Chapter 14

6.2K 102 0
                                    


NAPABALIKWAS ng bangon si Hubert nang mabatid na wala sa tabi niya si Althea. Lumabas siya ng silid upang hanapin ito ngunit wala ito saan mang parte ng bahay.

Nang bumalik siya sa silid ay saka lang niya napansin ang nakatuping papel sa ibabaw ng mesa. Sulat iyon mula rito.

Hubert,

Mali ang nangyari sa atin kagabi. May mga tao tayong lihim na nasaktan dahil doon. Kahit pareho nating ginusto iyon, alam din natin na isang malaking kasalanan iyon. Kalimutan na lang natin ang nangyari kagabi at ang nakaraan. Kalimutan mo na ako. Isipin mo na lang si Danielle. Don't do anything that might hurt her. She's a good person and she loves you. Palayain na natin ang isa't isa sa alaala ng kahapon.

Best wishes to you and Danielle.

Althea

Napaupo siya sa kama, kapagkuwan ay muling binasa ang sulat.

Kung sana ay ganoon kadaling kalimutan ang lahat. Ilang taon na ang lumipas ay si Althea pa rin ang nasa kanyang puso.

Hindi niya maaaring lokohin ang sarili na hindi na niya mahal ito. Ilang beses na rin niyang tinangkang gawin iyon pero siya rin ang nahihirapan sa huli.

Mahal niya ito pero may asawa na ito. At si Danielle, ito ang nakatakdang pakasalan niya.

Isinubsob niya ang mukha sa kanyang mga palad. God, tulungan N'yo ako. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Gulung-gulo na ako.

Namalayan na lang niyang lumuluha na siya.

"BAKIT umagang-umaga, napasugod ka?" tanong ni Clarisse nang mapagbuksan nito si Althea.

Mula sa unit ni Hubert ay sa bahay ng kaibigan siya tumuloy. Kailangan niyang may makausap.

Dire-diretsong pumasok siya sa loob. Tumuloy siya sa kusina. Nakasunod naman ito sa kanya.

"Saan ka ba galing?" tanong nito nang hindi pa rin siya nagsasalita.

Nagsalin siya ng malamig na tubig sa baso at ininom iyon. "Sa condo unit ni Hubert."

Nanlaki ang mga mata nito. "What?!"

Hindi siya sumagot. Naupo siya sa harap ng dining table. Naupo rin ito, gulat na gulat pa rin.

"Ano naman ang ginawa mo roon?" tanong nito mayamaya.

Napalunok siya. "Niyaya niya akong lumabas kagabi."

"At nagkandarapa ka namang sumama sa kanya? Hay, sira ka talaga! Ano'ng nangyari?"

"I got drunk. Inihatid niya ako sa bahay pero nakalimutan ko palang dalhin ang susi ko. Alam mo naman siguro kung ano ang mangyayari kapag ginising ko si Lawrence para pagbuksan ako ng gate at makita niyang si Hubert ang kasama ko."

Tumaas ang isang kilay nito. "Kaya sa unit ng lalaking iyon ka nagpunta, ganoon ba?"

"Clarisse, saan mo naman ako gustong magpunta?"

"Dito. Puwede ka namang dito tumuloy." Inirapan siya nito. "Hindi mo man lang ba naisip iyon?"

Saglit siyang nawalan ng kibo dahil may punto ito. Pero halos hindi siya makagulapay noon. "Sabi ko nga, nalasing ako kagabi."

Umingos ito. "Then what? Ano'ng nangyari pagdating ninyo sa unit niya?"

Hindi agad siya nakasagot. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang pagtatapat dito tungkol sa nangyari sa kanila ni Hubert nang nagdaang gabi.

A Promise of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon