata nya ang aking repleksyon. O mas mabuti, nakita kong pareho kami ng sitwasyon. Parehong nahihirapan sa kinalalagyan namin.
BINABASA MO ANG
The Bathroom Love Affair (Published Under Pop Fiction)
Romance† The Restroom Love Affair: The Kisser Remake † Matyagang hinihintay ni Eros ang pag-ibig habang si Zach ay desperado sa paghahanap nito. Sa pagtagpo ng kanilang landas, mapatutunayan nila na ang pag-ibig ay isang bagay na kailanman ay hindi mapagha...