NAGKUKULONG si Althea sa isang silid sa bahay ng kanyang Tita Ella sa Lucena. Walang tigil ang pag-agos ng mga luha niya habang yakap-yakap ang stuffed toy na ibinigay sa kanya ni Hubert noon.
Napatigil siya sa pag-iyak nang marinig ang mahinang katok sa pinto. Bumangon siya. Si Clarisse ang nabungaran niya.
"Ano'ng ginagawa mo rito? Paano mo nalaman kung nasaan ako?" tanong niya rito.
"Sinundo ako ni Lawrence. Kailangan mo raw ng mga masasandalan ngayon. Hindi raw niya kayang mag-isang damayan ka kaya isinama niya ako rito," tugon nito.
Walang sabi-sabing niyakap niya ito. Lalo siyang napaiyak. Hinagod naman nito ang kanyang likod. "Ang sakit, Clarisse. Ang sakit-sakit."
Pumasok sila sa loob ng silid. Isinara nito ang pinto.
Tila nauupos na kandilang napaupo siya sa sahig. "Bakit ba kailangang mangyari pa iyon? Bakit nagkita pa uli kami? Sana, hindi ko na lang siya nakita. Dapat kasi noon ko pa siya kinalimutan. Dapat nakinig ako sa inyo."
Hinayaan lang siya nito na maglabas ng nararamdaman.
"Ang tanga-tanga ko kasi. Dapat noon pa lang na wala na akong balita sa kanya, kinalimutan ko na siya. Dapat hindi na ako naghintay. O sana, hindi na ako nagmatigas at tinawagan ko na siya. Sana naayos pa namin ito. Sana magkasama pa rin kami ngayon," paninisi niya sa sarili.
"Tama na ang paninisi mo sa sarili mo. Wala ka na ring magagawa, sabi mo nga dati," wika nito.
Sige lang siya sa pag-iyak at pagsasalita. Patuloy namang nakinig ito sa kanya.
"Tumigil ka na nga. Hindi ka ba nahihiya? Para kang batang umaatungal diyan, ah. Nananakit na ang mga tainga ko sa iyo," tila hindi na nakatiis na sabi nito sa kanya.
Napasinghot siya. "Kapag nangyari ito sa iyo, tingnan ko lang kung hindi ka rin umiyak nang ganito. Hindi mo pa kasi ito nararanasan, kaya akala mo ay umaarte lang ako."
"Ako? Huh! Never na mangyayari iyan sa akin! Hindi naman ako kasinggaga mo, 'no! Ang ganda-ganda ko, 'tapos mamamaga lang ang mga mata ko dahil sa isang lalaki. Ang suwerte naman niya!"
Hindi siya kumibo. Kung sa ibang pagkakataon, baka natawa na siya sa pagbibiro nito.
"Tumayo ka na nga riyan. Mukha kang pulubing namamalimos sa ayos mo. Nagsisimula nang mamaga ang mga mata mo. Sige ka, hindi na kita friend kapag pumangit ka."
Napangiti naman siya sa biro nitong iyon.
"'Asus at nag-smile na rin sa wakas! Tumayo ka na nga riyan. Bumaba tayo sa kusina at maghanap tayo ng pagkain. Kanina pa nagrerebelde itong tiyan ko sa gutom. Ni hindi man lang kasi ako pinakain ng kapatid mo habang nasa biyahe kami."
Sumunod naman siya rito. Magkasama silang lumabas ng kuwarto. Naabutan nila sina Lawrence at ang pinsan nilang si Maricar na nanonood ng TV sa sala. Napatingin ang mga ito sa kanila ni Clarisse.
"Salamat naman at napatigil mo iyan sa pag-iyak. Kanina pa nag-aalala si Mama diyan, eh," sabi ni Maricar.
"Okay na ito. Kapag umiyak pa uli ito, talagang pupukpukin ko na ng martilyo sa ulo para matigil ang kagagahan nitong ate ninyo!" sagot naman ni Clarisse.
"Kumain na kayo. Inihanda ko na ang pagkain ninyo. Alam ko kasi na pagkatapos umiyak ni Ate, pagkain ang hahanapin niyan," kantiyaw ni Lawrence sa kanya.
NAGISING si Althea sa malakas na pagyugyog sa kanya ni Clarisse.
"Bakit ba?" reklamo niya nang magmulat ng mga mata.
