"Waah! Anong oras na?! Patay ako!" sigaw ni Sam pagkagising niya. Halos madapa na siya sa pagtakbo niya dahil sa sobrang pagkataranta. "Mama! Bakit hindi n'yo ako ginising?!" pasigaw na tanong ni Sam habang tumatakbo papunta sa banyo nila para maligo.
"Kanina pa kita ginigising! Nakailang katok na ako sa kuwarto mo!" sagot naman ng nanay niya.
~*~
Samantala sa lugar naman kung saan nagaganap ang contest ng Behind the pen ay natapos na sa pagbabasa ng lahat ng manuscript ng mga finalist ang mga judge. Ilang minuto rin nag-usap-usap ang mga judge bago bumalik si Grace sa harapan ng stage para ianunsiyo sa lahat kung sino ang nagwagi.
"Naging mahigpit ang laban para sa contest na ito. Aminado kaming lahat na nahirapan kaming pumili kung sino ang magwawagi para sa contest na ito," pahayag ni Grace sa harapan. "Ang nagwagi sa kauna-unahang contest ng Behind the pen Publishing, ang nagwagi sa Tatak Millennial Literature Project ay walang iba kundi si—" naputol ang sasabihin ni Grace nang biglang may sumigaw.
"Sandali lang!" sigaw ni Cedie. "Ako si Cedie Cortez! Ako ang totoong writer ng My Friend!" Hingal na hingal pa si Cedie habang sinisigaw niya ito.
Gulat na gulat ang lahat ng mga tao na nakarinig sa sinabi ni Cedie. Si Van naman ay napakagat na lang sa labi niya dahil sa sobrang galit.
'Traydor kang walanghiya ka!' galit na galit na bulong ni Van sa sarili.
Agad na pinagkaguluhan ng mga reporter si Cedie. Sabay-sabay ang mga ito na nagtanong sa kaniya, "Ikaw ba iyong nanalo sa wordsmith writing battle? Ano pong ibig ninyong sabihin na kayo ang totoong writer ng My Friend? Kay Van Robles po naka-register ang istoryang iyon na ipinasa sa contest na ito," sunud-sunod na tanong ng isang reporter.
"Isinulat ko ang istoryang 'yan para ibigay kay Van kapalit ng pera para sa pangpagamot ng asawa ko na si Mariel Cortez," sagot naman ni Cedie. "Inaamin ko, kasalanan ko dahil tinanggap ko ang alok niya. Nandito ako ngayon para itama ang pagkakamaling nagawa ko. Nandito ako ngayon dahil sa kahilingan ng isang espesiyal na tao!"
"Mr. Van Robles, totoo po ba ang sinasabi ni Cedie? Totoo bang siya ang gumawa ng istoryang ipinasa n'yo para sa contest na ito?" tanong ulit ng isang reporter.
Tarantang-taranta na si Van dahil hindi na niya alam kung paano niya lulusutan ang gulong pinasok niya ngayon. Iisa lang ang pumapasok sa isip ni Van sa mga oras na ito at iyon ay kung ano ang nararamdaman ng tatay niya ngayon. Alam niyang galit na galit na naman ito sa kaniya dahil sa gulong ginawa niya at dahil mapapahiya na naman ito dahil sa kaniya. "H-hindi 'yan totoo! Ako ang writer ng My Friend!" pagmamatigas ni Van. "Nagsisinungaling lang 'yan! Hindi ko nga kilala 'yan, e! Huwag kayong maniniwala riyan!" natatarantang sigaw ni Van.
Lumapit si Grace kay Van at pagkatapos ay binulungan niya ito, "Tama na, kanina pa namin napagtanto na hindi talaga ikaw ang may gawa nito. Unang tingin ko pa lang ay alam ko nang gawa ito ni Cedie Cortez. Hindi ko alam ang rason mo kung bakit mo ito ginagawa pero tama na, itigil mo na ito."
"Ano bang pinagsasabi n'yo?! Napakataas naman ng tingin n'yo sa sarili n'yo! Isang pipityugin na publishing house lang naman kayo!" nawala na sa sarili niya si Van nang sabihin niya ito kay Grace at sa mga kasama nito.
"Van! Tama na, itigil mo na ito, please. Alam kong ginagawa mo ito para kay papa. Tigilan mo na ito. Hindi mo kailangang sirain ang pangarap mo para lang tanggapin ka ni papa," pagmamakaawa ni Dianne, kanina pa pala ito palihim na nanonood.
"Dianne? Pati ba naman ikaw maniniwala ka sa taong 'yan?!"
"Tama na, hindi pa huli ang lahat para ayusin mo 'to. Alam kong matagal mo nang pangarap na maging isang writer. Gusto mo bang makamit ang pangarap mo sa ganitong paraan?" sagot ni Dianne.
BINABASA MO ANG
Behind The Pen
RomanceMay mga pangarap ba kayo sa buhay na gusto ninyong tuparin? Mga pangarap sa buhay na tila ba ay hinahadlangan ng masaklap na reyalidad? Simula pagkabata ay pangarap na ni Sam Mendoza na maging isang magaling na writer. Kahit na alam niyang hindi it...