10 years ago
"Bagsak ka na naman sa exams mo! Kung anu-ano kasi ang inaatupag mo! Ano na lang ang sasabihin ng mga tao kapag nalaman nilang isang bobo ang anak ko?!" sunud-sunod na sigaw ni Gerald. Lumapit siya sa mesa ng anak niya at pagkatapos ay kinuha niya ang sandamakmak na papel na nakapatong dito. "Ilang beses ko na bang sinabi sa 'yo na wala kang mararating sa pagsusulat ng mga walang kuwentang bagay na katulad ng mga ito?!" sigaw ulit ni Gerald habang pinupunit niya ang mga istoryang pinaghirapan ng anak niya. "Bakit hindi ka gumaya sa ate mo?! Nakakahiya ka!"
'Palagi na lang si ate, puro na lang si ate,' bulong ni Van sa sarili niya habang tahimik na umiiyak sa may sulok ng kuwarto niya.
~*~
'Palagi na lang niya akong ikinukumpara sa kapatid ko. Sa pagkakataong ito ay patutunayan ko sa kaniyang karapatdapat akong maging anak niya!' bulong ni Van sa sarili habang nagmamaneho siya papauwi.
Nang makauwi si Van sa bahay nila ay agad siyang ipinatawag ng tatay niya.
"Bakit n'yo po ako ipinatawag, papa?"
"Huwag mo akong pahihiyain. Oras na matalo ka ay maghanap ka na ng ibang bahay na mauuwian," marahas na sagot ni Gerald sa anak niya. Napasara lang ng kamao si Van nang marinig niya ito.
"O-opo," mahinang sagot ni Van pagkatapos ay lumabas na siya sa kuwarto ng tatay niya. Paglabas niya ay sakto namang nakasalubong niya ang ate niya, ang pinakakinamumuhian niyang tao sa lahat.
"Sasali ka raw sa contest ng Behind the pen? Goodluck, Van! Susuportahan kita!" nakangiting bati ni Dianne. Kahit alam ni Dianne na galit na galit sa kaniya ang kapatid niya ay sinusuportahan niya pa rin ito sa lahat ng ginagawa nito.
"Tumahimik ka! Hindi ko kailangan ng suporta mo!" sagot sa kaniya ni Van. Kitang-kita sa mukha ni Dianne ang sobrang pagkalungkot niya dahil ni minsan ay hindi niya ginusto ang ikumpara siya kay Van ng tatay nila.
"Sorry, Van," mahinang sambit ni Dianne. Kahit ilang beses pa siyang humingi ng tawad kay Van ay hindi siya pinapansin nito.
Nang makaalis si Van ay minabuti ni Dianne na kausapin muna ang kanilang ama. "Papa, huwag n'yo naman po sanang tratuhin ng ganoon si Van," pakiusap ni Dianne.
"Kinukunsinti mo kasi 'yang nakababata mong kapatid, tingnan mo ang kinalabasan niya ngayon... isang kahihiyan, isang palpak na tao," sagot sa kaniya ni Gerald.
"Hindi n'yo ba napapansin na kaya nagpupursigi nang ganito si Van sa pangarap niya ay para mapatunayan sa inyong karapatdapat siyang maging anak ninyo?" pagmamatigas ni Dianne. Hirap na hirap na siyang makita ang kapatid niyang nasasaktan kaya kahit ayaw niya sanang makipagtalo sa tatay nila ay tinibayan niya ang loob niya.
Anak ni Gerald si Van mula sa katulong nila. Para kay Gerald, si Van ang naging dahilan ng pagkasira ng relasiyon nila ng totoo niyang asawa kaya ganito na lamang kung tratuhin niya ito.
"Kahit pagbali-baliktarin pa natin ang lahat ng bagay, hindi na mababago ang katotohanang anak mo si Van. Papa, kapatid ko si Van!"
Sa kabila ng katigasan ng loob ni Van ay may nag-iisang dahilan kung bakit niya ginagawa ang lahat ng ito. Sa ilalim ng maliwanag na buwan ay nagniningning ang pangarap ng bawat isa sa kanila.
'Papa, gagawin ko ang lahat para mapatunayan ko sa inyong karapatdapat akong maging anak ninyo,' bulong ni Van sa sarili niya habang nakatitig siya sa maliwanag na buwan.
~*~
'Mariel, gagawin ko ang lahat para lang gumaling ka. Gusto pa kitang makasama nang mas matagal pa,' bulong ni Cedie sa sarili niya habang patuloy na nagsusulat ng istoryang ibibigay niya kay Van. Napatingin siya kay Mariel, para itong isang batang natutulog, napakainosenteng tingnan at parang walang problemang kinakaharap.
BINABASA MO ANG
Behind The Pen
RomanceMay mga pangarap ba kayo sa buhay na gusto ninyong tuparin? Mga pangarap sa buhay na tila ba ay hinahadlangan ng masaklap na reyalidad? Simula pagkabata ay pangarap na ni Sam Mendoza na maging isang magaling na writer. Kahit na alam niyang hindi it...