"KAHAPON ka pa tingin nang tingin diyan sa relo mo, ah. Hindi naman kaya matunaw na iyan sa ginagawa mo, Althea?" puna ni Clarisse sa kanya.
Nasa garden sila noon ng bahay nina Tita Ella. Tahimik siyang nakaupo sa ilalim ng puno ng santol at tulad kahapon ay panay pa rin ang tingin niya sa kanyang relo.
"Inaabangan mo ba ang oras?" tanong uli nito.
Napabuga siya ng hangin. Tumingala siya sa kalangitan. "Ilang oras na lang, ikakasal na sila."
"Althea, kung hindi mo kayang tuluyan siyang mawala sa iyo, kumilos ka na. Pumunta tayo sa Bulacan. Pigilin natin ang kasal."
Tiningnan niya saglit ang kaibigan at saka muling itinuon ang tingin sa langit. "Sinabi ko naman sa iyo na wala akong balak na pigilan ang kasal nila. Ayokong sirain ang pinakamasayang araw ng buhay nilang dalawa."
"Sabi mo noon sa akin, nararamdaman mong mahal ka pa rin niya. Paano kung tama ka? Paano kung ikaw pa rin nga ang mahal niya?"
Hindi siya nagsalita. Napakagat-labi siya dahil naiiyak na naman siya.
"Althea."
"Hayaan na nating ganito ang mangyari. Siguro, ito talaga ang dapat. Clarisse, puwede bang iwan mo muna ako rito? Gusto ko sanang mapag-isa sandali. Mamaya, uuwi na rin tayo ng Manila," pakiusap niya rito.
"Kung iniisip mo na tama ang ginagawa mong pagpaparaya, nagkakamali ka. Hindi mo maipapakita ang pagmamahal mo sa pagpaparaya. Mas mapapatunayan mong mahal mo ang isang tao kung ipaglalaban mo siya."
BUONG gabing walang tulog si Hubert. Nakahiga siya sa kama at naghihintay ng oras.
Ilang minuto pa at may narinig na siyang mga katok sa pinto. Bumangon siya at pinagbuksan ang dumating. Ang mama niya iyon kasama ang dalawang kapatid niya. Tutulungan siya ng mga ito sa paghahanda para sa kasal niya mamaya.
"Bakit ganyan ang ayos mo? Hindi ka ba nakatulog nang maayos?" tanong ng mama niya.
Hindi siya sumagot, sa halip ay bumalik siya sa kama at muling nahiga.
"Si Kuya, masyadong excited hindi nakatulog!" kantiyaw sa kanya ni Inna, ang bunsong kapatid niya.
Nilapitan siya ng kanilang ina at inabutan ng tuwalya. Ang Ate Geraldine naman niya ay inayos ang tuxedo na isusuot niya.
"Bumangon ka na riyan at maligo. Ilang oras na lang, kasal mo na. Kailangang maaga tayo sa simbahan. Sinisimulan nang ayusan si Danielle nang umalis kami," utos sa kanya ng ina nang hindi pa rin siya kumikilos.
Napipilitang bumangon siya.
"Bakit ba ganyan ang mukha mo, Hubert? Parang hindi ka sa kasal pupunta. Para kang sa lamay pupunta," puna naman ng Ate Geraldine niya.
Napatingin siya rito. Tama ito. Pakiramdam nga niya ay sa isang lamay siya pupunta at ang sarili niya ang nakaburol.
Hindi na lamang siya nagsalita. Tumayo na siya at pumasok sa banyo para maligo. Mabigat na mabigat talaga ang pakiramdam niya.
Naisip niya si Althea. Ganoon din kaya ang nararamdaman nito nang mga sandaling iyon?
Ipinilig niya ang kanyang ulo. May asawa na ito. Siya rin ay ikakasal na. Kailangang tigilan na niya ang kahibangan niya. Kailangan niyang isipin si Danielle.
Pagkalipas ng mahigit tatlong oras ay nasa harap na sila ng simbahan. Naroon na ang mga bisita na sasaksi sa kanyang kasal.
Ilang minuto na lang ay magsisimula na ang seremonya pero wala pa rin si Danielle.
"Hijo, wala pa ba sina Danielle?" tanong ng kanyang mama. Sampung minuto na kasing huli ang babae sa takdang-oras.
"Wala pa ho."
"Dapat, kanina pa sila narito," nag-aalalang sabi nito.
"Tinatawagan ko nga ang cellphone niya pero naka-off yata. Hindi rin naman sinasagot ng mommy niya ang tawag ko."
"Ano kaya ang nangyari sa kanila? Tawagan mo uli, sabihin mong bilisan na nila dahil naiinip na ang mga bisita. Papasok muna ako sa loob."
Napatingin siya sa kanyang relo. Nag-aalala na siya kung bakit wala pa ang mga ito. Napaangat ang kanyang ulo nang may dumating na kotse. Kotse iyon nina Karen.
Agad niyang sinalubong ang mag-asawa. "Where is she? Kanina pa naiinip ang mga tao. Paparating na ba sila?"
Nagkatinginan ang mga ito. "Hindi na darating sina Danielle," mahinang tugon ni Karen.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong niya. "Nasaan ba siya?"
May inilabas itong puting sobre mula sa bag nito at iniabot iyon sa kanya. "Ipinabibigay niya iyan sa iyo."
Kinuha niya iyon at mabilis na binasa ang sulat na laman niyon.
Hubert,
I'm sorry, but I can't marry you. Ilang beses kong kinumbinsi ang sarili ko na magiging maayos din ang lahat pagkatapos ng kasal, pero hindi ko kayang dayain ang sarili ko.
Alam ko ang naging relasyon ninyo ni Althea noon. Alam kong siya ang dati mong girlfriend na iniwan mo rito nang magpunta ka sa States.
Nag-usap na kami ni Althea tungkol doon at marami akong nalaman. Lahat ng balitang nakarating sa iyo ay hindi totoo. Hindi siya nagpakasal sa iba. Alam kong mahal ka pa rin niya hanggang ngayon. Wala siyang kasalanan sa iyo. Ang mama mo ang may kagagawan ng lahat.
I already talked to your mom about this. Inamin niyang siya ang gumawa ng paraan para magkahiwalay kayo ni Althea dahil hindi niya gusto si Althea para sa iyo. Natatandaan mo pa ba si Cassandra? Siya ang gusto ng mama mo na mapangasawa mo kaya pinilit ka niya noon na magpunta sa States. At nang naroon ka na at abala na sa trabaho mo, saka niya sinimulang sirain ang relasyon ninyo ni Althea. Kung hindi siguro namatay sa car accident si Cassandra, siguro siya nga ang mapapakasalan mo.
I told Althea you deserve to know the truth, but she refused to tell you. Itago na lang daw namin iyon sa iyo. Ang mahalaga raw ay maging masaya tayo. She's willing to sacrifice her own happiness for us. Pero hindi ko kayang may masaktan dahil sa akin.
I know you still love her. I decided to give you up. Ayokong magpakasal sa taong hindi naman buung-buong akin.
Puntahan mo siya. Talk to her. Tell her what you really feel about her. Don't worry about me. Sa mga oras na ito, nasa eroplano na kami ni Mommy pabalik sa States. Mahal kita kaya pakakawalan na kita.
Danielle