Hayan ka na naman, nakatitig sa kaniya mula sa malayo.
Ilang buwan mo na bang ginagawa iyan? Bisyo mo na ba iyan?
Hanggang kailan ka ba magpapakatorpe?
Hanggang kailan ka ba titigil sa kahibangan mo?
Hanggang ligaw tingin ka na lang ba?
Hanggang ganiyan ka na lang ba?
Kailan ka ba magkakaroon ng sapat na lakas ng loob para umamin sa kaniya – aminin kung gaano mo siya kamahal?
Naisip mo nga, sino ka ba? Ni hindi ka nga niya kaibigan; Magkakilala lang kayo.
Napabuntong hininga ka na lang dahil wala kang magawa. Wala kang magawa dahil iniisip mo na hanggang tingin ka na lang talaga sa kaniya.
"Wala kang kwenta. Ang torpe mo." Nasabi mo sa sarili habang nakatingin pa rin sa kaniya mula sa kinatatayuan mo.
Nanlaki ang mga mata mo at yumuko nang mabilis nang bigla siyang tumingin sa direksyon mo. Napaisip ka, malakas ba talaga ang epekto niya sa iyo dahil ang iyong puso ay parang tatalon na dibdib mo? Marahil ay sa kaba kaya ganuon na lang lumundag iyan?
Naghintay ka pa ng ilang segundo bago mo iniangat iyong paningin mo.
Kaya lang… nang iangat mo ang iyong ulo mo at tumingin sa direksyon niya, nilamon ka lang ng inggit.
Inggit na ilang beses mo nang naramdaman. Inggit na lumalamon sa buong pagkatao mo dahil iniisip na napakawalang kwenta mong lalake dahil duwag ka - duwag ka dahil wala kang lakas ng loob na umamin sa nag-iisang babaeng nagustuhan mo, sa nag-iisang babae na kapag ngumiti, napapangiti ka na lang rin.
Napailing ka na lang dahil sa nakita mo iyong isang lalake na bali-balitang gustong manligaw sa kaniya – na siyang mitsa ng sobrang inggit mo - na nakalapit sa kaniya at kinakausap siya.
Napagpasyahan mo na umalis na lang sa bintana ng classroom niyo at itigil na iyong ginagawa mong pagpapaubaya na lamunin ng inggit ang isip at puso mo.
Naiyukom mo ang iyong mga kamao. Gusto mong iuntog ang ulo mo sa pader dahil naiinis ka sa sarili mo.
Iniisip mo nga, wala ka namang karapatang magselos, e. Dahil unang una, hindi kayo. Pangalawa at panghuli, hindi mo siya pagmamay ari.
Napabuntong hininga ka na naman. Napaisip ka tuloy. Pang ilang buntong hininga mo na ba iyan simula nang magkagusto ka sa kaniya? Ilang beses ka na ba napabuntong hinga sa tuwing naiisip mo na wala kang pag-asa sa kaniya?
Hindi mo alam kung ilan. Basta ang alam mo lang, napakarami na. Sobrang dami na.
Lumabas ka na ng silid. Iniisip kung saan pupunta. Kung saan pwede kang mapag-isa. Lugar na tahimik, iyon ang gusto mong puntahan.
Habang naglalakad, hindi mo maisip kung bakit iyong ibang babae naman, mabilis magkagusto sa iyo. Bakit siya, ni hindi mahulog hulog sa mga ngiti mo.
Ikaw si Fable.
Hinahangaan. Tinitilian ng mga babae at binabae na may malalansang hasang. Iniidolo. Gwapo. Mabait.
Pero bakit siya, hindi mo makuha? Bakit si Ara, hindi mo makuha?
Ano pa ba ang wala sa iyo? Ano pa ba ang kulang para magustuhan ka niya?
Ano pa ba ang mga bagay na dapat mong gawin para mapansin ka niya at magustuhan?
Ano ba ang gusto niya sa mga lalake? Ano ang hanap niya sa mga lalake? Dapat mo pa ba na alamin iyon nang mabago mo ang sarili mo at magustuhan ka niya?