EIGHT

4.1K 152 17
                                    

PAGKABAGSAK ng katawan ni Lauren sa tubig ay sinubukan niya agad na lumutang pero hinila siya ng bigat ng bato pailalim. Mabilis siyang bumulusok paibaba hanggang sa tuluyan na niyang maabot ang pinaka ilalim ng sapa. Pilit siyang lumangoy paibabaw pero hindi niya talaga kaya ang bigat ng bato.

Mabilis na gumana ang utak niya. Walang mangyayari kung ipipilit niya na umibabaw gayong may nakakabit sa paa niya. Kaya ang ginawa niya ay pumailalim siya ulit at sinimulan na alisin ang pagkakatali ng lubid sa kaniyang paa. Masyadong mahigpit ang pagkakatali pero hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Patuloy lang siya sa pagsubok na alisin ang lubid kahit parang sasabog na ang dibdib niya dahil nawawalan na siya ng hangin.

Hindi ako pwedeng mamatay dito! Hindi pwede! Paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili.

Naluwagan na niya ang pagkakatali sa wakas. Hanggang sa tuluyan na niya iyong maalis sa paa niya. Kinakapos na siya ng hininga. Kung hindi pa siya makakasagap ng hangin ay baka tuluyan na siyang mamatay. Pero nangangamba siya na baka nandoon pa sina Arkin. Magiging walang silbi ang pagkakawala niya sa lubid kung aahon agad siya tapos naroon pa ang mga demonyong iyon. Isa pa, kailangan niyang iligtas si Sarah. Naniniwala siya na buhay pa rin ito. Baka wala lang itong malay. Malakas ang kutob niya na buhay pa ang nobya!

Marahan siyang lumangoy sa tubig kahit sobrang labo niyon at wala siyang nakikita. Pakapa-kapa siya sa pag-asang mahahawakan niya ang katawan ni Sarah. Pero wala siyang mahawakan.

Hanggang sa maramdaman na niyang sasabog na ang dibdib niya. Hindi na niya kaya. Kailangan na niya ng hangin. Pero ligtas na ba kung pupunta siya ng ibabaw? Kung mamamatay man siya ngayon, mas nanaisin niyang mamatay sa pagkalunod kesa sa kamay nina Arkin.

Pinigilan niya ang paghinga ng ilan pang segundo. Napanganga siya at pinasok na ng tubig ang kaniyang bibig. Unti-unti siyang nakaramdam ng panghihina. Umangat na nag katawan niya papuntang ibabaw. At nang marating na niya ang ibabaw ay may naramdaman siyang mga kamay na humawak sa kamay niya. Matapos iyon ay wala na siyang natandaan pa dahil tuluyan na siyang nawalan ng ulirat…


-----ooo-----


ISANG malakas na ubo ang kumawala sa bibig ni Lauren at may tubig na lumabas doon. Agad siyang umupo habang may tumatapik ng sunud-sunod sa kaniyang likuran. Pagtingin niya sa kaniyang tabi ay ganoon na lang ang saya niya nang makita si Sarah.

“L-love! Buhay ka!” Niyakap niya ito kahit nanghihina pa siya. Naroon pa rin sila sa gilid ng sapa kung saan sila ihinulog nina Arkin. Madilim pa rin ang paligid pero nakikita na niya ang liwanag ng araw na sisikat na anumang oras. Hindi makapaniwalang inilayo niya ang sarili kay Sarah at tiningnan ito. “P-papaano ka nabuhay? Ang akala ko ay patay ka na! Salamat sa Diyos!” Naiiyak niyang sabi dito.

“Nagkunwari akong patay, love. Nang ihulog nila ako sa sapa ay inalis ko agad ang lubid sa paa ko saka ako umahon. Nauna ako sa iyo na pumaibabaw kaya nang makita kitang walang malay na lumutang ay tinulungan agad kita. Mabuti na lang at umalis na yata agad sila nang maihulog tayo, love!” paliwanag ni Sarah sa kaniya.

Muli niyang niyakap si Sarah. “Mabait pa rin ang Diyos sa atin. Hindi Niya tayo pinabayaan…”

“Hindi ba talaga, love? Kung hindi Niya tayo pinabayaan, bakit Niya hinayaan na mangyari ito sa atin? Binaboy tayo ng mga lalaking iyon na hanggang ngayon ay malaya pa rin! Samantalang tayo, 'eto… miserable! Sira na ang buhay natin dahil sa apat na iyon!” bakas ang walang hanggang galit sa mukha ng kaniyang nobya. Bawat salitang binitiwan nito ay may diin.

Hindi makapaniwala si Lauren sa mga sinabi ng kaniyang nobya. Simula ng makilala niya ito, ngayon lang niya nakita ang ganoong galit sa mukha nito. Talagang parang gusto nitong pumatay ng tao!

Two GirlsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon