NAGISING si Lauren pero hindi niya ibinukas ang mga mata. May kung anong makiliting bagay ang nararamdaman niya sa kaniyang labi. Makiliti na masarap. Antok pa siya. Antok na antok pa. Tinatamad pa siyang bumangon sa pagkakahiga sa malambot na kama. Paano’y halos alas tres na ng madaling araw siya nakatulog. Magdamag kasi silang nag-inom ni Sarah para sa celebration ng kanilang ika-tatlong taon bilang magkasintahan.
Oo. Babae ang kaniyang kasintahan. Katulad niya ito ng kasarian. Ngunit hindi iyon naging hadlang para makaramdam sila ng pag-ibig para sa isa’t isa.
Nasa edad pa lang na trese noon si Lauren nang maramdaman niyang iba siya sa mga kaklase niyang babae. Kung ang mga kaklase niyang babae ay kinikilig kapag nililigawan, siya ay iba. Naiinis siya. Naiirita siya sa mga lalaking nagpaparamdam sa kaniya. Sa madaling salita, nandidiri siya. Hindi naman sa galit siya sa mga lalaki. Mas gusto niya kasing kabarkada o kaibigan ang mga ito kesa sa maging kasintahan.
Hindi rin siya mahilig maglaro ng mga pambabaeg laro at laruan. Mas trip niya ang makipaghabulan sa mga lalaki, magtagu-taguan at patintero. Gusto niya iyong larong mapapagod siya at mga lalaki ang kaniyang kalaro.
Natapos siya ng high school nang hindi nararanasan ang magkaroon ng nobyo. Marami nga ang nagsasabi na sayang daw ang ganda niya kung hindi niya pinapansin ang kaniyang mga manliligaw. Para sa kaniya ay wala lang iyon. Walang dapat panghinayangan kahit ubod ng gagwapo ang karamihan sa gusto siyang maging nobya.
Minsan, kapag napagmamasdan niya ang kaniyang sarili sa salamin ay hindi naman niya maitatanggi na totoo ang sinasabi ng lahat na maganda siya. Isang dating bold star noong 80’s ang nanay niya. Namana niya dito ang pagiging mestisa pati na ang malaki nitong mata at malalantik na pilik-mata. Ang nanay na lang niya ang kasama niya sa buhay simula nang makipaghiwalay dito ang tatay niyang hindi niya nakita kahit minsan. Nang mabuntis kasi nito ang nanay niya ay naglaho na ito na parang bula. Hindi nito pinanagutan ang nanay niya. Pinabayaan lang sila kahit nang mailuwal na siya sa mundo.
Humahanga din naman siya sa nanay niya dahil kahit mag-isa ay nagawa siya nitong itaguyod. Napagtapos siya nito ng kolehiyo dahil sa mga raket nito. May trabaho ito pero hindi regular. Kung ano lang ang pwedeng mapagkakitaan ay pinapasok nito. Wala nga lang siyang ideya sa mga tinatrabaho nito. Iniisip na lang niya noon na ang mahalaga ay may pera sila, kumakain sila ng sapat at hindi nagugutom.
Pagtuntong ni Lauren sa college ay Mass Communication ang kinuha niyang kurso. Doon na siya nahirapan sa kung ano ba talaga siya. Gusto niyang maging kasintahan ay babae pero takot siya sa panghuhusga ng tao. Kaya sinunod niya ang dinidikta ng lahat—nakipagrelasyon siya sa lalaki. Nakailang boyfriend din siya pero walang nagtatagal dahil hindi naman talaga iyon ang gusto niya.
Sa dami nga ng naging boyfriend niya hanggang sa makatapos siya ay nabansagan siyang “pokpok”. E, ano bang magagawa niya? Pinipilit kasi niya ang sarili na magkagusto sa lalaki. Baka nga naman maling lalaki lang ang nakikilala niya. Baka may darating pa na magpaparamdam sa kaniya na mas gugustuhin niyang maging babae na talaga. Pero nagkakamali siya. Niloloko lang niya ang sarili… Babae. Iyon ang gusto niyang maging nobya. Kahit anong pilit niyang baguhin iyon ay hindi niya talaga kaya.
Kaya naman nang matapos na siya sa kolehiyo at magkaroon ng trabaho sa isang broadcasting company bilang writer ay nag-explore na siya sa mundo ng mga babaeng nagkakagusto sa kapwa babae. Sumali siya sa mga Facebook groups para sa mga lesbian o tomboy. Doon ay may nakilala siyang katulad niya na hitsurang babae pero babae din ang gusto. Ang iba pa nga ay mas maganda pa sa kaniya. Ang akala niya kasi kapag sinabing tomboy ay nagbibihis ng lalaki. Mali pala siya. Meron ding mga tomboy na bihis babae pa rin. Ngunit karamihan sa mga ganoong uri ng lesbian ay nagtatago sa closet katulad niya. Mga takot mahusgahan. Naiintindihan naman niya kung bakit dahil ganoon din siya.
BINABASA MO ANG
Two Girls
Mystery / ThrillerMagkasintahan sina Lauren at Sarah. Hindi naging hadlang sa kanilang pagmamahalan ang pagkakaparehas nila ng kasarian. Isang lugar na malayo sa panghuhusga ng tao ang kanilang pinuntahan. Ngunit paano kung ang inakala nilang tahimik na bakasyon ay m...