UNANG sesyon iyon ng rehearsal ng kasal nina Hubert at Danielle. Alas-nuwebe na nang dumating si Althea sa Barasoain Church. Naroon na si Danielle at ang ibang mga aabay sa kasal.
Karamihan sa mga naroon ay kakilala niya. At karamihan din ay napatingin sa kanya nang dumating siya. Alam niyang nagulat ang mga ito. Binale-wala na lang niya iyon.
Nilapitan niya si Danielle. "Hi!" nakangiting bati niya rito.
Ngumiti rin ito nang makita siya. Agad na tumayo ito at hinagkan siya sa pisngi. "Mabuti naman at dumating ka na," tila nakahinga nang maluwag na sabi nito.
"So, puwede na ba tayong magsimula?"
Umiling ito. "Wala pa si Hubert, eh. Tumawag kanina, ang sabi may dadaanan lang siya. Hindi pa rin dumarating sina Karen. Pag-usapan na lang muna natin ang arrangement ng decorations nitong simbahan sa araw ng kasal."
Naupo sila sa bandang likuran. Sinabi nito ang eksaktong ayos na nais nito. Nagtataka lang siya kung bakit tila hindi mapalagay ito.
"Are you okay? Parang ninenerbiyos ka yata," puna niya. Ginagap niya ang kamay nito at natagpuan niyang nanlalamig iyon.
Tumigil ito sa pagsasalita, saka bumuntong-hininga. "I'm sorry. Kanina kasi, nandito ang lola ni Hubert. Ang daming sinabi, 'tapos parang binabantayan ang lahat ng kilos ko. Naiilang ako sa kanya."
"Si Lola Josefina ba? Ganoon lang talaga iyon sa una, mukhang istrikta."
"Ngayon ko lang kasi siya nakita. 'Tapos, wala pa si Hubert dito para ipakilala ako sa kanya."
"Huwag mong intindihin iyon, masasanay ka rin sa kanya. At saka mabait naman si Lola Josefina," aniya para payapain ang loob nito.
Nang dumating si Karen ay pinuntahan ito ni Danielle kaya naiwan siyang mag-isa.
Lalabas sana muna siya ng simbahan nang dumating si Hubert kasama ang ina nito. Halata ang pagkabigla sa mukha ng ginang nang makita siya. Nilampasan naman siya ni Hubert at nilapitan ang nobya nito.
Agad namang nakabawi ang ina ni Hubert. Matalim ang tinging ipinukol nito sa kanya. Marahil ay galit din ito sa kanya. Gayunpaman ay sinalubong niya ang mga mata nito.
Mayamaya ay nilapitan siya nito. "Ano'ng ginagawa mo rito?" mahina ngunit mariing tanong nito.
"She's our wedding planner, Tita," ani Danielle na hindi niya namalayang nasa likuran na pala niya. Katabi nito si Hubert.
"Gusto kitang makausap, Hubert," seryosong sabi ng matandang babae. Bago ito tumalikod ay nanunuring tiningnan uli siya, pagkatapos ay nagpatiuna na ito palabas ng simbahan. Agad namang sumunod dito si Hubert.
"Althea," nag-aalalang sambit ni Danielle.
"I'm okay. Inaasahan ko na rin naman na ganoon ang magiging reaksiyon ng mama niya kapag nakita ako rito," aniya, saka matipid na ngumiti.
"Sa totoo lang, nagtataka ako sa nangyari."
Kumunot ang kanyang noo. "Ano'ng ibig mong sabihin? Ano'ng nakapagtataka?"
"Nagtataka ako kung bakit wala man lang sa mga kamag-anak nila ang nagsabi kay Hubert ng totoo. Siguro naman alam nilang hindi ka naman talaga ikinasal. Imposible rin namang hindi nagtanong sa kanila si Hubert."
Naisip na rin niya iyon noon. May nabuo nang hinala sa isip niya pero agad din niyang iwinaksi iyon. Wala naman kasi siyang makitang dahilan para gustuhin ng mga kamag-anak ni Hubert na paglayuin sila.
"Danielle, huwag na nating pag-usapan iyon. Ang mabuti pa, simulan na natin ang rehearsal para maaga tayong matapos," aniya para makaiwas sa usapang iyon.
LAKING pasasalamat ni Althea nang matapos na ang rehearsal. Naging maayos naman ang lahat. May dalawa pa silang rehearsal sa susunod na linggo.
"Uuwi ka na ba agad?" tanong ni Danielle sa kanya nang magpaalam siya rito.
"Marami pa akong gagawin sa shop. Saka baka tumawag doon iyong pinsan kong si Jane," pagdadahilan niya.
"Hindi ka man lang ba magpapaalam kay Hubert?"
Umiling siya. "Hindi na. Ikaw na lang ang magsabi sa kanya. Aalis na ako. Ingat kayo sa pag-uwi."
Tinungo na niya ang kinapaparadahan ng kanyang kotse at agad nang sumakay roon. Wala siyang maisip na maaaring puntahan, basta ayaw pa niyang umuwi. Kagat-kagat niya ang ibabang labi upang pigilin ang sariling maiyak. Ngunit wala pa ring epekto iyon. Namalayan na lang niyang tumutulo na ang kanyang mga luha.
Kaninang naglalakad si Danielle papunta sa altar kung saan naghihintay si Hubert ay parang unti-unti siyang pinapatay ng sama ng loob. Siya ang dapat naroon at nagsasanay para sa kasal nila ni Hubert. Siya ang dapat na kasama nitong nanunumpa sa harap ng altar.
Bigla niyang naipreno ang kotse nang mapansin kung nasaan siya. Nasa harap siya ng eskuwelahan kung saan pareho silang nagtapos, ang lugar na naging saksi sa pinakamasasayang pangyayari sa buhay niya.
Tuluyan na siyang napahagulhol.
Kung nang mga sandaling iyon pa lang ay sobrang sakit na ang nararamdaman niya kapag nakikita ang mga ito, paano pa kaya kapag dumating na ang takdang-araw ng kasal ng dalawa? Hindi niya alam kung paano tatanggapin iyon.
"KUMUSTA ang rehearsal, Ate?" tanong ni Lawrence kay Althea pagdating niya sa bahay.
"Okay lang," matamlay na tugon niya. Naupo siya sa tabi nito. Isinandal niya ang ulo sa sofa at ipinikit ang mga mata.
"Namumugto na naman ang mga mata mo. Umiyak ka na naman ba?" kapagkuwan ay tanong nito.
Hindi siya sumagot.
"Ano'ng nangyari?"
Huminga siya nang malalim bago sumagot. "Wala naman. Okay lang sana ang lahat pero dumating ang mama niya."
"Ang mama ni Hubert? Bakit, may sinabi ba siya sa 'yo?"
"Wala. Tiningnan lang niya ako nang masama at nagtanong kung ano ang ginagawa ko roon. Lahat naman ng tao roon, nakatingin sa akin pagdating ko pa lang. Nagulat siguro sila na naroon ako."
"Si Hubert, kinausap ka ba niya?"
Umiling siya.
"Gusto sana kitang samahan kanina, kaya lang maaga kang umalis."
"Bakit naman? Babantayan mo ako?" aniya na napangiti.
"Oo," mabilis na sagot nito.
"Bakit? Hindi ko naman kailangan ng bodyguard, ah."
"Gusto ko lang masigurong hindi ka lalapitan ni Hubert at pagsasabihan uli ng masasakit na salita. Sa susunod na gawin niya iyon, talagang makakalaban na niya ako," banta nito.
Napangiti siya. Humilig siya sa balikat nito. "Thank you."
"Para saan na naman 'yan?" tanong nito.
"Sa lahat. I'm lucky to have you for a brother. Para na rin akong may best friend sa katauhan mo. Lahat ng pag-aalaga, ginawa mo sa akin gayong ako dapat ang gumagawa n'on sa iyo. Kung mag-isip ka, parang mas matanda ka pa kaysa sa akin."
Ngumiti ito. "Dinadaan mo kasi ang lahat sa iyak. Hindi ka man lang lumaban. Eh, hindi naman kita matiis. Ayokong nakikitang umiiyak ka, kasi pumapangit ka. Wala pa naman sa lahi natin ang pangit."
Nagkatawanan sila.
Kinabig siya nito at niyakap nang mahigpit. "Hindi ako papayag na masaktan ka pa uli ng kahit sinong lalaki, Ate," seryosong sabi nito. "Kapag may nanakit pa sa iyo, talagang papatay na ako."