Dalawang araw ang lumipas matapos ma-publish ang istorya ni Grace ay na-sold out na kaagad ang limang daang kopya nito. Nang malaman ng mga reader na isang 14-year old lang pala ang may gawa ng istorya na binabasa nila ay mas lalo pang dumami ang gustong bumili ng libro ni Grace. Agad namang nagpagawa ng karagdagang kopya si Cyrus at sa pagkakataong ito ay mahigit sa isang libong kopya na ang pinagawa niya.
Naging abala ang lahat ng mga editor sa Behind the pen dahil sa pangyayaring ito. Kabi't kabilaan ang natanggap nilang offer para ibenta ang libro ni Grace sa iba't ibang bookstore. Sa ngayon kasi ay sa internet pa lang nila pinopromote ang lahat ng mga istoryang na-publish ng kumpanya nila. Nag-iwan ng napakalaking ingay ang librong ginawa ni Grace. Nagkaroon ng emergency meeting ang lahat ng editor ng Behind the pen. Ipinatawag ni Cyrus ang lahat ng mga editor dahil may importante siyang iaanunsiyo sa mga ito.
"Bakit mo kaming lahat pinatawag, Cyrus?" tanong ni Irene.
"Magkakaroon tayo ng pa-contest. Salamat sa libro ni Grace at nakalikom tayo ng malaking halaga para maisagawa ang contest na ito," paliwanag sa kanila ni Cyrus.
Naging seryoso bigla ang lahat ng mga editor, tahimik lang silang nakikinig at nag-aabang sa susunod na sasabihin ni Cyrus. "Tatak Millennial Literature Project, ang kauna-unahang contest na gaganapin sa loob ng Behind the pen publishing!" anunsiyo ni Cyrus na ikinagulat nilang lahat. "Ang mananalo sa patimpalak na ito ay magkakaroon ng tiyansang mai-publish ang istoryang ginawa niya at..." pabitin na banggit ni Cyrus.
"At ano?" sabay-sabay na tanong nina April.
"At makakatrabaho niya ang isa sa mga pinakamagaling na editor ng publishing house natin," nakangiting sagot sa kanila ni Cyrus. Napalunok lang sila ng laway, bawat isa sa kanila ay interesadong malaman kung sino ba ang editor na tinutukoy ni Cyrus. "April, ikaw ang tinutukoy ko," dagdag pa ni Cyrus. Nakangiti lang siya kay April habang tinitingnan niya ito sa mata.
~*~
"Ang ganda! Napakaganda nito!" sigaw ng isang lalaki na nagbabasa ng libro ni Grace. Napatingin lang si Sam dito habang hinihintay niya si Mikka sa loob ng isang fastfood restaurant.
"Hoy, pre, kailan kaya ilalabas 'yong book 2 ng Narcolepsy? Grabe, hindi ko akalain na may mga writer pa pala na nagsusulat ng ganitong klase ng istorya," sabi ng isang lalaki.
"Mas nakakabilib pa ro'n ay katorse anyos pa lang siya! Simula ngayon ay susubaybayan ko na lahat ng ilalabas niyang libro!" sagot naman ng kaibigan nito.
'Ilang araw pa lang ang nakalilipas matapos ilabas iyong libro niya ay pinag-uusapan na kaagad siya,' bulong ni Sam sa sarili habang tahimik na nakikinig sa pinag-uusapan ng tatlong lalaki. Hindi niya namalayan na kanina pa pala nakaupo si Mikka sa harapan niya at pinagmamasdan siya.
"Hoy!"
"Ay, sorry! Kanina ka pa ba riyan? Tara! Um-order na tayo," nakangiting alok ni Sam.
Kinabukasan ay naging isang malaking balita sa internet ang kauna-unahang patimpalak ng Behind the pen Publishing. Si Sam naman ay nabigla nang mabasa niya ang tungkol sa patimpalak na gaganapin.
Ang theme na dapat gamitin ng mga manunulat na sasali sa contest ay 'friendship'. Kung sino ang magwawagi sa patimpalak na ito ay magkakaroon ng tiyansang mai-publish ang istorya niya sa Behind the pen. Kahit pa may registration fee ay hindi nag-atubiling magparehistro si Sam. Ang mga magiging judge para sa patimpalak na ito ay sina Arnel Roque, ang author ng Gift of God; Angelo Carpio, ang author ng High School Love; Grace Regala, ang author ng Narcolepsy, at si April Dela Rosa, isa sa mga editor ng Behind the pen. Ang emcee sa gaganaping contest ay si Grace Regala.
Naging malaking balita ang contest ng Behind the pen Publishing nang malaman ng mga tao na magiging judge sila Arnel at Angelo. Sa book signing ni Arnel Roque sa isang mall ay paulit-ulit siyang kinulit ng mga reporter tungkol dito.
"Sir Arnel, totoo po bang magiging judge kayo sa contest ng isang maliit na publishing house? Ano po ang nagtulak sa inyo para tanggapin ang alok nilang ito?" tanong ng isang reporter.
"Gusto kong makita ang gawa ng mga baguhang writer! Gusto kong suportahan ang gawa ng mga baguhang writer. Sa pamamagitan ng pagiging judge sa contest na iyon ay magagawa kong makapagbigay ng advice sa mga writer na sasali," sagot naman ni Arnel. "Ipakita n'yo sa akin ang kakayahan ng mga baguhang manunulat!" dagdag pa nito.
Sa katapusan ng September ang deadline ng contest. May dalawang linggo pa ang lahat ng kalahok para makaisip ng istoryang ipapasa nila. Hindi pa lumilipas ang isang araw ay halos isang daan na ang nagparehistro at bawat oras na lumilipas ay padagdag pa ito nang padagdag.
~*~
'Ipananalo ko ito. Kung ito na nga lang na laban ng mga baguhang katulad ko ay hindi ko pa maipanalo, paano pa matutupad ang pangarap ko?' determinadong bulong ni Sam sa sarili habang patuloy lang siya sa pagsusulat.
~*~
Abalang-abala naman ang lahat ng mga editor sa opisina ng Behind the pen Publishing dahil sa sunud-sunod na pagpaparehistrong natatanggap nila galing sa mga kalahok. Hindi man gaano nagsasalita ang mga kapuwa editor ni April tungkol dito ay pansin nilang parang bumabalik na naman si April sa dati nitong ugali. Wala na naman itong gana sa trabaho nito at palagi na naman itong tinatamad.
"Nga pala, April, nag-away ba kayo nung writer mo?" pasimpleng tanong ni Irene habang nagtatrabaho siya. Biglang napahawak nang mahigpit si April sa red ballpen na hawak-hawak niya dahil bigla na naman niyang naalala ang nangyari.
"Magpapahangin lang ako saglit," paalam ni April sa kasamahan niya pagkatapos ay lumabas na siya ng opisina nila. 'Sasali kaya siya sa contest?' tanong ni April sa sarili habang nakatitig sa ballpen na iniregalo sa kaniya ni Sam. Natatawa na lang siya habang inaalala si Sam, sigurado siyang sasali ito sa contest dahil alam niyang kahit ilang beses pa itong pumalpak ay hinding-hindi ito susuko.
"Sa tingin mo ba puwede akong maging isang published writer sa inyo?" Biglang naalala ni April ang tanong na ito ni Sam noong una silang magkita.
'Kaya niya ito. Sigurado akong mananalo na siya sa pagkakataong ito,' bulong ni April sa sarili.
Pagkatapos niyang magmuni-muni ay bumalik na siya sa loob ng opisina para tapusin ang trabaho niya.
"Saan ka ba galing?! Ang dami pa nating trabahong dapat tapusin dito!" sigaw ni Cyrus kay April pagkapasok nito sa opisina.
'Sipain ko kaya 'to sa private part niya?' mala-demoniyong bulong ni April sa sarili.
"April! Tingnan mo 'to!" sigaw ni Irene. Agad namang tumakbo si April papalapit kay Irene para tingnan kung anong mayroon doon. "Dali! Tingnan mo!"
Tumayo si Irene at pagkatapos ay pinaupo niya si April sa upuan niya na nakaharap sa computer niya. Ipinakita niya rito ang entry na nakita niya.
Substitute Teacher written by Sam Mendoza
"Yes!" malakas na sigaw ni April nang mabasa niya ang pangalan ni Sam.
BINABASA MO ANG
Behind The Pen
RomanceMay mga pangarap ba kayo sa buhay na gusto ninyong tuparin? Mga pangarap sa buhay na tila ba ay hinahadlangan ng masaklap na reyalidad? Simula pagkabata ay pangarap na ni Sam Mendoza na maging isang magaling na writer. Kahit na alam niyang hindi it...