"Ipinagigising ka na nina Tita Ella. Pupunta raw tayo sa resort ng kaibigan nila. Magsu-swimming siyempre," anito.
Umungol siya bilang protesta sa pagkakaputol ng tulog niya at pagtanggi na rin. Muli siyang nagtalukbong ng kumot pero hinila nito iyon.
"Bumangon ka na, ano ba? Bilisan mo na! Excited na ako! First time kong magsu-swimming dito sa Lucena!"
"Kayo na lang. Ayoko pang bumangon. At saka tinatamad ako," tanggi pa rin niya.
"At ano naman ang gagawin mo rito maghapon? Magmumukmok na naman? Tumayo ka na riyan bago kita kaladkarin pababa!"
"Ayoko nga, eh."
"Thea, isa! Naiinis na ako sa iyo!"
Wala na nga siyang nagawa kundi sundin ito. Kakamut-kamot sa ulong bumangon siya. Napasimangot siya nang makitang nakangisi ito sa kanya.
"Wala naman akong dalang swimsuit," nakasimangot pa ring sabi niya, umaasang makakalusot ang dahilan niyang iyon.
"Okay lang. Pahihiramin ka raw ni Maricar. Sa kanya nga rin itong suot ko, eh."
Napabuntong-hininga siya. Alam niyang gusto lang ng mga itong aliwin siya. Kaya lang, kahit yata ano ang gawin niya ay hindi mabubura sa isip niya ang kinahantungan ng pag-ibig nila ni Hubert.
NANANAKIT ang ulo ni Hubert nang bumangon siya nang umagang iyon. Bumaba na siya ng kama para hanapin si Danielle. Magpapaalam na siya rito dahil pupunta na siya sa hotel na tutuluyan niya mamayang gabi. Sa bahay kasi nila mananatili si Danielle hanggang bukas.
Napadaan siya sa study room at nakita niyang bahagya iyong nakabukas. Naglakad siya patungo rito upang ipinid ang pinto. Isasara na sana niya iyon nang may marinig siyang tinig.
"Good, magkita na lang tayo bukas. Sige, salamat uli." Tinig iyon ni Danielle.
"Sino iyong kausap mo?" tanong niya rito nang ibaba nito ang telepono.
Lumingon ito sa kanya. "G-gising ka na pala."
"Kagigising ko lang. Sino 'yong kausap mo?" tanong uli niya.
"Ha? Wala, iyong tauhan ni Althea, si Jasmine."
"Bakit daw?" tanong niya.
"Wala naman. Siniguro ko lang na naka-prepare na ang lahat para bukas. Okay na raw, maayos naman daw na ibinilin ni Althea ang lahat sa kanya. Mamayang gabi, sisimulan na nilang ayusin ang simbahan."
"Ibinilin? Bakit, hindi ba si Althea ang mag-aayos mismo ng simbahan bukas?"
"May kailangan pa raw siyang asikasuhin para sa kasal ng isa pa niyang client, eh. Pero ang sabi naman niya, hahabol siya kung may oras pa."
Napatangu-tango na lang siya.
"Nag-breakfast ka na ba? Gusto mo, sabay na tayo?"
Umiling siya. "Hindi pa naman ako nagugutom, eh. Aalis na nga pala ako. Pupunta na ako sa hotel. Magkita na lang tayo bukas sa simbahan," pagpapaalam niya rito.
Tumango lang ito. Hinawakan niya ang babae sa baba at marahang hinagkan ito sa labi.
Palabas na siya ng pinto nang tawagin siya nito.
Nilapitan siya nito at hinagkan siya sa mga labi. Pagkatapos ay mahigpit itong yumakap sa kanya. Niyakap din niya ito.
"Sige na, bukas na lang. Ingat ka sa pagda-drive," anito nang kumalas ito sa kanya.
Napansin niya ang pangingilid ng mga luha sa mga mata nito. "Umiiyak ka ba?"
Ngumiti ito. "Tears of joy lang ito. Huwag mo na akong intindihin."
"Are you sure you're okay?" nag-aalalang tanong niya.
Tumango ito. Muli nitong hinaplos ang kanyang mukha. "Palagi mong tatandaan na mahal kita."
Tatanungin sana uli niya ito pero mabilis na iniwan siya nito. Nagtatakang sinundan niya ito ng tingin. Nahihiwagaan siya sa ikinikilos nito. Ngunit ipinagkibit-balikat na lang niya iyon.