Chapter 11

5.8K 102 0
                                    


NAABUTAN ni Althea si Hubert sa kanyang shop pagdating niya roon kinabukasan. Pinilit niyang maging kalmado sa harap nito. "Anong kai—"

"Are you avoiding me?" tanong nito.

Umiling siya. "Bakit naman kita iiwasan?"

"Hindi mo sinasagot ang mga tawag ko. Kakausapin sana kita kahapon pagkatapos ng rehearsal pero umalis ka agad. Kung hindi pag-iwas iyon, ano'ng tawag mo roon?"

"Ano pa ba ang kailangan nating pag-usapan, Hubert? Malinaw naman sa iyong may asawa na—"

"Damn it, Althea! Kailangan mo pa bang paulit-ulit na ipamukha sa akin 'yan? Matagal ko nang alam iyon, at wala akong pakialam kahit ilang beses ka pang ikinasal sa lalaking iyon!"

"Then, ano pa ang gusto mo?"

"Anong gusto ko?" ulit nito, sabay lapit sa kanya. "Ito!" Marahas na kinabig siya nito sa baywang at siniil ng halik sa mga labi.

Pilit na itinutulak niya ito palayo pero sadyang mas malakas ito kaysa sa kanya.

Nang bitiwan siya nito ay saka lamang siya muling nakahinga nang maayos. Matalim ang tinging ipinukol niya rito at walang sabi-sabing sinampal niya ito. "Kung ginagawa mo ito para parusahan ako, tama na! Tahimik na ang buhay ko, Hubert. Ayoko ng problema!"

"Tahimik ka na? At paano naman ako, Althea?"

Pigil niya ang sarili na mapaiyak. Kahit hindi nito sabihin, nakikita niya ang paghihirap sa mga mata nito. Pero bakit? Para saan ang paghihirap na iyon? May nararamdaman pa ba ito para sa kanya?

Ngunit kung may pagtingin pa ito sa kanya, hindi sana siya basta tinalikuran nito. Sana ay hindi agad siya hinusgahan nito.

"You have no idea how much you had hurt me. Hindi mo alam kung ano ang nangyari sa akin nang malaman ko na ikinasal ka na. Halos sinira mo ang buhay ko," sumbat nito sa kanya. Umaatras ito palayo habang umiiling-iling. "Ang dami kong plano para sa atin na sinira mo, Althea. Sinira mo lahat!"

Hindi siya nagsalita.

"Ano'ng ginagawa kong mali para kalimutan mo ako? Para talikuran mo ako? Para gawin mo ito sa akin?"

Hindi pa rin siya sumagot.

Tila lalong nagalit ito. Marahas na hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. "Sabihin mo sa akin kung ano ang nagawa kong mali!"

Kumawala siya mula sa pagkakahawak nito. Diretsong tiningnan niya ito sa mga mata. "Wala kang ginawang mali. Ako ang may kasalanan ng lahat. Hindi ko kinayang maghintay," mahinang sabi niya.

"Pero nangako ka noon na maghihintay kahit gaano katagal. Pinanghawakan ko iyon. Kapag gumigising ako noon at maiisip kong napakalayo mo sa akin, iniisip ko na lang na naghihintay ka sa pagbabalik ko."

Matagal bago siya nagsalita. "I'm sorry. Pero noong mawala ka, saka lang ako nagising sa katotohanan. Saka ko lang napag-isip-isip ang lahat."

Kumunot ang noo nito.

"Nang umalis ka, saka ko natanto na wala ka talaga rito." Itinuro niya ang tapat ng dibdib.

"What do you mean?"

"Nadala lang ako ng tukso ng mga kaibigan natin. Alam mong ikaw ang una kong naging nobyo, and I was so excited about that. Akala ko, mahal talaga kita. Pero nang mawala ka, saka ko lang natiyak kung ano talaga ang nararamdaman ko."

"Are you telling me na hindi mo talaga ako minahal?"

Hindi siya sumagot, bagkus ay yumuko lang upang itago rito ang pamumuo ng mga luha sa kanyang mga mata.

Kumuyom ang mga kamay nito. Kapagkuwan ay walang sabi-sabing lumabas ito ng opisina niya at pabagsak na isinara ang pinto.

Saka lang siya umiyak nang wala na ito. Nanghihinang napaupo siya.

"Mahal na mahal kita, Hubert. Kahit kailan ay hindi nawala ang pagmamahal na iyon," umiiyak na sambit niya.

"HON, MAY problema ka ba?" tanong kay Hubert ni Danielle.

Naroon sila sa bahay-bakasyunan ng pamilya ni Hubert sa Lopez, Quezon. Mag-isa lamang sanang pupunta roon si Hubert upang mag-isip pero dumating si Danielle bago siya makaalis ng bahay nila sa Manila. Wala siyang pagpipilian kundi isama ang nobya dahil tiyak na sasama ang loob nito.

"Wala. Bakit mo naman naitanong 'yan?"

Umupo ito sa tabi niya. Inihilig nito ang ulo sa dibdib niya. "Tahimik ka kasi palagi these past few days. Lagi ka lang nakatanaw sa malayo at parang laging may malalim na iniisip. Hindi kasi ako sanay na nakikita kang ganyan, eh."

Hindi agad siya sumagot. Napapansin na rin pala nito ang pananahimik niya. "Ganito raw talaga ang malapit nang ikasal, 'di ba? Parang wala sa sarili at maraming iniisip."

Nagkibit-balikat ito.

Namayani ang katahimikan sa pagitan nila.

"Masaya ka ba, Hubert?" mayamaya ay tanong nito.

"What?" nakakunot ang noong tanong niya.

"Masaya ka ba dahil malapit na tayong ikasal?"

Napatitig siya rito. "Oo naman. Ano ba namang klaseng tanong iyan? Matagal na nating plano ito, hindi ba? Masaya ako dahil ikaw ang babaeng makakasama ko habang-buhay."

Bumuntong-hininga ito. "Ang laki kasi ng ipinagbago mo mula nang dumating ka rito. Laging malalim ang iniisip mo. Bihira na rin tayong magkasama."

"Danielle, sinasadya ko talaga iyon para naman ma-miss mo ako," pagsisinungaling niya, saka pilit na ngumiti.

"Hubert, sigurado ka na ba talaga sa bagay na ito? Handa ka na ba talagang mag-asawa? It's a lifetime commitment, at gusto kong maging sigurado muna tayo. Ayokong sa bandang huli ay pagsisihan mo ito," seryosong sabi nito.

"Ano ba'ng sinasabi mo? Sigurado ako sa desisyon ko."

"Are you sure na ako na talaga ang gusto mong makasama habang-buhay?" tanong pa nito.

"Ano ba iyang mga iniisip mo? Kilala mo ako, Danielle. Hindi ako papasok sa isang sitwasyon kung hindi ko talaga ito gusto."

Bumuntong-hininga ito. "Pasensiya ka na sa akin. Napa-paranoid lang siguro ako kaya kung anu-ano'ng naiisip ko."

"I want to be with you, Danielle," aniya upang mapanatag ito.

Tinitigan lang siya nito nang ilang sandali bago muling inihilig ang ulo sa kanyang dibdib. "Sana nga, Hubert."

Naging tahimik naman siya. Alam niyang malaki na ang pagkukulang niya rito. Ikakasal nga siya rito ngunit iba ang nilalaman ng puso niya. Matagal na niyang inamin na hanggang ngayon ay hawak pa rin iyon ni Althea.

A Promise of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon