Simula ng araw na iyon ay nakita ko naman ang pagbabago kay Junic lalo na nang isama ko siya paborito kong puntahan pag may dinadamdam ako. Sa simbahan ng St. Therese na hindi naman kalayuan sa school.Nung una ay ayaw niyang pumasok. Umiling siya habang nakatingin sa malaking Jesus Christ na nakapako sa Cross sa taas ng altar sa may dulo ng simbahan. Hinawakan ko ang kamay niya dahilan para mapatingin siya.
Ngiti lang ang itinugon ko at dahan dahan akong humakbang patungo sa loob ng simbahan.
Naramdaman ko naman sa magkahawak naming mga kamay ang pagsunod niya.
Umupo ako sa pinakadulo, ngunit pinakamalapit sa amin na upuan. Tumabi siya sa akin.
Ibinaba ko ang luhuran at saka ako lumuhod. Magkahawak ang kamay ko na nakapatong sa tila lamesa ng sinusundan naming upuan. Nag-sign of the cross muna ako bago ko ipinikit ang mga mata ko at inumpisahan ang dasal ko. Saglit akong napahinto at binuksan ang mga mata upang tingnan siya. Katulad ko ay nagdadasal din siya at tuloy tuloy ang daloy ng luha sa gilid ng pisngi niya. Hindi ko napigilan ang sarili ko. Niyakap ko siya. Nang maramdaman niya iyon ay nagsimula siyang humikbi at humagulgol.
Napapangiti ako kahit na umiiyak na rin ako. Ito ang Junic na hindi kilala ng ibang tao. Kahit ako, ngayon ko lang siyang nakitang parang lubog na lubog sa kalungkutan. Ito ang Junic na hindi kilala ng tao, ang Junic na mahina. Ang Junic na umiiyak. Ang Junic na humihingi ng kapatawaran sa lahat ng maling nagawa niya. Ito ang Junic na lalo kong minahal. Mali man sa mata ng tao o sabihin man ng ibang tao na mali ang nararamdaman ko sa mata ng Diyos na nasa harap namin ngayon, alam kong, alam ng Diyos na hindi mali ang magmahal. Mao-obsess tayo pero hindi mali ang magmahal. Masasaktan tayo pero hindi mali ang magmahal! Dahil sa pagmamahal, nabuhay tayo. Dahil sa pagmamahal, naligtas tayo. Huwag sana tayong maging mapanghusga lalo na kung nagmamahal lang naman ang tao.
Napatigil ako sa pag-iisip nang tumingin siya sa akin, "Mahal na mahal kita Carlo at hinding hindi ako mapapagod. Salamat at dinala mo ako dito, gumaan yung pakiramdam ko, ito pala ang makakabuo sa'kin, hindi ikaw o kahit na sino, pero dahil sa'yo... nabuo ako. Salamat Carlo," sabi niya habang pinupusan niya ang mga luhang dumadaloy sa pisngi niya at saka niya ako hinalikan sa noo.
Tama naman siya. Hindi ako ang makakabuo sa kanya. Kundi ang Diyos na siyang may lalang ng lahat. Kundi ang Diyos na siyang pumupunan ng atingnga kakulangan. Kundi ang Diyos na walang ibang ginawa kundi ang tanggapin tayo sa kabila ng pagtalikod natin sa kanya.
Sa mga oras na ito ay walang pagsidlan ang sayang nararamdaman ko. Mas maganda na ngayon ang ngiti sa labi ni Junic. Mas maaliwalas na ang mukha niya. Mas nagkaroon siya ng buhay sa likod ng mapagpanggap niyang tapang. Mahina si Junic. Tayong lahat! Kaya kailangan natin Siya. Mahal tayo ng Diyos, hinihintay Niya lamang tayong lumapit sa Kanya.
TULUYAN na ngang nabuo si Junic pero ang araw na iyon na rin pala ang huling araw na makikita ko siya dahil na-destino si Papa sa Maynila at sa sobrang bilis ng mga pangyayari ay nakita ko nalang ang sarili ko sa bagong bahay dito sa Maynila na siyang dahilan ng tuluyang paghihiwalay ang landas naming dalawa nang hindi man lang nakapag paalam sa isa't isa.