MIYERKULES. Tahimik na sumakay si Paige sa backseat ng kotse niya. Nakita niya na napailing si Thaddeus habang umikot naman ito papunta sa may driver's side. Sumakay ng kotse ang lalaki at napapiksi siya nang malakas nitong isara ang pinto ng kotse. Nakatiim ang bagang na minaneho ng binata ang sasakyan palabas sa underground parking ng GSIS Building.
"May pupuntahan ka pa ba or diretso na tayo sa inyo?" narinig niyang tanong ng binata.
"Sa bahay na tayo," tipid na sagot niya at iniiwas na ang tingin sa lalaki.
Mula pa noong makabalik sila buhat sa Pagbilao ay hindi halos niya kinikibo ang lalaki. Bumalik siya sa dati na sa likod ng kotse nauupo, at hindi niya halos kausapin si Thaddeus. Ilang beses na tinangka ng binata na magbukas ng usapan pero hindi siya sumasagot, nagkukunwari siyang abala sa pagbabasa ng mga dala niyang papeles o 'di kaya naman ay ang tablet ang iniintindi niya.
Narinig niya ang pagbuga ng hangin ng lalaki, pero hindi niya iyon pinansin. Pinigilan niya ang sarili na tingnan ito at sa halip ay itinuon niya ang mga mata sa laman ng hawak niyang folder.
Hindi pa sila nakakalabas ng CCP Complex nang biglang ihinto ng binata ang kotse. Napaangat ang tingin niya at nagtataka itong tiningnan. "Bakit tayo huminto?"
Sa halip sagutin siya ay bumaba ng kotse ang binata at naglakad palayo. Mabilis din siyang bumaba.
"Thaddeus!" tawag niya rito pero parang walang narinig ang lalaki, patuloy lang ito sa paglakad. Isinara niya ang pinto ng kotse at sinundan ito. "Thaddeus, ano ba?!"
Hindi pa rin siya pinansin nito.
Huminto siya sa paglakad. "Ano ba'ng problema mo!?" napipikon na malakas niyang sabi.
Huminto sa paglalakad ang lalaki at humarap sa kanya. Ilang dipa rin ang layo nila sa isa't-isa. Kita niya ang pagkakasalubong ng kilay nito.
"Why did you walk out of me?" nakataas ang kilay na sabi niya.
Naglakad palapit sa kanya ang binata. "Ikaw, ano ba'ng problema mo?" ganting tanong nito na bakas ang galit sa tinig.
Maang niya itong tiningnan. "Ano'ng sinasabi mo? Ikaw itong bigla na lang bumaba ng kotse at iniwan ako, 'di ba?"
Tumigil sa harapan niya ang lalaki. "Puwede ba, Paige, alam mo kung ano ang ibig kong sabihin!"
Hindi naman siya nakakibo.
"Bakit bigla-bigla kang nagkaganyan? Okay naman tayo, 'di ba? Ano'ng nangyari at bigla kang nagbago? Mula noong manggaling tayo sa Quezon ganyan ka na? Ano ba'ng problema? May ginawa ba ako na hindi mo nagustuhan?"
Hindi siya makapagsalita, hindi niya malaman kung ano ang sasabihin rito. Paano nga ba niya sasagutin ang tanong nito. Alangan namang sabihin niya na kaya siya nagkakaganito ay dahil nai-in love na siya rito at pinipigilan niya ang sarili.
"What?!" pasigaw na sabi nito.
Napapiksi siya.
"Puwede ba magsalita ka! Pinasasakit mo ang ulo ko, eh. Hindi kita maintindihan!" dagdag pa ni Thaddeus. "Bakit hindi mo ako kinakausap? Ano ba'ng problema mo sa akin?"
"Wala ka namang kailangang maintindihan, eh," aniya na pilit pinakaswal ang tinig.
Lalong lumalim ang gatla sa noo ng lalaki.
"Wala akong sasabihin kaya tahimik ako. Masyadong occupied ang utak ko sa trabaho and you know that. Kaya huwag mong gawing issue ang hindi ko pagkausap sa 'yo. Don't think na may problema ako sa 'yo, marami akong iniisip kaya ganoon... and it's not about you, okay?!"
BINABASA MO ANG
Posh Girls Series Book 1: Paige (Completed_Published under PHR)
Romance"I told you I'm willing to give up my life for you. I'm not scared of dying. Mas takot ako kung ikaw ang mawawala. Because if that happens, wala na rin ako. You are my life." Dahil anak ng senador ay de-numero ang bawat kilos ni Paige. At dahil din...