Chapter 9 - Finals

3 1 0
                                    


Sa opisina ng Behind the pen Publishing ay abalang-abala ang lahat ng mga editor dahil isang araw na lang ay deadline na ng contest.

"Tingnan mo si April; parang sinapian na naman ng masamang espirito, bigla na namang naging masipag," pabirong bulong ni Aileen kay Jericho habang nagtatrabaho sila. Natawa naman agad si Jericho nang marinig niya ito, napatingin siya kay April.

"Nagpasa kasi ng manuscript para sa contest 'yong writer niya."

"'Yong writer nung Vigilante? Huwag mong sabihin sa 'king in love si April do'n?" Pigil na pigil ang tawa ni Aileen habang tinatanong niya ito.

"Naku, hindi puwede 'yon! Paano na 'ko? Dapat akin lang si April. At saka ako nga hindi niya sinagot, e, 'yong iba pa kaya? Mas brusko pa 'to kay Cyrus, e." Hindi na napigilan ni Jericho ang pagtawa nang malakas nang isagot niya ito.

"Narinig ko ang pangalan ko, pinag-uusapan n'yo ba ako?" mala-halimaw na tanong ni Cyrus sa dalawa.

"Sir, crush ka raw po ni Aileen!" palusot ni Jericho pagkatapos ay binalik na nila ang atensiyon nila sa kanilang ginagawa. Napatitig naman si Cyrus kay April abalang-abala ito sa kaniyang ginagawa.

"Nag-aalala siguro siya para kay Sam. Kanina pa niya paulit-ulit na binabasa ang manuscript na ipinasa ni Sam," sabi ni Cyrus.

"Sigurado akong hindi siya nag-aalala para kay Sam. Kung mababasa n'yo ang ipinasa ni Sam Mendoza na manuscript ay sigurado akong parehas lang kayo ni April ng gagawin, paulit-ulit n'yo itong babasahin," seryosong sabat ni Irene. Nang mabasa niya rin kasi ang manuscript na ipinasa ni Sam ay limang beses niya itong binasa.

"Cyrus, tingnan mo ito!" sigaw ni Jericho. Agad na lumapit sa kaniya si Cyrus. "Van Robles? Hindi ba siya 'yong anak sa labas ni Senator Gerald Javier? Tingnan mo, nagpasa siya sa atin ng manuscript," sabi ni Jericho.

"Parang may napanood ako sa balita dati na sasali nga raw siya sa contest natin. Akala ko ay nagbibiro lamang siya, hindi ko akalain na seryoso pala siya roon," dagdag pa ni Irene nang marinig niya ang pinag-uusapan nila Cyrus. "Grabe, basahin ninyo 'yong pinasa niya, parang hindi ito gawa ng isang baguhan na katulad niya," sabi ni Jericho habang nakatitig sa laptop niya.

"Mukhang magiging matindi ang laban sa contest na ito, a," sabi naman ni Irene.

Tahimik lang na nakikinig sa kanila si April. 'Kaya niya 'to. Naniniwala akong mananalo siya,' bulong sa sarili ni April habang patuloy niyang binabasa ang manuscript ni Sam.

~*~

Kinabukasan ay nag-anunsiyo ang Behind the pen na uumpisahan na nila ang preliminaries ng contest. Ang lahat ng mga editor ng Behind the pen Publishing ang titingin sa mga entries para sa preliminaries sa loob ng isang linggo. Pagpapasiyahan nila kung alin sa mga entries na hawak nila ang makapapasok para sa finals. Lagpas dalawang daan ang natanggap nilang entries at bawat isa sa mga ito ay mabusisi nilang binasa. Sa loob ng conference room kung saan nila inumpisahan ang pagbabasa ng manuscript ng bawat isa sa mga kalahok ay ramdam na ramdam ang tensiyon sa buong paligid. Sa loob ng isang linggo ay araw-araw nila itong ginagawa hanggang sa matapos nilang basahin ang lahat ng entries.

Sa lagpas dalawang daang entries na natanggap nila ay eksaktong bente lamang ang nakapasa sa panlasa ng mga editor ng Behind the pen. Pagkatapos ng preliminaries ay nag-anunsiyo na ulit ang Behind the pen kung kailan at kung saan gaganapin ang finals ng contest nila. Inanunsiyo rin nila kung sinu-sino ang mga nakapasa sa preliminaries, kabilang na rito sila Sam at Van.

September 27, 2014 sa SMX Convention Center, 10:00am gaganapin ang finals ng Tatak Millennial Literature Project. Kinagabihan, bago ang araw ng finals ay halos hindi makatulog si Sam dahil sa sobrang kaba. Naisip niyang maglakad-lakad muna sa labas para magpahangin, sakto namang nakasalubong niya si Mikka na papauwi pa lamang galing sa bagong eskuwelahan nito.

Behind The PenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon