Chapter 6

5.9K 108 0
                                    


MUNTIK nang mabitiwan ni Althea ang hawak na baso nang biglang bumukas ang pinto ng opisina niya at bumungad ang isa na namang panauhing hindi niya inaasahan, seryoso ang anyo. Nakasunod dito si Jasmine.

"Ma'am, sinabi ko ho sa kanya na hindi kayo puwedeng istorbuhin pero nagpumilit po siyang pumasok," ani Jasmine.

"It's all right, Jasmine. Iwan mo na lang kami. Ako na ang bahala sa kanya." Hinintay muna niyang maisara nito ang pinto bago niya binalingan ang bisita. "Ano'ng kailangan mo, Geraldine?"

"Maaari ba kitang makausap?" tanong nito habang titig na titig sa kanya.

Tumango siya. "Maupo ka."

Hindi ito tuminag sa kinatatayuan. Hindi na niya pinilit na maupo ito.

"Ano ba talaga ang ipinunta mo rito?"

Huminga ito nang malalim, saka naupo. "Nagpunta ako rito para alamin kung totoo ang sinasabi ng kapatid ko na nagkita na kayo."

Hindi siya sumagot. Naupo rin siya.

"Akala ko, sa Bacolod ka na nakatira," sabi nito habang inililibot ang tingin sa kabuuan ng opisina niya. "Hindi ko alam na narito ka pala sa Manila."

Kumunot ang kanyang noo. Naguguluhan siya rito. "Bacolod? Ano naman ang—"

"Five years ago nang makarating sa amin ang balita tungkol sa iyo. Alam mo na siguro kung ano ang tinutukoy ko," seryosong pahayag nito.

Muli ay hindi siya nakasagot dahil iniisip niya kung anong balita ang tinutukoy nito.

"Nasaktan nang husto si Hubert. Pabalik na sana siya noon dito, pero nang malaman niya iyon, pinili na lang niyang manatili sa California," pagpapatuloy nito.

"Hindi ki—"

"Paano mo nagawang saktan nang ganoon ang kapatid ko, Althea? Ano ang ginawa niya para lokohin mo siya? Paano mo nagawang magpakasal sa iba?"

Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig. Hindi niya maintindihan ang mga sinasabi nito.

Magsasalita na sana siya para ipagtanggol ang sarili pero naisip niyang para ano pa? Sabihin man niya na hindi iyon totoo, wala na ring mangyayari. Ikakasal na si Hubert sa iba.

"Sabi mo nga walong taon na ang nakalipas, so bakit kailangan pang ungkatin natin ang nakaraan? May kanya-kanya na kaming buhay ng kapatid mo."

Natigilan ito. Alam niyang nagulat ito sa paraan ng pananalita niya.

"Matagal ko na siyang nakalimutan. I think nakalimutan na rin niya ako. Bakit hindi na lang natin kalimutan ang lahat ng nangyari?" Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas para sabihin ang mga bagay na iyon.

"Siguro nga, tama ka. Hindi na nga dapat pag-usapan pa iyon," anito na titig na titig sa kanya.

Ngumiti siya. "May sasabihin ka pa ba? Kung wala na, puwede bang iwan mo na ako? Marami pa kasi akong importanteng bagay na dapat asikasuhin."

Matagal na tinitigan siya nito, kapagkuwan ay umiling.

Tumayo siya at binuksan ang pinto para dito. Tumayo naman ito at lumabas na. Agad na isinara niya ang pinto. Nasapo niya ang kanyang noo. Ngayon ay malinaw na sa kanya kung bakit galit na galit sa kanya si Hubert.

Pero kanino nanggaling ang maling balitang iyon? Sino ang may pakana niyon? At ano ang dahilan para sirain nito ang relasyon nila ni Hubert?

PAG-UWI ni Althea sa bahay ay nadatnan niya ang ina na nanonood ng TV sa sala. Nilapitan niya ito at hinagkan sa noo.

Naupo siya sa tabi nito. "Akala ko, next week pa kayo pupunta rito, 'Ma?"

"Hindi ako mapalagay, eh. Alam kong kailangan mo ng karamay ngayon," anito.

"'Ma, matanda na ho ako," protesta niya.

"Alam ko iyon. Pero tungkulin ko pa ring alagaan ka at damayan. Now tell me, ano ang nangyari sa pagkikita ninyo?"

Bumuntong-hininga siya bago nagsimulang magkuwento rito.

"Ano naman ang ikagagalit niya sa iyo? Tinupad mo ang pangako mo sa kanya. Naghintay ka. Siya ang nakalimot at—"

"Akala niya, nagpakasal ako sa iba," putol niya sa sinasabi nito.

Napatitig ito sa kanya. "Ano?"

"Hindi ko rin ho alam kung sino ang nagsabi ng kasinungalingang iyon sa kanya. Nagpunta si Geraldine sa shop kanina. Sa kanya ko nalaman kung bakit galit sa akin si Hubert."

"Ano'ng sabi mo sa kanya? Hindi mo ba sinabing hindi totoo iyon?"

Umiling siya. "Hayaan na lang ho nating ganoon. Tutal, ikakasal na siya, wala nang halaga kung malaman man niya ang totoo."

Hindi ito nagkomento.

Iniba na lang niya ang usapan, ibinaling niya sa nalalapit na kasal ni Jane.

A Promise of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon