Chapter 15

6K 102 0
                                    


PAGDATING ni Althea sa shop ay agad niyang tinawag si Jasmine. Nakapagdesisyon na siya na ito na lang ang papupuntahin niya para ayusin ang simbahan sa makalawa. Ayaw niyang pumunta sa kasal nina Hubert.

Binibigyan niya ng instruction si Jasmine nang may kumatok. Binuksan nito ang pinto ng kanyang opisina.

"Ma'am, nandito po si Miss Danielle," sabi nito sa kanya.

"Sige, papasukin mo siya, 'tapos iwan mo na rin muna kami," aniya rito.

"Kumusta ka na?" tanong ni Danielle nang makalabas si Jasmine.

"Okay naman," nakangiting sabi niya. "Tatawagan pa nga lang sana kita, eh."

"Bakit?"

"Si Jasmine na lang kasi ang ipapadala ko sa makalawa para mag-supervise sa pag-aayos sa kasal ninyo."

Naupo ito sa visitor's chair sa harap ng mesa niya. "Hindi ka ba pupunta sa kasal namin?"

Marahang umiling siya. "I'm sorry, pero hindi ko yata kayang pumunta roon. Alam mo naman kung bakit, 'di ba?"

Tumango ito. "Naiintindihan ko."

Matipid siyang ngumiti. "Bakit ka nga pala napadalaw?"

"Gusto ko lang masigurong wala nang kailangang ayusin para sa kasal."

"Don't worry, alam na ni Jasmine ang gagawin niya. Sinabi ko na sa kanya ang lahat ng dapat gawin," paniniguro niya rito.

Nang makaalis ito ay tinawag uli niya si Jasmine. Itinuloy niya ang pagbibigay ng instruction dito. Pagkatapos niyon ay umalis na rin siya. Uuwi na siya.

Pagdating sa bahay ay agad niyang inipon ang lahat ng gamit na nagpapaalala sa kanya kay Hubert. Ibinaba niya ang mga iyon at inilagay sa likod ng kanyang kotse.

Muli siyang umakyat at naglagay ng ilang pirasong damit sa maliit na traveling bag. Palabas na siya ng bahay dala ang bag nang dumating si Lawrence.

"Saan ka pupunta, Ate?" nagtatakang tanong nito.

"Pupunta ako kina Tita Ella sa Lucena. Doon na muna ako kahit isang linggo lang," sagot niya at dire-diretsong lumabas patungo sa kanyang kotse.

Sumunod naman ito sa kanya. "Bakit?"

Inilagay niya ang bag sa kotse bago hinarap ito. "Wala. Gusto ko lang magbakasyon. Ang tagal ko na rin namang hindi nakakapagpahinga sa trabaho."

"Pero sa makalawa na ang kasal nina Hubert, 'di ba?"

Tumango siya. "Iyon mismo ang dahilan kaya aalis ako. Si Jasmine na ang bahalang mag-asikaso ng lahat sa kasal nila."

"Ate, ba—"

Maagap na itinaas niya ang mga kamay upang pigilan ito. "Huwag mo na akong piliting pumunta roon, Lawrence. Hindi ko kaya. Ngayon pa nga lang, para na akong mamamatay kapag naiisip kong ikakasal na sila, iyon pa kayang makita ko iyon?"

Tumango ito. "Gusto mo bang ihatid kita kina Tita Ella?"

"Huwag na. Kaya ko nang pumunta roon nang mag-isa," aniya. Hinagkan niya ito sa pisngi bago sumakay sa kotse.

MAY PAGTITIPONG nagaganap sa bahay nina Hubert nang gabing iyon. Inihanda iyon para sa kanila ni Danielle ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan.

Bagaman nakikipagsaya siya sa mga naroon ay okupado ng iba ang kanyang isip. Mula noong gabing may mangyari sa kanila ni Althea ay lalong binagabag ang puso niya. Araw-araw ay halos ito ang laman ng isip niya.

"Pare, lumilipad yata ang isip mo, ah!" puna ni Anthony. Isa ito sa pinakamalapit na kaibigan niya na nasa Pilipinas.

Matipid na ngumiti siya.

"Hindi ka ba nag-e-enjoy sa party na inihanda namin para sa inyo?"

"Nag-e-enjoy, siyempre," mabilis na sagot niya.

"Kung ganoon, bakit iniwan mo kami sa loob at lumabas ka rito?"

"May iniisip lang ako, pare. Natatandaan mo pa ba si Althea?" Hindi niya alam kung bakit bigla niyang nabanggit dito ang dating nobya.

"Oo naman. Akala ko nga, kayo na ang magka-katuluyan, eh. Ano ba'ng nangyari sa inyong dalawa, pare? Nabigla ako nang malaman kong ibang babae ang pakakasalan mo."

"Kahit ako, hindi ko alam kung bakit nagkaganoon. Siguro hindi lang talaga kami para sa isa't isa ni Althea," malungkot na sabi niya.

Nagkibit-balikat ito. "Siguro nga. Pero naaawa ako sa kanya."

Kumunot ang kanyang noo. "Bakit?"

"Ang sabi sa akin ni Noemi, nag—"

"Hubert, nandito ka lang pala," anang kanyang mama kaya naputol ang pagsasalita ni Anthony.

"Bakit, 'Ma? May kailangan ba kayo?" tanong niya sa ina.

"Gusto lang kitang makausap. May ibibigay kasi ako sa iyo. Anthony, puwede mo ba muna kaming iwan?"

Tumango naman ang binata at iniwan na nga silang mag-ina.

Pagkaalis ni Anthony ay iniabot sa kanya ng ina ang isang maliit na kahon.

"Iyan ang singsing na ibinigay ng lola mo sa iyong papa noong ikakasal pa lang kami. Tradisyon iyon ng pamilya. At dahil ikaw ang panganay naming anak na lalaki, sa magiging asawa mo iyan mapupunta," nakangiting sabi nito.

Napatingin siya sa maliit na kahon, saka binuksan iyon. Isang diamond-studded ring ang nasa loob niyon.

"Give it to Danielle. Sigurado akong bagay na bagay iyan sa kanya," sabi pa nito. "Wait here. Tatawagin ko lang siya. Kanina pa kasi siya kinakausap ng lola mo. Alam mo naman si Mama, napakaraming tanong."

Napatitig siya sa singsing na hawak nang mapag-isa siya roon.

Mayamaya ay naipilig niya ang ulo. Naglalaro kasi sa kanyang imahinasyon ang mukha ni Althea at dito niya ibinibigay ang singsing.

"Ipinapatawag mo raw ako sabi ni Mama," ani Danielle na kalalapit lang sa kanya.

Humarap siya rito at pilit na pinasaya ang mukha. "May ibibigay kasi ako sa iyo. Tradisyon ng pamilya na ibigay ito sa mapapangasawa ng panganay ng lalaki." isinuot niya sa daliri nito ang singing. "'Like it?"

Tumango ito at saka matipid na ngumiti. "Yes."

Kinabig niya ito at hinagkan sa noo.

A Promise of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon