Chapter 10 - Everlasting Love

5 1 0
                                    


"Mahal, mag-uumpisa na ang finals, nakapasa ka ba sa preliminaries? Bakit hindi ka pumunta ngayon sa finals?" sunud-sunod na tanong ni Mariel.

"Malalaman ko naman kung nanalo ako, e. At saka isa pa'y mas gusto kitang samahan dito ngayon kaysa pumunta roon," palusot ni Cedie. "Ngayon ka ooperahan kaya hindi kita puwedeng iwan," dagdag pa nito.

Nagulat si Cedie nang makita niyang tumayo si Mariel at pagkatapos ay tinanggal nito ang lahat ng nakaturok sa kamay at katawan nito.

"Anong ginagawa mo?" gulat na gulat na tanong ni Cedie.

"Tara! Samahan mo 'ko magsaya!" alok ni Mariel. Tumawa pa ito sabay hatak sa kamay ni Cedie.

"Huh? Ano bang sinasabi mo?"

"Basta! 'Wag ka nang magtanong!"

Hinatak ni Mariel si Cedie palabas ng ospital. Nang makalabas sila ng ospital ay agad na pumara ng taxi si Mariel. "Kuya, doon tayo sa Quezon City Circle!" nagmamadaling utos ni Mariel sa driver ng taxi na sinakyan nila.

"Hoy! Ano ba 'tong ginagawa mo? Mamaya ka na ooperahan, a?!" sigaw ni Cedie.

"Ang arte mo, 'wag ka na ngang umangal!" sagot naman ni Mariel.

~*~

Samantala sa lugar naman kung saan ginaganap ang contest ng Behind the pen ay inumpisahan na ng judges ang pagbabasa ng mga manuscript ng mga kalahok na nakapasok sa finals.

"Uumpisahan na po namin ang pagbabasa ng manuscript ng kalahok na si Van Robles," anunsiyo ni Grace.

My friend written by Van Robles. Tungkol ito sa tatlong magkakaibigan na hindi nag-iiwanan kahit gaano pa kahirap ang pagsubok na dumating sa kanila. Hanggang sa isang araw ay namatay ang dalawa sa kanila ng dahil sa malagim na trahedya. Naiwang nag-iisa si Mark ngunit ang hindi niya alam ay kahit na patay na ang dalawa niyang kaibigan ay hindi pa rin siya pinababayaan ng mga ito. Ilang beses nang muntikang madisgrasiya si Mark pero, tila ba ay mayroong nilalang na nagbabantay sa kaniya at hindi siya hinahayaang mapahamak. Lingid sa kaalaman niya na ang dalawa niyang kaibigan ang patuloy na nagliligtas sa kaniya sa mga kapahamakan.

Matapos basahin ng judges ang manuscript na ipinasa ni Van ay nag-umpisa na silang magbigay ng mga opiniyon nila tungkol dito. Ang una sa kanila ay si Arnel Roque.

"Maganda ito. Hindi ako makapaniwalang isang baguhan lamang ang may gawa nito. Malalalim ang narration pati ang pag-express ng emosiyon ng bawat karakter ay perpekto," komento ni Arnel. "Puwede ko bang malaman kung gaano ka na katagal na nagsusulat, Van?" tanong ni Arnel. Tumayo naman si Van sa kinauupuan niya para sagutin ang katanungan ni Arnel.

"Simula pagkabata ay nagsusulat na po ako," seryosong sagot ni Van.

Sumunod naman na nagbigay ng komento niya ay si April. "Hindi pilit ang drama sa istoryang ito. Napakaganda rin ng mensaheng gusto mong iparating sa mga makababasa nito. Kahit na namatay ang mga kaibigan ng bida ay hindi siya pinabayaan ng mga ito. Ganoon rin sa totoong buhay, hindi matatapos sa kamatayan ang pagkakaibigan ng mga tao," komento ni April.

"A, oo, 'yan nga iyong gusto kong iparating sa inyong lahat," utal-utal na sagot ni Van at pilit na tumawa.

Sunod na nagbigay ng komento ay si Angelo Carpio. "Astig, mabangis! Sa tingin ko ay magiging sikat na manunulat ka rin katulad ko. Kung gusto mong matuto pa ay basahin mo ang lahat ng librong nailimbag ko. Marami kang matututunan doon," walang kasusta-sustansiyang komento ni Angelo.

Napabuntong-hininga na lamang si April sabay bulong sa sarili, 'Balimbing! Bakit ba kasi sinali pa ito ni Cyrus?' asar na asar na bulong niya.

Sunod namang nagbigay ng komento ay si Grace Regala. "May itatanong ako, ikaw ba talaga ang gumawa nito?" diretsahang tanong ni Grace na ikinabigla naman ni Van.

Behind The PenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon