Chapter 9

5.8K 111 2
                                    


NANGINGINIG ang mga kamay na dinampot ni Danielle ang maliit na picture frame na nasa ibabaw ng mesa ng opisina ni Althea. "Oh, my God..."

Kanina pa siya roon. Sa pagkainip sa paghihintay rito ay tiningnan muna niya ang mga designs ng wedding gown na ginawa nito. Noon naagaw ng picture frame ang pansin niya.

Habang tinitingnan ang larawan ay naalala niya ang tagpo noong magkaharap sina Hubert at Althea. Nauunawaan na niya ngayon kung bakit ganoon ang reaksiyon ng nobyo noon. Naalala rin niya noong unang magkakilala sila. May ikinuwento itong naiwang girlfriend sa Pilipinas.

Bumalik ang tingin niya sa larawan. Bakit ba hindi ko agad naisip ito noon? tanong niya sa isip. Bakit hindi ko naisip na maaaring si Althea ang naiwang girlfriend ni Hubert? Bakit hindi man lang ako naghinala sa mga kilos nila tuwing magkakaharap sila?

Bigla rin niyang naalala ang sinabi ni Hubert na nag-asawa na ang dating nobya nito.

Pero wala siyang napapansing wedding ring sa daliri ni Althea. Isa pa, kung may asawa na ito, bakit nasa mesa pa nito ang larawan ni Hubert? At ang sabi sa kanya ni Karen, walang asawa si Althea.

Natutop niya ang bibig. Ang ibig sabihin ay hindi totoo ang nalaman ni Hubert tungkol kay Althea. Walang ibang naging lalaki sa buhay ni Althea kundi si Hubert lang.

NATIGILAN si Althea nang pagpasok niya sa kanyang opisina ay mabungaran doon si Danielle, hawak ang larawan ni Hubert.

Isinara niya ang pinto. Inilapag niya sa mesa ang mga dalang gamit.

Nakatingin lang sa kanya si Danielle na noon ay nakatayo na rin.

Hindi niya alam kung ano ang sasabihin dito. Ni hindi niya magawang tumingin dito.

"Ano ang naging relasyon ninyo ni Hubert noon?" kapagkuwan ay tanong nito.

Huminga siya nang malalim. "Dati ko siyang boyfriend," matapat na tugon niya bagaman hindi pa rin makatingin dito.

Pareho uli silang nawalan ng kibo. Ibinaba na nito ang picture frame, naupo at saka muli siyang binalingan. Hindi naman siya makakilos sa kinatatayuan.

"Kaya pala ganoon na lang ang nakita kong reaksiyon sa mga mukha ninyo noong unang araw na magkita kayo," mahinahong sabi nito.

Nanatili siyang tahimik.

"Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol dito? Bakit hindi mo ipinagtapat sa akin ang naging papel mo sa buhay ng fiancé ko?" Titig na titig ito sa kanya habang nagsasalita.

Muli ay bumuntong-hininga siya bago nagsalita. "Naisip kong hindi na iyon mahalaga, lalo na at ilang taon na rin naman ang lumipas."

"Ang alam ni Hubert ay matagal ka nang ikinasal sa iba kaya—"

"Alam ko na iyon. Pinuntahan ako ni Geraldine dito para kausapin at ipamukha sa akin ang panlolokong ginawa ko sa kapatid niya," mabilis na sabi niya.

"At hindi totoo iyon. Lahat ng mga nalaman ni Hubert ay kasinungalingan. All these years, wala kang ibang minahal kundi si Hubert. Tinupad mo ang pangako mong maghihintay ka sa kanya."

Hindi siya kumibo, tiningnan lang niya ito pagkatapos ay napayuko. Naupo siya dahil nararamdaman na niya ang panlalambot ng kanyang mga tuhod.

"Bakit hindi mo ipinagtapat kay Hubert ang totoo? Na naghintay ka talaga sa kanya?" tanong nito.

"Para ano pa? Para bawiin siya sa iyo? Para guluhin ang relasyon ninyo?" Umiling-iling siya. "Hindi ko gagawin iyon. Hindi ko kaya. Nakikita kong mahal na mahal mo siya."

"Nararamdaman ko ring mahal mo pa rin siya," sabi nito. "Karapatan ni Hubert na malaman ang totoo."

"Pagkatapos ano?"

"Althea, mahabang panahon siyang nagtanim ng galit sa iyo dahil sa kasalanang hindi mo naman ginawa."

Pilit na ngumiti siya. "Hayaan na lang nating ganito, Danielle. Ikakasal na kayo. Ayokong magkaroon kayo ng problema dahil sa akin."

"Pero—"

"Danielle, tahimik na ang buhay ko at ganoon din siya. Ikakasal na rin si Hubert sa iyo at alam kong magiging maligaya siya sa piling mo. Huwag na nating paguluhin pa ang sitwasyon. Ilang linggo na lang at matatapos na rin ang lahat ng ito."

Tumango ito bilang pagsang-ayon. Ilang minuto ring nagtagal ito roon pero hindi na nila muli pang pinag-usapan ang tungkol sa kanila ni Hubert.

Bago ito umalis ay ibinigay niya rito ang mga wedding invitation at sinabi rin niyang next week na sila magsisimula ng rehearsal.

Hinawakan nito ang isang kamay niya bago ito tuluyang lumabas ng kanyang opisina. "Thank you. Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan sa ginagawa mong pagpaparaya."

Ngumiti siya. "Hindi lang naman para sa iyo kaya ko ito ginawa. Para din ito kay Hubert."

Napaiyak ito.

Niyakap niya ito. "Just promise me na mamahalin mo siya nang higit sa pagmamahal na ibinigay ko sa kanya."

Nang makaalis ito ay kinuha niya ang picture frame sa ibabaw ng mesa niya.

"It's time for me to move on, Hubert. Siguro nga ay may dahilan kung bakit nangyari ang lahat ng ito. Thanks for all the wonderful memories," aniya sa larawan.

Kumuha siya ng maliit na kahon at inilagay roon ang picture frame. Pati ang larawan ni Hubert na nasa kanyang wallet ay inilagay niya roon. Hinalungkat niya ang buong opisina para hanapin kung may mga bagay pa roon na makakapagpaalala sa kanya rito.

Nang buksan niya ang drawer ng kanyang mesa ay nakita niya roon ang huling card na natanggap niya mula kay Hubert. Kinuha niya iyon at binasa.

Nang matapos siya sa pagbabasa ay hilam na sa luha ang kanyang mga mata. Kapagkuwan ay isinama na rin niya iyon sa kahon na pinaglagyan niya ng mga larawan nito. Itinabi na niya iyon.

Sa dami ng inaasikaso niya, siguro naman ay mawawala na rin ito sa isip niya. Iyon ang matagal na niyang dapat ginawa.

A Promise of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon