HINDI mapigilan ni Thaddeus ang sarili na mapangiti habang sinusundan ng tingin si Paige na mabilis na naglalakad palapit sa mga kaibigan nito. Kanina pa niya nakikita ang tuwa sa mukha ng dalaga, halatang excited ito na makasama ang mga kaibigan noong high school.
Sa mga araw na nakasama niya ang babae ay unti-unti niya itong nakilala. Sa likod ng compose at strong personality nito na ipinapakita sa lahat ng mga nakakasalamuha ay naroon ang isang simpleng babae na gustong-gustong maging malaya. Naiintindihan niya ito, gusto nitong maging simple lamang pero sa uri ng buhay at estado ng pamilya nito sa bansa ay malabo iyon.
“Hoy, tulungan mo kaya akong ibaba ang mga bitbit ng amo mo,” untag sa kanya ni Ron na nasa may likod ng kotse at ibinababa na ang mga dala nila. Isinama niya si Ron sa lakad nila dito sa Pagbilao, Quezon para may makasama siya sa pagbabantay kay Paige.
Isinara na niya ang pinto ng kotse at nilapitan ang kaibigan.
“Mukhang nahanap mo na ang nanay ng mga magiging anak mo, ah” ngingisi-ngisi na sabi ni Ron.
Kunot-noong tiningnan niya ang kaibigan. “Ano’ng sinasabi mo?”
“Hoy, Pare, ilang taon na rin tayong magkaibigan. Ilang babae na rin ang nakilala mo doon sa mga taon na iyon pero wala kang tiningnan na katulad ng ginagawa mo kanina pa kay Paige,” pakli nito. “Ano’ng akala mo sa akin, hindi marunong makiramdam?”
Hindi siya nagsalita.
“Tinamaan ka na ano?” kantiyaw pa nito.
“Sira-ulo!” walang kangiti-ngiting sabi niya.
“Ikaw ang sira-ulo! Ako pa ba ang lolokohin mo? Pareho tayong lalaki kaya alam ko na tama ako!” anito na binuhat palabas ang isang kahon na may lamang mga red wine bago isinara ang trunk ng kotse.
Magkasama silang naglakad patungo sa kinaroroonan ng grupo nila Paige. Bitbit ni Ron ang kahon habang siya naman ay dala ang mga gamit para sa pagtatayo ng tent. Habang naglalakad sila ay tahimik niyang tinitingnan at pinakikiramdaman ang paligid. Nagsisimula nang dumilim ng oras na iyon at ilang sulo na rin sa paligid ng beach ang may sindi.
Inihatid ni Ron ang dala nitong kahon sa malaking cottage na inuokopa ng grupo nila Paige. Sinimulan na niyang itayo ang dalawang tent, isa ay para sa kanila ni Ron at ang isa naman ay kay Paige. May mangilan-ngilan ring tent na naroon na para naman sa iba pang mga kaibigan ng dalaga. Agad rin namang sumunod si Ron para tulungan siya.
“Noong una panay ang reklamo mo na ayaw mo sa assignment na ito,” ani Ron. “Pero ngayon mukhang nag-e-enjoy ka na, ano?”
Hindi niya pinansin ang sinasabi ng lalaki, patuloy lang siya sa ginagawa.
“Kung sabagay hindi naman kita masisisi. Maganda si Paige,” dagdag pa nito na ayaw talagang paawat sa panunukso sa kanya.
“Tumigil ka nga sa iniisip mo,” saway niya sa lalaki.
“Bakit? Hindi ka ba attracted sa kanya?” anito na kinindatan pa siya.
Nangingiting napailing siya. Tama ang kaibigan niya, kahit sino ay magugustuhan ang dalaga. Sino ba ang hindi ma-aattract kay Paige? Bukod sa pisikal nitong katangian ay mararamdaman mo rin ang kababaan at kabutihan ng kalooban nito.
“Mukhang napapalapit ka na rin sa kanya,” komento pa ng kaibigan niya.
“Oo. Sa araw-araw na magkasama kami siyempre naging magkaibigan na rin kami,” aniya naman.
Mahina siyang hinampas ng hawak na pole ni Ron. “Trenta anyos ka na may nalalaman ka pang ‘magkaibigan’. Huwag ka nang tumanggi.”
“Bahala ka sa gusto mong isipin. Kaibigan ang turing ko kay Paige,” aniya na idiniin pa ang mga katagang iyon. “Ikaw na ang nagsabi, trenta na ako… alam ko kung ano at saan ang lugar ko. Bodyguard niya ako, at ang dahilan kung bakit narito ako ay para bantayan siya.”
BINABASA MO ANG
Posh Girls Series Book 1: Paige (Completed_Published under PHR)
Romance"I told you I'm willing to give up my life for you. I'm not scared of dying. Mas takot ako kung ikaw ang mawawala. Because if that happens, wala na rin ako. You are my life." Dahil anak ng senador ay de-numero ang bawat kilos ni Paige. At dahil din...