Sa kuwarto kung saan naka-confine si Sam ay halos himatayin na ito dahil sa sobrang kaba.
'Hindi pa rin ba tapos ang meeting nila?' tarantang tanong ni Sam sa sarili. Ilang sandali pa ay bigla na lamang may kumatok sa pintuan.
"Sam, papasok na 'ko, a?" paalam ni Mikka. Pumasok ito sa loob ng kuwarto at pagkatapos ay umupo sa tabi ni Sam.
"Uy, Mikka, bakit? Ano bang mayro'n?" tanong ni Sam. Pansin niyang parang masiyadong seryoso si Mikka kaya takang-taka siya kung anong mayroon.
"Lilipat na ako ng school. Kukunin ko ang kursong mass com," sagot ni Mikka sa kaniya.
"Sabi ko na, e, sa huli mass com din ang pipiliin mo! Bakit ba kasi nag-engineering ka pa?" tanong naman ni Sam dito.
'Manhid! Sakalin kita, e!' bulong ni Mikka. "Ano kasi, e, sabi nila mataas daw ang kita ng mga engineer kaya sinubukan kong kumuha ng engineering course," palusot ni Mikka sa kaniya.
Nginitian lang siya ni Sam sabay sabing, "Alam kong magiging magaling na news anchor ka, Mikka! Susuportahan kita nang susuportahan!" sabi ni Sam pagkatapos ay hinawakan niya ang kamay ni Mikka. "Kapag naging sikat na writer ako, gusto ko ikaw ang mag-i-interview sa akin, a?"
Halos himatayin na si Mikka dahil sa sobrang pagkakilig. Namumula ang mukha niya at naduduling siya dahil sa ginagawa ni Sam.
"Sam, galingan mo, a? Gagalingan ko rin siyempre, hindi ako magpapahuli sa 'yo," sabi ni Mikka, nagkangitian pa sila ni Sam. Sa mga oras na ito ay iisa lang ang hinihiling ni Mikka, sana ay huminto ang pagtakbo ng oras. "Mauna na 'ko, Sam, may entrance exam pa ako bukas. Good luck, Sam! Palagi kitang susuportahan!"
"Mikka, maraming salamat sa lahat-lahat. Siguro kung hindi mo 'ko pinakokopya tuwing may exams, matagal na 'kong na drop out. Palagi kang nandiyan para sa akin, maraming maraming salamat!" nakangiting sagot sa kaniya ni Sam.
Napangiti lang si Mikka at pagkatapos ay lumabas na siya ng kuwarto. Pagkalabas niya ay sakto namang nakasalubong niya si April. Hindi na niya ito nagawang kausapin pa dahil nagmamadali ito. Dire-diretsong pumasok si April sa loob ng kuwarto ni Sam.
"Anong resulta?" bungad na tanong ni Sam nang makita niya si April.
"Sam... ang napili nila para ma-publish ay ang istorya ni Grace. Sorry, Sam," sagot ni April. Para bang gumunaw ang mundo ni Sam dahil sa narinig niya.
"Ganoon ba? Sayang naman," himutok ni Sam habang unti-unti nang pumapatak ang mga luha nito.
"Huwag kang mag-alala, Sam! Isang boto lang naman ang lamang ni Grace sa 'yo!" sabi ni April. Sinusubukan niyang pagaanin ang loob ni Sam pero ang totoo ay halos parehas lang sila ng nararamdaman.
Napaupo na lang si April sa sahig at tahimik na umiyak. Ito ang unang beses na naghirap si April para sa isang bagay. Ito ang unang beses na ibinigay niya ang lahat-lahat kaya napakasakit para sa kaniya ang nangyari. Biglaan na naman niyang naalala ang sinabi ni Cyrus noong bumoto ito.
"Ang boto ko ay mapupunta sa istory ni Grace. Aminado akong maganda ang istorya ni Sam pero, malayo pa ang agwat nila ni Grace. Alam kong matatagalan pero sigurado akong darating ang araw na maaabutan din ni Sam si Grace. Pero hindi niya magagawa iyon kung wala ka, April. Sana ay maintindihan mo ang naging desisiyon ko."
"Nakakainis! Nakakainis!" sigaw ni April.
Nagulat siya nang makita niyang pinilit ni Sam na makatayo. Lumapit ito sa kaniya at pagkatabos ay iniabot nito sa kaniya ang libro na pinahiram niya rito. Iyon ang libro ng tatay niyang si Henry na ang pamagat ay My Daughter.
BINABASA MO ANG
Behind The Pen
RomanceMay mga pangarap ba kayo sa buhay na gusto ninyong tuparin? Mga pangarap sa buhay na tila ba ay hinahadlangan ng masaklap na reyalidad? Simula pagkabata ay pangarap na ni Sam Mendoza na maging isang magaling na writer. Kahit na alam niyang hindi it...