Chapter Five

1.1K 37 0
                                    


"MARLON, nakita mo ba si Jericho?" tanong ni Daena sa nakasalubong na kaklase.

"Oo. Papunta siya sa canteen pero kanina pa 'yon," tugon nito.

"Okay. Salamat," aniya at naglakad na papunta sa canteen. Pero ilang hakbang bago makarating sa canteen ay kumaliwa si Daena sa nilalakarang pathway. May hinala siya na hindi niya matatagpuan sa canteen si Jericho kundi sa isa sa mga bench sa gilid ng football field na tambayan nila. Dalawang beses na rin niyang natagpuang nagtatago roon si Jericho matapos nitong hindi siputin ang dalawang pageant sa school nila. Ang mga kaklase nila ang nagpalista sa pangalan nito kahit nauna na itong tumanggi. Nang araw na iyon ay may program uli sa school nila at mismong ang class adviser nila ang nagpalista kay Jericho na-representative ng section nila sa Mr. and Miss United Nation. Pero dalawang oras bago ang programa ay bigla na namang hindi mahagilap si Jericho.

"I knew it nandito ka," aniya nang madatnan nga ang lalaki sa isa sa mga bench sa gilid ng football field. "Bakit nagtatago ka na naman dito. Lagot ka kay Mrs. Peñaflorida."

"Wala akong pakialam kahit i-suspend pa niya ako," salubong ang mga kilay na tugon nito.

Umupo siya sa tabi nito. "Pero nag-commit ka sa kanya na ikaw ang magre-represent ng section natin," paalala niya.

"Ang sabi kasi ni Ma'am, ikaw ang magiging partner ko kaya ako pumayag. Pero hindi naman pala."

Natawa si Daena. "Dude, eversince na magkaisip ako, never akong sumali sa mga beauty contest dahil alam ko naman na hindi ako ganoon kaganda at wala rin akong talent. Bakit kasi naniwala ka?" Nasa meeting siya ng school organ nila nang mamili ng magre-present sa section nila ang class adviser nila at kanina lang niya nalaman na isa si Jericho sa mga napili nito. Wala rin namang nababanggit si Jericho ng tungkol doon sa tuwing nag-uusap sila.

"Maganda ka, Daena. Hindi ka lang mahilig mag-ayos," sabi nito habang nakatingin pa rin sa malayo.

Sandali siyang natigilan bago napangiti nang marinig ang papuri nito. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na sinabi nito sa kanya iyon. Pati puso niya ay napangiti rin nito.

"Akala ko ba gusto mong maging proud sa 'yo ang parents mo. Kapag nanalo ka sa contest, I'm sure magiging proud sila sa 'yo," aniya na kunwari ay bale-wala lang ang sinabi nito.

"But not that way, Daena."

"How about the painting contest? Siguro naman papayag ka nang sumali roon. I'm sure matutuwa at magiging proud sa 'yo ang parents mo kapag nalaman nilang nagpaparticipate ka sa mga school activities mas lalo pa kapag nanalo ka."

"Pag-iisipan ko," tugon ni Jericho. May talento sa pagpipinta si Jericho pero kaunti lang ang nakakaalam noon. Noong birthday niya ay niregaluhan siya nito ng painting ng Space Needle na landmark ng Seattle. Nang tanungin niya kung saan galing iyon ay nagkibit-balikat lang ito.

Nang um-attend siya sa birthday party ni Jericho na ginanap sa bahay ng Uncle Randall nito ay doon niya nalaman na ito pala mismo ang nagpinta ng niregalo sa kanya. Ang mommy mismo nito na bumisita sa Pilipinas ang nagpakita sa kanya ng mga masterpiece ni Jericho. Mainit ang naging pagtanggap sa kanya ng ginang dahil ang sabi rito ni Jericho ay siya ang nag-impluwensiya rito para mag-aral nang mabuti.

"Thank you for influencing my son in a good way," nakangiting sabi pa ni Mrs. Fortez sa kanya.

Napabuntong-hininga si Daena. Mukhang mahihirapan siyang kumbinsihin ito na sumali sa painting contest. Magaganda pa naman ang mga painting ni Jericho na karamihan ay nature ang tema.

Reunited Hearts (Unedited. To be Published under PHR.Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon