Chapter Two

3.5K 68 0
                                    

SARAP na sarap si Chad sa kinakaing braised beef noodles at siopao bola-bola nang bigla siyang sikuhin sa braso ni JD Fortez, teammate niya at nag-iisang rookie ng kanilang team. Kagagaling lang nila sa isang charity event ng PBA na ginanap sa isang barangay sa Malate kasama ng teammate din nilang si Troy Escobar. Pagkatapos ng event ay naisipan nilang mag-merienda sa nadaanang sikat na Chinese restaurant na malapit sa lugar.
Napatingin siya kay JD.
"Chad, ang ganda ng waitress, o," sabi nito.
Ibinaling niya ang tingin sa tinitingnan ni JD. Sang-ayon siya sa sinabi nito. Maganda nga ang waitress na may Chinese features na kausap ng dalawang babae sa isang two-seater table malapit sa pinto. Lantad ang kaputian at kakinisan ng balat ng waitress sa suot na lavender floral dress na hanggang tuhod ang haba. Maayos din ang pagkakapusod ng medyo kulot nitong buhok. The woman was tall and had curves in the right places. Duda siyang waitress lang ang babae. She could pass off as the owner of the place or something. Gayunman, sa kabila ng taglay na kagandahan ay mukhang masungit at mataray ang babae.
"Oo, maganda nga," kulang sa interes na pagsang-ayon ni Chad. Hindi niya type ang foreign beauty at mapuputing babae. Filipina beauty at morena ang ideal girl niya, saka iyong simple lang, walang arte at pupuwedeng dalhin sa fast food. However, he had to admit he liked the woman's voluptuous body.
Nagpabawi na si Chad ng tingin at nagpatuloy sa pagkain.
Ilang minuto ang lumipas. Awtomatikong nagtaas siya ng tingin nang marinig ang malamyos na tinig ng isang babae sa likuran ni Troy na katapat lang niya.
"Mga Sir, puwede raw ho bang magpa-picture ng mga customer sa kabilang table?" nakangiting tanong ng tsinitang waitress na unang nakakuha ng atensyon ni JD.
Natigilan si Chad nang mapagmasdan nang husto ang mukha ng waitress. Mas maganda pala ito sa malapitan. Pati ang ngiti nito ay maganda rin.
"Sure!" nakangiting tugon ni Troy.
"Okay. Papupuntahin ko na lang ho sila rito mamaya," tugon ng waitress at tumalikod na.
"Ikaw, Miss, ayaw mo bang magpa-picture sa amin?" pahabol na tanong ni Chad.
Muling humarap ang babae, nakalarawan ang pagkagulat sa mukha. Nagulat din sina JD at Troy sa sinabi niya, at mismong si Chad. Kilala kasi siyang tahimik at mahiyain. Muntik na niyang matampal ang sariling noo. He did not know why he suddenly asked that question.
"'Yong mga customers na lang ho. Marami pa kasi akong trabaho," polite pa ring tugon ng waitress at humakbang na palayo sa table nila.
Nagliparan ang mga binilot na tissue sa mukha ni Chad pagkaalis ng waitress. Umiiling na natawa na lang siya at ibinalik ang atensyon sa kinakain.

"MAY ALAM ka bang apartment na puwede kong lipatan?" tanong ni Simone sa kaibigang si Margaux over the phone. Lampas alas-onse ng gabi nang makauwi siya sa kanyang apartment. Kapag ganoong pagod siya ay hindi siya kaagad nakakatulog. Kaya matapos magtimpla ng hot chocholate ay nagsimula siyang mag-empake ng mga dadalhing gamit papunta sa Davao City kahit na apat na araw pa bago ang schedule ng alis niya.
Matatapos na siya sa ginagawa nang maalalang tawagan si Margaux upang humingi ng tulong sa paghahanap ng malilipatan. She had friends from high school and college, and even from the events industry and show business, but she considered Margaux as her best friend. Nagkakilala sila sa Boracay seven years ago, isa itong freelance photo journalist. Single pa si Margaux noon. Dahil pareho silang may lahing Intsik at pareho ang outlook sa buhay,kaagad silang nagkasundo. Margaux became her travel buddy since then. Gaya niya ay may pagka-nocturnal din ang kaibigan bukod pa sa hinihintay tiyak nito ang pagdating ng asawa.
"Ano'ng problema sa apartment mo?" tanong ni Margaux.
Magmula nang gumraduate siya ng college ay bumukod na si Simone ng tirahan. Hindi niya naging problema ang pagpapaalam sa daddy niya. Gaya ng karaniwang Instik, gusto rin nitong matuto siyang maging independent. Kasalukuyan siyang nakatira sa isang apartment building na walking distance lang sa bahay ng daddy niya at sa Mr.Chen.
"Naibenta na raw kasi ng may-ari itong building. Binigyan niya kami ng isang buwang palugit para makahanap ng malilipatan. That was two weeks ago. Nawala na sa isip ko ang paghahanap ng malilipatan dahil sa nangyari kay Daddy. Mabuti na nga lang ipinaalala ng may-ari sa akin kanina bago ako pumunta sa resto."
Sandaling natahimik si Margaux sa kabilang linya, tila sandaling nag-isip. "Uhm, wala, eh. Pero hayaan mo magtatanong-tanong ako. Baka si Will may alam," tukoy nito sa asawa na isang physiotherapist ng isang team sa PBA.
"At least, it's not far from Manila, sis." Kung maaari ay ayaw ni Simone na mapalayo sa lugar na kinalakihan. Gusto niyang anumang oras - kapag wala rin lang siyang ginagawa - ay madali pa rin niyang mapupuntahan ang daddy niya sa restaurant.
She could say she was a daddy's girl. Her father was a hardworking, self-made man that she was truly proud of and idolized. Dito niya natutunan ang maraming bagay, kasama na ang pagluluto. Hindi na muling nag-asawa ang kanyang daddy at mag-isang itinaguyod silang magkapatid. Gayunman, kahit na abalang-abala ang daddy niya sa restaurant, noong nag-aaral pa sila ni Adam ay nagawa pa rin silang ihatid at sunduin sa school at sa music and voice lesson classes nila. She loved their father-daughter intellectual discussions about life and current events with her sitting on the front seat while he drove. Nagagawa pa rin naman nila iyon paminsan-minsan kapag nagtutungo siya sa restaurant.
"Okay, sis," tugon ni Margaux. "Anyway, may ipapakilala pala ako sa 'yo."
"Ilang taon na? Tagasaan? Ano'ng trabaho?" sunod-sunod na tanong niya. Alam na niya ang tinutumbok ng sinabi ni Margaux. Mula nang mag-asawa ay naging pursigido na itong ireto siya mga kakilalang binata. Pareho lang silang twenty-eight years old pero nag-aalala si Margaux dahil pulos trabaho at leisure trips ang pinagtutuunan niya ng pansin.
Well, she was busy at sa uri ng trabaho na tulog sa umaga at madalas na wala sa bahay sa pagitan ng alas-tres ng hapon hanggang alas-tres ng madaling- araw, mahirap siyang ligawan.
May ilang nagpakita ng interes sa mga lalaking ipinakilala ni Margaux sa kanya ngunit hindi rin nagtagal dahil bago pa man magsimulang pumorma ang mga iyon ay nire-reject na niya kaagad. Bukod kasi sa hindi naman napukaw ng interes niya ng mga iyon, gusto muna niyang magkaroon ng mas maraming oras para sa sarili at malayang magawa ang mga bagay na gustong gawin.
"Grabe ka. Babae ang ipapakilala ko sa 'yo 'no. Nangangailangan ng serbisyo mo," natatawang sabi ni Margaux.
Kaagad na naging interesado si Simone sa narinig. "Sino?"
"Amiga ng mommy ni Will. Napanood niya 'yong mga video mo sa YouTube at gusto ka niyang maging host sa debut ng anak niya."
"Hmm, okay. Kailan ba 'yan?"
"I'm not sure sa exact date but I think more than two months away pa. Of course, gusto niyang makakuha ng discount. Ikaw na lang bahala kung ilang percent. Basta, sis, i-prioritize mo 'to, ha?"
"Sure. Basta ba hindi makakasagasa sa schedule ng event na nauna ko nang tinaggap," tugon ni Simone.
"Okay. So, kailan mo pwedeng ma-meet 'yong amiga ng mommy ni Will?"
"Pagkagaling ko na lang sa Davao. Isang araw lang naman ako doon."
"Ay, bakit ang bilis? Baka hindi ka man lang makapamasyal no'n."
"Okay lang. Next time na lang ako mag-i-stay doon nang matagal. Kailangan ko pa rin kasing i-monitor ang health ni Daddy, 'tapos maghahanap pa ako ng malilipatan."
"You should go back home," suhestiyon ni Margaux.
"As if puwede. Alam mo namang ayaw ni Daddy sa lifestyle ko. Baka puro sermon lang ang abutin ko kapag tumira uli ako sa kanya. Hindi ko pa nga ipinapaalam na naghahanap ako ng malilipatan dahil baka pauwiin na ako n'on. Saka na kapag nakalipat na ako." Suportado ng daddy niya ang kanyang trabaho, pero ayaw na ayaw nito na umuuwi siya nang madaling araw, lalo na at crime-infested na ang Metro Manila.
"Tama! Hayaan mo, sis kakaririn natin ang paghahanap ng malilipatan mo."
Napangiti siya Simone. "Thanks." Ilang sandali pa silang nagkuwentuhan bago nagpaalaman sa isa't-isa.

Each Day With You - Published under PHRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon