Natagpuan ko ang Diyos

20 3 0
                                    

Sa isang hapunang ako'y nahihirapan,
Natagpuan ko ang Diyos.
Sa tainga ng isang kaibigan, ako'y may nasandalan,
Natagpuan ko ang Diyos.
Sa mga kantong pinaglakaran, pinagpahingahan at pinagtaguan,
Natagpuan ko ang Diyos.

Sa luntiang kapaligiran, nagbigay ng kaginhawaan,
Natagpuan ko ang Diyos.
Sa tahimik na tahanan, naghatid ng kapayapaan,
Natagpuan ko ang Diyos.
Sa mga batang nagtatawanan na bumasag sa katahimikan,
Natagpuan ko ang Diyos.

Sa mga kalokohan na hinaluan ng seryosong usapan,
Natagpuan ko ang Diyos.
Sa kapeng matapang, pilit akong ipinaglaban,
Natagpuan ko ang Diyos.
Sa mga larong pinagpawisan, pinagtuksuhan at pinanalunan,
Natagpuan ko ang Diyos.

Sa simpleng kumustahan na nauwi sa pangaralan,
Natagpuan ko ang Diyos.
Sa mga palabas na pinagpuyatan, sinubaybayan at iniyakan,
Natagpuan ko ang Diyos.
Sa mga hugot ng kantang pinakinggan, ako'y natamaan,

Natagpuan ko MULI ang Diyos.

Sa bawat pagbagsak at aking pagkabigo,
Luha ay pumatak, nadurog ang puso.
Sa aking pagbangon at muling pagtayo,
Nakita ko ang Diyos, natanaw sa malayo.

Sa pagtakbong pabalik, ako ay nadapa.
Tumalikod, tumakas at muling nawala.
Subalit wagas ang pag-ibig Nya sa Kanyang mga tupa,
Nakita ko ang Diyos nang buksan ko ang aking mga mata:

Sa hapunang ako'y nahirapan
Sa tainga ng isang kaibigan
Sa mga kantong pinaglakaran
Sa luntiang kapaligiran
Sa tahimik na tahanan
Sa mga batang nagtatawanan
Sa mga kalokohan at seryosong usapan
Sa kapeng ako'y ipinaglaban
Sa mga larong pinagpawisan
Sa simpleng kumustahan
Sa mga palabas na pinagpuyatan
At sa mga kantang pinakinggan...

Doon ko Siya natagpuan.

#Salamat062918

Diary of God's GoodnessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon