Chapter 2

3.8K 112 0
                                    

BAHAGYANG napakunot ang noo ni Paige habang nagmamaneho. Hindi niya alam kung dahil ba sa nangyari noong nakaraang linggo kaya pakiramdam niya ay parang palaging may sumusunod sa kanya. Sinulyapan niya ang mga side mirror ng kotse niya, wala naman siyang napansing kakaiba.

“Paranoid! Itigil mo na nga ang kakaisip ng ganyan, Paige!” malakas na sabi niya sa kanyang sarili. Pero bigla siyang napaayos ng upo nang mahagip ng mga mata niya sa left side mirror niya ang isang motorsiklo.

Hindi niya maintindihan kung bakit tila bigla siyang kinabahan pero pinilit pa rin niyang kalmahin ang sarili. Malapit na rin naman siya sa Carmela Village, kapag nakapasok na siya sa subdivision nila ay wala na siyang dapat alalahanin.

At isa pa, ano’ng dapat mong ikatakot sa motorsiklo na iyan? Kayang-kaya mong patumbahin iyon nitong kotse mo, tapang-tapangan pang sabi niya sa sarili.

Isang ideya ang biglang pumasok sa kanyang isip… isa lang ang paraan para malaman kung talaga bang may sumusunod sa kanya o tinatakot lamang niya ang sarili. Nag-iba siya ng daan, sa halip na diretsuhin ang kahabaan ng Quezon Avenue ay lumiko siya sa Roces Avenue at Scout Santiago. Mabilis siyang bumaba ng kotse niya at tumawid patungo sa isang twenty-four hour store na nasa kabila nang pinaghintuan niya ng kotse. Mula roon ay nakita niyang huminto ang motorsiklo na napansin niya kanina 'di kalayuan sa kotse niya. Nakita niya ang paglapit ng lalaki sa kotse niya at pasimpleng pag-silip nito doon. Pagkatapos ay bumalik ito sa motorsiklo nito pero hindi umalis ang lalaki.

Walanghiya ka, sisiguruhin kong mahuhuli ka ng mga pulis ngayon, tahimik niyang naisaloob habang idina-dial ang police hotline.

Ilang sandali pa ay narinig na niya ang sirena ng mobile ng pulis mabilis siyang napasilip sa labas. Nagsalubong ang kilay niya nang makita na tila hindi natinag ang lalaking naka-motorsiklo at nang lapitan ito ng mga pulis ay parang balewala na nakipag-usap pa ang lalaki sa mga ito.

Mabilis siyang lumabas ng tindahan at pinuntahan ang mga lalaki. “Sir, I’m Paige Colmenar,” malakas na sabi niya habang papalapit siya sa mga ito. “Siya 'yong ini-report ko na sumusunod sa akin. He’s been following me kanina pa. At nang huminto ako rito ganoon din ang ginawa niya,” sumbong niya sa mga pulis.

“Totoo ba iyon?” tanong ng isa sa mga pulis sa lalaki habang ang isa naman ay agad na kinakapkapan ito.

Mukhang sasagot sana ang lalaki nang makapa ng pulis ang dala nitong baril. “Ano ito?”

Pakiramdam niya ay nanindig ang lahat ng balahibo niya nang makita ang baril na hawak ng pulis na nakuha nito sa lalaki.

“Sandali lang ipapa—”

Hindi niya napigilan ang sarili at nilapitan ang lalaki sabay hampas niya ng tangan niyang bag rito. “Walanghiya ka! Sino ang nag-utos sa 'yo na gawin mo ito! Bakit mo ako sinusundan?! Sino ang nagpapapatay sa akin!” hysterical na niyang sigaw habang sinasalag naman nito ang mga hampas niya.

Isa sa mga pulis ay pumagitna sa kanila ng lalaki, ang dalawa naman ay tangka nang hahawakan ang lalaki.
“Sumama ka sa amin sa presinto,” ani ng isang pulis at naglabas na ito ng posas.

“Wait, I can explain this, okay… I’m Thaddeus Imperial from NBI’s Special Investigation division,” sabi ng lalaki na pumiglas sa pulis nang hawakan ito sa braso. Dumukot sa bulsa ang lalaki at inilabas ng isang ID at wallet nito. Iniabot nito ang mga iyon sa pulis. “Kung may binabalak akong masama kay Miss Colmenar sana umalis na ako bago pa siya nakalapit at itinuro ako sa inyo.”

“Bakit mo sinusundan si Ma’am?” tanong ng pulis na siyang may hawak ng baril ng binata at ibinalik nito iyon sa lalaki.

“Don’t tell me you’re going to buy that crap? Sir, kanina pa niya ako sinusundan, ano’ng motibo niya roon? And besides paano naman kayo nakakasigurong taga-NBI iyan?” hindi niya maitago ang inis sa kanyang tinig. Hindi siya naniniwala sa sinasabi ng lalaki. Ano naman kasi ang dahilan at susundan siya ng isang NBI agent?

Posh Girls Series Book 1: Paige (Completed_Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon