"I SMELL something in the air," kantiyaw ni Ethan sa kanila nang mabanggit dito ni Jericho ang lakad nila pagkatapos ng klase.
"Sira! Mag-aalis lang ako ng sama ng loob. Sama na rin kayo ni Fran," anyaya ni Daena.
"Manonood kami ng game ni Denise mamaya, eh," tanggi ni Ethan. Hindi na siya nagpilit pa. Kahit hindi nito aminin halatang may crush ito kay Denise kaya lagi itong nanonood ng game nito.
Sila nga lang ang natuloy ni Jericho sa mall. Pero hindi lang sila kumain, nag-stroll din sila, nagpunta sa bookstore at nagbabad sa arcade. Pasara na ang mall nang lumabas sila.
"Hindi ka ba pagagalitan ng nanay mo?" may pag-aalala sa tinig na tanong ni Jericho habang nakaupo sila sa backseat ng service car nito patungo sa bahay nila.
"Hindi naman. Nagpaalam naman ako sa kanya na gagabihin ako. Ikaw? Baka pagalitan ka ng uncle mo," pag-aalala niya.
"Nagpaalam din ako. And I'm doing good naman eversince I came here kaya okay lang na lumabas ako paminsan-minsan na hindi mga cousins ko o sina Ethan at Fran ang kasama ko."
Pagdating sa kanila ay halatang nagulat ang nanay niya nang makitang lalaki ang naghatid sa kanya. Hindi kasi niya sinabi rito na classmate niyang lalaki ang kasama niya sa pagpunta sa mall nang magpaalam siya. Gayunman, magiliw nitong inestima si Jericho. Kaagad namang nag-apology si Jericho sa paghatid sa kanya ng late.
"Kumain ka muna, hijo bago ka umuwi. Hindi pa rin ako kumakain dahil hinihintay ko si Daena. Hindi ko naman alam na gagabihin kayo nang husto."
Nagpaunlak naman si Jericho kahit nakakain na sila ng hapunan sa mall. First time pala nitong makatikim ng Bicol express at dahil mahilig ito sa spicy food ay nagustuhan nito iyon.
"From now on, this dish is one of my favorites," sabi pa nito habang maganang kumakain. Tuwang- tuwa naman ang nanay niya.
"Tita, puwede po bang bumalik ako rito sa inyo para makikain uli ng Bicol express? Ang sarap po kasi talaga ng luto n'yo," sabi ni Jericho nang ihatid na nila ito sa labas ng bahay nila.
Nagulat si Daena sa narinig. Although nakapalagayan nito kaagad ng loob ang nanay niya, first time niyang narinig ito na confident ito kapag may hinihiling.
"Sige,hijo. Basta kaibigan ng anak ko welcome dito sa bahay namin. Tamang-tama birthday ni Daena sa Sunday, may maliit kaming salo-salo ng ilang kapitbahay. Pumunta ka rito, magsama ka rin ng ilang kaklase n'yo," nakangiting sabi ng nanay niya.
"Bakit hindi ka nag-iimbita may celebration pala rito sa inyo sa Sunday?" baling sa kanya ni Jericho.
"Ngayon ko lang din nalaman," depensa niya.
"Nagpadala kasi ng panghanda sa birthday mo ang Uncle Pete mo, Daena kaya maghahanda tayo," sabi ng Nanay niya. "Tawagan mo siya mamaya para batiin at magpasalamat."
Tumango si Daena. Magka-birthday sila ng uncle niya kaya hindi nito nakakalimutan ang birthday niya.
"Sige po, Tita. Babalik po ako rito sa Sunday. Thank you po uli. Bye, Daena!," paalam ni Jericho at sumakay na sa service nito.
"Nanliligaw ba sa 'yo 'yong kaklase mong 'yon?" tanong ng nanay niya pagpasok nila sa loob ng bahay.
"Hindi, 'Nay. Magkaibigan lang kami ni Jericho."
"Magalang at mukhang mabait ang kaklase mong 'yon. Hindi kita pinagbabawalang magka-boyfriend, Daena, pero huwag mong kalimutan na ang uncle mo ang nagpapaaral sa 'yo. Baka hindi niya magustuhan kapag nalaman niya nagpapaligaw ka na."
"Hindi ko po nakakalimutan, 'Nay."
KANINA pa nagkakandahaba ang leeg ni Daena sa pagtanaw sa mga umaakyat sa bus. May fieldtrip sila nang araw na iyon at fifteen minutes na lang at mahuhuli na si Jericho sa nakatakdang pag-alis ng bus. Kanina pa rin may gustong umagaw ng ni-reserved niyang upuan para rito sa tabi niya pero paulit-ulit niyang sinasabi na taken na iyon. Hindi naman niya ma-text si Jericho para tanungun kung nasaan na ito dahil wala naman siyang cell phone.
Nang may umakyat uli sa bus ngunit hindi pa rin si Jericho, hindi na siya nakatiis. Inusisa niya si Ethan na nakaupo sa likuran katabi ni Fran.
"Ethan, nasaan na raw ba si Jericho?" tanong niya rito.
Tinanggal muna ni Ethan ang earbud na nakasuksok sa tenga nito bago sumagot. "Malapit na raw. Don't worry, darating 'yon."
Napabuntong-hininga si Daena at umayos na ng upo sa tabi ng bintana. Ilang sandali pa ay dumating na nga si Jericho. Kaagad niya itong kinawayan. Bahagya pa itong hinihingal nang maupo sa tabi niya.
"Bakit ngayon ka lang?" usisa niya rito.
"Kasalanan mo kaya. Iniwan mo ako!" salubong ang mga kilay na sumbat nito.
"Huh?"
"Nagpunta ako sa inyo, pero ang sabi ng nanay mo umalis ka na raw. Bakit mo naman ako iniwan, Daena? May usapan tayo na susunduin kita, 'di ba?"
"Anong usapan? Wala naman, ah," depensa niya.
"Meron!"
"Wala!"
"Meron. Sinabi ko sa 'yo noong isang araw na susunduin kita dahil delikadong bumiyahe ka ng madaling–araw nang nag-iisa papunta rito. Kumakain tayo no'n ng fishballs sa labas ng school," paalala nito.
Kaagad naman niyang naalala ang tagpong sinabi nito. "Ah, 'yon ba 'yong sinabi mo? Hindi ko gaanong narinig dahil ang ingay ng mga nagdaraang sasakyan noon. Sorry na."
Walang salitang tumayo si Jericho at inilagay ang dala nitong bag sa compartment sa taas ng bintana. Binati muna nito sina Ethan at Fran at sandaling nakipagkuwentuhan bago muling naupo sa tabi ni Daena.
"Oi, sorry na. Huwag ka nang magalit sa akin please. Hindi ko naman talaga alam, eh," aniya.
Bumuntong-hininga si Jericho. "Okay, fine. I can't stay mad at you for so long naman, eh," tugon nito at ngumiti na.
Relieved na napangiti siya. Madaling magtampo si Jericho pero madali ring amuhin basta maipaliwanag lang dito ang dahilan ng pagtatampo nito.
Ilang sandali pa ay umalis na ang bus na sinasakyan nila. Maraming baong sitsirya at chocolates si Jericho. Kinain nila iyon habang nakikinig ng music sa iPod nito. Pero sa NLEX pa lang ay nakaramdam na ng antok si Daena. Hindi siya gaanong nakatulog kagabi dahil sa excitement at sa ingay ng kapitbahay nilang hanggang madaling-araw ay nagvi-videoke. Kasalukuyang kausap ni Jericho ang isang kaklase nila sa katapat nilang upuan. Sumiksik siya sa may bintana at pumikit. Nakatulog siya at naalimpungatan matapos ng ilang beses na mauntog sa bintana. Naramdaman na lang niya na may humila sa ulo niya habang natutulog. Nang magising siya ay nasa first destination na nila sila at nakadantay ang ulo niya sa balikat ni Jericho.
"I'm sorry, ginawa ko na pa lang unan ang balikat mo," hiyang-hiyang sabi niya rito.
Ngumiti lang ito. Sa buong durasyon ng fieldtrip nila ay sila pa rin ang laging nag-uusap at magkasama. Nang nasa resort na sila at habang naglulunoy sa tubig ang mga kaklase nila ay pinuna na sila ng class adviser nila.
"Kayo na bang dalawa?" prangkang tanong ni Mrs. Peñaflorida.
Nagkatinginan muna sina Jericho at Daena at sabay na natawa. "Naku, Ma'am, hindi po," deny ni Daena.
"Close lang po talaga kami," tugon naman ni Jericho.
"Napupuna ko kasi na kayo ang laging magkasama," sabi ng teacher nila at iniwan na sila.
"Ang malisyoso ni Ma'am 'no?" natatawang sabi ni Jericho.
"Oo nga," segunda naman niya at muli ay nagkatawanan sila.
BINABASA MO ANG
Reunited Hearts (Unedited. To be Published under PHR.Completed)
RomanceIpinangako ni Daena sa sarili na sa oras na makatagpo siya ng lalaking katulad ng ex-boyfriend niyang si Fran na almost perfect at mahal siya ay hindi na niya ito pakakawalan.Gagawin niya ang lahat upang hindi ito mawala sa kanya. Nakipaghiwalay...