Prologue

8K 133 2
                                    

TININGNAN ni Paige ang suot niyang relos. Bakas na rin sa mukha ng apat niyang kaibigan ang pagkainip sa paghihintay sa kaibigan nilang si Scarlet. Ilang minuto na lang ay magsisimula na ang graduation ball pero narito pa rin sila sa lobby ng Manila Hotel.

“Ano ba? Hindi mo pa rin ba ma-contact?” tanong niya kay Iona na siyang kanina pa tumatawag kay Scarlet.

“She’s not answering her phone,” ani Iona na hawak ang cell phone nito sa may tainga.

Napasimangot si Akira. “Nakakainis talaga ang—”

“Girls!” malakas na sabi ni Scarlet na kararating pa lamang.

Sabay-sabay silang napatingin sa babae. Hawak ni Scarlet ang gown nito at bahagyang nakalilis upang mabilis itong makalapit sa kanila.

“Sorry, I’m late,” apologetic na sabi ni Scarlet.

“Ano ba’ng bago? Palagi naman 'di ba?” nakatikwas ang kilay na sabi ni Moira. “Let’s go, mukhang tayo na lang ang wala doon sa function room. Wala na ang iba nating batchmate dito sa labas, eh.” Nagpatiuna nang maglakad si Moira.

Nang pumasok sila sa loob ng Manila Ballroom ay napatingin sa kanila ang karamihan ng mga naroon. Nakasunod ang mata ng mga ito sa kanilang anim hanggang sa marating nila ang table na naka-reserved para sa kanila. Kasama nila doon ang ilan pa nilang mga kaklase.

“As ever, you girls never failed to get the crowd’s attention,” nakangiting sabi ni Laida nang maupo na sila.

“It’s not our fault if pinanganak kaming mga head-turner,” nakangiting biro ni Iona dito.

Nagkatawanan sila.

Totoo ang sinabi ni Iona, hindi pa yata sila dumaan o napunta sa isang lugar na walang napatingin sa kanilang anim. Since grade school ay kaibigan na niya sina Akira, Scarlet, Perrie, Moira at Iona. Hindi sila mapaghiwa-hiwalay ng mga ito.
Second year high school nang tawagin silang ‘Posh Girls’ ng mga kaklase. Iyon daw ang nababagay na tawag sa grupo nila dahil lahat sila ay nabibilang sa mayayamang pamilya, stylish at mga fashionista. Bukod doon ay hindi rin sila papahuli sa talino at ganda.

Everyone looked up to them. Maraming mga babae sa campus ang naiinggit sa kanila. Sila ang tinaguriang campus crushes, at marami sa mga lalaki nilang schoolmates ang nagtangka na ligawan sila. Pero marami din ang ilag sa kanila sa pag-aakalang iba ang ugali nila. Hindi kasi sila masyadong nakikisama sa ibang mga kaklase, kontento sila na silang anim lang ang laging magkakasama.

Ilang sandali pa ay nagsimula na ang party. Pagkatapos magbigay ng speech ng principal at mga advisers nila ay nagsimula na ang kasiyahan. Excited na nagsi-puntahan ang mga classmate nila sa dance floor habang sila ay nanatili muna sa upuan.

“Well, ito na ang last day natin na high school tayo,” ani Scarlet. “Kailangan nating i-enjoy ito ng todo.”

“I can’t wait to go to college,” sabi naman ni Perrie. “I will surely miss you, girls.”

“Kung magsalita ka parang hindi na tayo magkikita-kita,” pakli ni Moira. “Kahit naman iba’t-iba ang course natin, iisang university pa rin ang papasukan natin, 'di ba?”

Nanghaba ang nguso ni Perrie. “Kahit na, iba pa rin 'yong nasa iisang classroom lang tayo.”

“Enough of your dramas, okay,” singit niya sa mga ito. Kinuha niya ang baso niya na may lamang juice at itinaas iyon. “Cheers, para sa another stage ng journey natin.”

Itinaas din ni Iona ang baso nito. “For new challenges and kalokohan.”

“For our friendship,” halos sabay-sabay na sabi nina Akira, Perrie at Scarlet.

Nakangiting ginaya sila ni Moira. “For the Posh Girls!”

Posh Girls Series Book 1: Paige (Completed_Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon