***UNEDITED***
"MAAYOS NA ba iyang pilay mo, Haru?"
Tumango lang si Haru sa tanong ng long-time friend niyang si Bucho. Kasalukuyan sila noong nakatambay sa bakuran niya sa piling ng isang case ng beer. Wala naman siyang ginagawa nang araw na iyon at nababagot na siya kaya naisipan niyang yayain ang kaibigan na mag-inuman tutal ay tapos na rin naman ang duty nito sa barangay hall. Nga lang ay hindi talaga ito humahawak ng kahit na anong klase ng alak. Kailangan daw kasi nitong maging role model para sa lahat ng kalalakihan sa Barangay Calle Pogi, kaya kanina ay tinawagan na niya ang iba pa nilang kumpare para tulungan silang ubusin ang mga beer na iyon. Masasayang lang iyon dahil siya naman ay hindi makatagal sa kahit na anong klase ng alak.
"Oo, ayos na 'to." Tinapik-tapik pa niya ang paa niyang naaksidente sa Afghanistan. "Puwede na uli akong sumabak sa kahit na anong giyera."
"Hindi ba't binigyan ka ng editor mo ng isang buwang bakasyon? Nawalan ka lang ng saklay, nangangati na naman iyang mga paa mo."
"Well, you know me. Noon pa man ay talagang lagalag na ako."
"Ibenta mo na lang iyang bahay mo. Para may ibang makinabang tutal lagi ka namang wala rito sa Calle Pogi." Dumampot lang ito ng isang pirasong mani sa platito. "Maraming gustong kumuha ng properties dito sa barangay natin kung meron lang bakante."
"Kapag umalis ako, mababawasan ang pogi dito."
"As long as nandito ako, hindi ka magiging kawalan." Sabay pa silang nag-high five sa sarili nilang kalokohan. "Pero bakit nga ba ayaw mong mapirmi dito? Pinakamatagal mo ng pagtigil dito ay isang linggo lang, hindi ba?"
"Wala naman kasi akong pinagkakaabalahan dito. Kaya imbes na mamatay ako sa pagkabagot, mabuti ng mapakinabangan ng mundo ang kakayahan ko sa pagre-report ng mga balita."
"Kung pipirmi ka lang ng matagal-tagal sa isang lugar, siguradong may makikita ka ring mapagkakaabalahan mo."
Ngumiti lang siya nang magsalin ng beer sa shotglass. Napagkatuwaan noon ng mga kaibigan at kumpare nila ang bigyan siya ng shotglass na gagamitin niya kapag nagkakayayaan silang mag-inuman. Para daw matantiya nila kung gaano karami ang dami ng alak na iinumin niya. Masyado kasing mababa ang alcohol tolerance niya kaya kailangang alam nila kung hanggang ilang shot lang ang dapat niyang inumin.
"Nakita ko na ang mapagkakaabalahan ko," wika niya matapos inumin ang beer na isinalin niya sa shotglass. "Ang problema, ako naman ang nakakaabala sa kanya."
"Babae?"
Hindi siya sumagot.
"Si Fara?"
Hindi niya alam kung matatawa o maaasar sa pagiging observant ng kaibigan. Pero hindi na siguro iyon maiiwasan. Bukod sa lagi silang magkasama ni Fara nitong mga nakaraang araw, isang magaling na detective rin ang kanilang barangay chairman. Kaya nga sila naging magkaibigan nito. Dahil sa isang assignment niya noon tungkol sa pulitikong drug lord ay nagkrus ang landas nila. Bagitong reporter pa lang siya noon samantalang ito ay nagtatrabaho na sa Interpol at nakabase sa Singapore. Magka-sosyo pala ang kanilang mga target at since pareho silang walang tiwala sa isa't isa noon, naging mainit ang mga mata nila sa isa't isa. Ngunit nang magkagipitan at muntik na silang madisgrasya, napilitan silang magtulungan upang masagip ang kani-kanilang buhay at sa huli ay matapos ng matagumpay ang kanilang mga misyon. Naging isang malaking eskandalo sa bansa at sa buong mundo nang mabunyag ang pakikipag-deal ng isang international drug lord sa isang lokal na opisyal ng bansa. Iyon din ang naging daan upang mag-umpisa ang matibay nilang pagkakaibigan ni Bucho.
"May gusto ka ba sa kanya?" patuloy nitong tanong.
At wala siyang nagawa kundi ang sumagot. "I found her cute."
BINABASA MO ANG
Calle Pogi 5: HARU (Completed)
RomanceUmuwing pilay ang sikat at guwapong news and documentary reporter na si Haru Esteban galing sa assignment nito sa kaguluhan sa Afghanistan. Sanay na si Fara sa mga ganong sitwasyon ng bestfriend at kapitbahay niyang binata. Parang naging ritwal na...