NASIRA na ang gabi nina Lauren at Sarah dahil sa apat na lalaking nambastos kanina sa may mini pool. Hindi lang pala nasira kundi sirang-sira. Dahil sa mga lalaking iyon ay hindi na nila itinuloy ang pag-iinom sa may pool sa takot nila na totohanin ng mga ito ang pagbalik. Pumasok silang dalawa sa loob ng bahay at ini-lock ang lahat ng bintana at pinto. Naroon lang sila ni Sarah sa may salas. Nakaupo sa sofa at yakap niya ito.
Hanggang ngayon kasi ay umiiyak pa rin ito sa sobrang takot. Natatakot din naman siya ngunit ayaw niya iyong ipakita kay Sarah at baka mas lalo itong panghinaan ng loob.
“Love, tama na. Huwag ka nang umiyak. Safe na tayo. Nandito na tayo sa loob. Tama na, please…” Patuloy si Lauren sa pagpapakalma sa nobya. Hinahaplos niya ang likod nito at mas lalong hinigpitan ang pagkakayakap.
Hihikbi-hikbing nagsalita si Sarah. “P-paano kung bumalik sila? A-ang sabi nila, babalik sila. Natatakot ako, love. Apat sila na lalaki at dalawa lang tayo na babae. A-anong laban natin sa kanila?” dama niya ang pangamba sa tinig nito.
Inilayo niya muna ang sarili dito at tiningnan ito ng diretso sa mata. “At sa tingin mo ba ay papabayaan kita?” Tumitig naman si Sarah sa kaniya at marahan na umiling. “Iyon naman pala, e. Saka naka-lock na ang lahat ng pinto. Hindi na sila makakapasok dito sa loob. Kapag naman bumalik sila at ginulo tayo ulit ay makikita nila ang hinahanap nila. Baka nakakalimutan mo na black belter ako sa taekwando!”
“E, 'di ba, high school ka pa noong nag-taekwando ka?”
“Ah, e… oo nga. Pero natatandaan ko pa naman mga itinuro sa amin. Malakas akong sumipa, love! Bibigyan ko ng tig-iisa sa mukha ang mga 'yon!” Tumalon siya sa sofa at ipinakita kay Sarah ang mga moves niya sa taekwando. Nawala naman ang takot ni Sarah dahil tinawanan siya nito sa kaniyang ginawa. “Aba, bakit ka tumatawa diyan?”
Umiling ito. “Ang OA mo kasi, love! Halika na nga dito sa tabi ko.” Bumalik na siya sa dating pwesto. “Ang dami na talagang bastos ngayon, love. Wala naman tayong ginagawa sa kanila pero ganoon pa rin ang ginawa nila.”
“Tama ka diyan. Kaya dapat ay mag-iingat talaga tayo at marunong tayong lumaban!” Isang malalim na paghinga ang pinakawalan ni Sarah. Napakunot ang noo niya dahil doon. “O, para saan naman 'yang malalim mong hinga?”
“I feel sorry lang, love.” Lumungkot ang mukha nito. “Ako kasi ang nag-suggest ng lugar na ito sa pag-aakala kong tahimik dito at tayong dalawa lang. Iyon naman pala ay may ibang tao na mangugulo sa atin. Sorry, love. Kung alam ko lang sana na—”
Mabilis na inilagay ni Lauren ang hintuturo niya sa labi ng nobya. “Shhh! Wala kang dapat ihiningi ng sorry. Walang may gusto sa ating dalawa ng nangyari. Saka gaya nga ng sabi mo, hindi mo rin naman alam, 'di ba? So, don’t feel sorry, love.” Ngumiti siya ng malaki dito para gumaan ang pakiramdam nito.
“Wala lang. Naisip ko lang kasi na minsan ng lang tayo magkaroon ng time together katulad nito tapos may manggugulo lang.”
Naiintindihan ni Lauren kung bakit iyon nasasabi ni Sarah. Totoo din kasi ang sinabi nito na minsan lang sila magkaroon ng pagkakataon na nasa public sila at nagagawa ang nais nilang gawin. Sila ang klase ng couple na hindi PDA o iyong nagpapakita ng affection sa public place. Kuntento na sila sa magkasabay lumakad. Hindi sila katulad ng iba na naghahawak ng kamay. Marami na rin kasi ngayon ang mapanghusga. Iyon bang kaunting galaw ay issue na sa mga ito. Marami na agad masasabi sa iyo. Kaya naman uhaw sila sa ganitong pagkakataon. Iyong wala sila sa bahay pero naipapakita at naipaparamdam nila sa isa’t isa ang kanilang pagmamahal.
“Sabagay. Tama ka naman diyan, love. Iyon nga lang, hindi naman natin kontrol ang mga mangyayari. Ang magagawa lang natin ay ang mag-ingat talaga.” Isang malaking hikab ang kusang lumabas sa bibig ni Lauren.
BINABASA MO ANG
Two Girls
Mystery / ThrillerMagkasintahan sina Lauren at Sarah. Hindi naging hadlang sa kanilang pagmamahalan ang pagkakaparehas nila ng kasarian. Isang lugar na malayo sa panghuhusga ng tao ang kanilang pinuntahan. Ngunit paano kung ang inakala nilang tahimik na bakasyon ay m...