Chapter 6

211 2 0
                                    

                Parang isang sakit na biglang nawala ang pakiramdam ni Nate. Naging magaan ang kanyang loob nang marinig ang paanyaya ni Mico. Kahit na may tama na ng alak, mas pinili niyang pumayag sa alok ng kanyang ultimate crush na si Mico.

                “Sige, pero maglilinis muna ako ng aming pinag-inuman.” Paalam ni Nate.

                Naupo naman kaagad si Mico sa sofang pahaba at ibinaba sa sahig ang dalang inumin. Maigi niyang pinagmamasdan ang bawat pagkilos ni Nate habang nagliligpit ito ng naiwang napag-inuman. Dahil sa tama ng alak, nadulas ang basong hawak ni Nate sa kanyang kamay. Mabilis namang nahawakan ni Mico ang baso bago pa man mahulog ito. Iniabot niyang muli ang baso sa kay Nate. Isinara pa niya ang mga daliri ni Nate sa baso upang pahigpitin ang hawak nito.

                “Ayos ka pa ba?” pag-aalalang tanong ni Mico habang hawak ang kamay ni Nate.

                “A oo! Nadulas lang.” napatingin si Nate sa kanyang kamay na hawak ni Mico. Kung wala ang baso, tiyak na buong mahahawakan ni Mico ang buo niyang kamay.

                “H’wag na lang siguro natin ituloy ang inuman. Baka masayang lang ang alak at di maubos.” Dugtong ni Mico. Napansin ang pagtingin ni Nate sa kanyang hawak. Agad niyang inalis ang pagkakakapit.

                “Hindi na. Sandali lang at ilalagay ko lang ito sa lababo…” turing sa hawak niya. “…kukuha lang ako ng yelo at bagong shot glass para diyan sa dala mo.”

                “Sigurado ka?” di magkatagpong kilay na tanong ni Mico.

                Tumango naman si Nate bilang pagsang-ayon. Ilang saglit lang at nakapuwesto na silang magkaharapan. Si Nate ang tanggero. Salitan ang tagayan na para bang hindi sila magkakilala. Kakaiba sa pangkaraniwang inuman na makikita mo. Walang tawanan, walang kuwentuhan, walang tugtuging pampagana. Naisipan ni Nate na magpaalam saglit kay Mico upang pawiin ang namumuong pagkaantok.

                “Isasara ko lang muna ang pintuan at mga bintana.” tango naman ang sagot ni Mico.

                “Mas lalo akong tatamaan ng antok kung hindi ako tatayo. Mas mabuti na yung tumayo muna ako sandali para makapag-unat-unat.” Sa isip ni Nate habang nagsasara ng mga bintana.

                Nagwalis at nag-imis na din si Nate sa kusina at iba pang parte ng bagay. Halos lahat yata ng gawain ay nagawa na niya.

“Masyado na yatang matagal ang aking pagkawala.” Sambit niya sa sarili. Minabuti niyang balikan si Mico sa sala upang saluhan muli sa inuman. Ngunit di niya akalaing nasa likuran na niya si Mico kaya’t narinig siya nito.

                “Mga thirty minutes ka ng nawala. Halos maubos ko na yung isang bote e.” saad naman ni Mico matapos suriin ang kanyang relo.

                “S-sige, susunod na ako.” Utal niya.

                Hindi niya akalaing aalis kaagad si Mico matapos niyang magsalita. Sa suri niya, may pinagbago ang lalaki. Hindi na siya nagdalawang isip pa at sumunod na siya kaagad. Dating puwesto, magkaharapan. Muli, si Nate ang tanggero.

                “Tagay mo.” si Nate.

                “Tagay mo na.” si Mico.

                Hindi tulad ng nauna, may palitan na ng salita kang maririnig sa kanilang dalawa. Nakaubos na sila ng unang bote. Kukunin na sana ni Nate ang ikalawang bote sa tabi ni Mico ng biglang magsalita ito.

Ang Ultimate Crush kong Isnabero (boyxboy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon