Chapter 9
“Ay, Ayoko niyan, ang pangit,” reklamo ni Pre habang nakatingin sa catalogue ng mga damit sa loob ng shop ni Dina, ang baklang couturier.
“Eh, anong gusto mo?” Tila malapit nang maubusan ng pasensiya ang bakla. Namaywang na lamang ito. “Kanina ka pa walang mapili, ah, Ikaw ba ang ikakasal? Ba’t ang arte-arte mo? Maid of honor ka lang , ‘no!”
“Aba’t–!”Namaywang na rin si Pre.”Pwede ba, tama na nga ‘yan.” Iniabot niya ang catalogue at itinuro ang isang off-shoulder gown. “O, ‘ayan, ‘yan na ang isusuot mo, Pre.”
“Makaka-complain pa ba ako?” Iiling-iling itong naupo sa tabi niya. Ikaw naman friend, ikakasal ka na nga.”
“I’ve known Zed for a long time,” sabad ni Dina. “Sa wakas ay pinagagawan na niya ng wedding gown ang bride niya. Ilang beses na kasing nagbalak na magpakasal ang lalaking ‘yon. Pero wala ni isa mang natuloy.
“See?” may pagmamalaki pa niyang sabi. “Wala nang makakapigil pa sa kasalang ito, Pre.”
“I’m happy for you.” Tila nalungkot ito. “Buti ka pa, ikakasal ka na.”
“Bigla naman yatang naglaho ang fighting spirit mo?” natatawang sabi niya. “Eh, di ba’t hindi ka naman takot maging old maid.? Sabi mo nga, darating na lang nang hindi inaasahan ang Mr. Right mo kahit hindi mo hanapin.”
“Right,” napangiti nang saad nito. “Hindi puwedeng hindi ko masalo ang bridal bouquet mo para ako na rin ang sumunod na ikasal.”
“Ibibigay ko na lang sa’yo para hindi ka na mahirapan.” Nagkatawanan sila.
“Ashgab, I’m really, really happy for you,” muling saad ni Pre. “I wish you the best. Sana ay lumigaya ka nang husto sa piling ni Zed. Sana ay magkaroon kayo ng maraming mga anak na magaganda at guwapo. Sana ay busugin ninyo ng pagmamahal ang isa’t isa. At sana ay…ikasal na rin ako sa lalong madaling panahon.”
Nakatawang niyakap niya ang kanyang kaibigan. Sana nga ay ikasal na rin ito sa lalong madaling panahon.
Siya na yata ang pinakamasayang babae sa mundo nang isukat niya sa harap ng full length mirror ang kanyang wedding gown. Gabi-gabi niyang ginagawa iyon.Gabi-gabi rin niyang ini-imagine ang sarili na lumakad sa aisle ng simbaham, patungo sa altar kung saan naghihintay sa kanya si Zed.
Walang araw na hindi sila magkasama ni Zed. Muli niyang nakita ang magagandang katangian nito, hindi lamang sa panlabas kundi ang panloob nitong katauhan. She discovered how beautiful man Zed was. Wala rin itong hindi sinang-ayunan sa mga sinasabi niya. Hindi rin ito tumigil sa pagpapadala ng flowers kahit kahit parati silang magkasama.
When she woke up that day, she knew she was marrying the man she already loved. Yes, she loved Zed. At excited siyang malaman na ang araw na iyon na ang pinakahihintay niya. Ang araw ng kasal nila ni Zed.
”Mrs. Zedrick Saher Reyes,” she called herself in front of the mirror. “Excited ka na ba? Well, this is the day you’ve been waiting for. This is the day you’re gonna marry the most handsome and the most wonderful man in the world.”
***
“Basta, apo ha, huwag kang makakalimot dumalaw sa amin kahit sa malaking bahay ka na nakatira.” Hawak-hawak ng lola glo ang aking kamay. Ang kabilang kamay naman niya ay hawak ng kanyang tita tam na nasa kabilang gilid niya. Nakupo sila sa backseat ng bridal car na nakatigil na sa harap ng simbahan.