“CONGRATS, Chad!”
“Thank you, Tito Rick,” nakangiting tugon ni Chad nang muling makatanggap ng pagbati mula sa isa pa niyang kamag–anak kahit ilang linggo na ang nakalilipas mula nang muling mag-champion ang team niyang Energy Lightnings sa PBA.
Ginanap ang PBA All-Star Weekend, ang taunang fans day ng PBA sa Davao City - hometown ni Chad - kaya nagkaraoon ng pagkakataon na dumalo sa renewal of vows at fiftieth wedding anniversary ng kanyang grandparents. Kasama ang mga pinakasikat na manlalaro sa PBA, naka-check in siya sa isang hotel malapit sa mansiyon ng kanyang grandparents kung saan din ginanap ang kasalan.
“Another trophy pa ba this conference, Chad?” tanong naman ng Tito Jess niya, bunsong kapatid ng kanyang daddy.
“Hopefully, Tito, para grand slam na.” Kauumpisa pa lang ng Governor’s Cup. So far, zero–four ang standing ng Lightnings. Nakaka–frustrate pero pipilitin nilang makahabol. Ganoon naman lagi ang standing ng kanilang team kapag nag-uumpisa pa lang ang conference, laging naghahabol. Luckily, nitong nakaraang dalawang komperensya ay nagawa nilang makahabol sa kalagitnaan ng liga at nag-champion. Sana lang sa pagkakataong iyon ay magawa uli nila. They wanted to take home the championship trophy for the third time and to make history for the franchise.
“Chad, nakausap mo na ba ang lolo at lola mo?” tanong ng daddy niya na lumapit sa umpukan nila ng mga tiyuhin at mga pinsan.
“Hindi pa po, Dad. Marami kasi silang kausap kanina kaya hindi na muna ako lumapit,” katwiran niya. Mula pa pagkabata ay mahiyain na siya kaya minabuti na muna niyang makipag-usap sa mga kamag-anak na kapalagayan na ng loob kaysa humarap sa mga bisita ng kanyang lolo at lola na hindi naman niya kilala.
“Puntahan mo muna sila,” utos ng daddy niya.
Tumingin siya sa kinaroroonan ng mga magulang ng kanyang ama. Nang makitang wala nang kausap ang mga ito habang kumakain ay tumango siya sa daddy niya at nagpaalam sa mga kausap na mga kamag-anak.
“Congrats, ‘Lo, ‘La," mula sa likuran ay bati ni Chad sa bagong kasal nang makalapit. Humawak pa siya sa magkabilang balikat ng kanyang lolo't lola at magkasunod na hinalikan sa pisngi ang dalawa.
“Ikaw na bata ka, kung hindi pa pupunta ang PBA dito sa atin, hindi ka pa uuwi. Kumain ka na ba?” tanong ng kanyang lola.
Nagkakamot sa batok na naupo si Chad sa isang silya sa tapat ng abuela.Naka-focus ang buong atensyon niya sa basketball nitong mga nakaraang buwan kaya hindi siya nakakauwi sa kanila. “Kumain na po ako sa hotel kanina bago ako nagpunta rito,” tugon niya.
“Mabuti naman at nakapunta ka rito, Chad,” sabi naman ng kanyang lolo. “Ilang araw pa ba kayo rito?”
“Two days na lang, ‘Lo, tapos babalik na kami sa Manila. Sorry po, hindi ako makakapag-stay dito nang matagal. Alam n’yo na po, ang pangit na naman ng standing ng team namin kaya magiging puspusan na ang mga practice namin. Pero sa oras po na matapos ang conference ay dito ako magbabakasyon sa atin,” pangako niya.
Nakakaunawang tumango ang kanyang lolo. Mahilig din kasi ito sa basketball. Lolo Ricardo was actually a frustrated professional basketball player. Noong kabataan nito ay naging varsity player ito ng isang kilalang unibersidad sa Maynila kahit na five feet and five inches lang ang height nito. Ayon sa kanyang lolo, kinulang ito sa height kaya walang nagka-interes na team nang mag-apply ito sa PBA draft kahit na magaling namang point guard.
Kaya naman nang kinakitaan siya ng abuelo ng interes sa basketball noong bata pa siya ay sinuportahan at tinutukan siya nito nang husto. Pangarap din ni Chad na makapasok sa professional league at tuparin ang pangarap ng kanyang lolo kaya nagsumikap siya. Namana niya ang galing ni Lolo Ricardo sa pagba-basketball at nakuha naman ang tangkad mula sa namayapang ina.
“Eh, kailan ka naman magreretiro sa pagba-basketball at mag-aasawa Chad?” tanong naman ng kanyang lola.
Napabuntong-hininga si Chad sa narinig. Iyon ang paulit-ulit na itinatanong sa kanya ng mga kamag-anak sa tuwing umuuwi siya kaya nagsasawa na siya. Gayunpaman, muli niyang sinagot ang tanong ng abuela. “Mga three years pa, ‘La, bago ako magretiro. At sa pag-aasawa, huwag n’yo ho akong madaliin. In due time, mag-aasawa rin po ako.”
“Wala ka pa rin bang girlfriend o nililigawan man lang? Aba, Chad, hindi ka na bumabata baka naman –”
“Bata pa ho ako, ‘La,” natatawang putol niya ng abuela.
“Bakit hindi mo na lang kasi ligawan uli si Monette? Dalaga pa rin siya at walang boyfriend. Baka ikaw lang ang hinihintay n'on.”
Napasimangot siya Chad sa narinig. Anak ng dating mayor ng kanilang bayan si Monette at first girlfriend niya. Mahigit isang taon din silang naging magkasintahan noong kolehiyo sila. Nagkahiwalay sila nang ipinagpalit siya ni Monette sa isang Fil-Am na transferee sa university nila dahil di-hamak na may hitsura at mayaman ang lalaking iyon kaysa sa kanya. Nasaktan siya sa ginawa ni Monette pero madali rin siyang naka-move on dahil lumipat na siya sa isang tanyag na unibersidad sa Maynila nang ma-scout ng dating ka-teammate ng kanyang lolo na isa nang collegiate coach. Ginawa siyang varsity player niyong coach.
Sa mga nakalipas na taon, kapag umuuwi si Chad sa Davao ay nagtatagpo ang mga landas nila ni Monette. Napatawad na niya ito at naging magkaibigan na uli sila. Hindi rin nagtagal ang relasyon nito sa Fil-Am. Maganda pa rin ito pero wala na silang romantikong interes sa isa’t-sa.
Sasagot sana si Chad sa sinabi ng kanyang lola subalit naagaw ang atensyon nila nang mula sa stage ay pumailanlang ang baritonong tinig ng lalaking host ng reception. Kinuha nito ang atensyon ng lahat at binati ang kanyang lolo at lola. Pagkatapos ay may binanggit itong pangalan ng babae na maghahandog ng awitin.
Ilang sandali pa ay umakyat na sa stage ang isang matangkad, maputi at tsinitang babae. Hindi man ganoong ganda ng babae ang ang tipo ni Chad, buong paghanga pa rin niyang hinagod ito ng tingin. The woman was stunningly beautiful in a long, black evening gown that emphasized her sexy body. Nakalugay ang medyo kulot at lampas-balikat nitong buhok. Binati muna nito ang kanyang grandparents bago sinenyasan ang keyboardist na nasa gilid ng stage na tumugtog.
Nagsimulang kumanta ang babae ng isa sa mga paboritong awitin ng mga kanyang lolo at lola.
“Why do birds suddenly appear everytime you’re near? Just like me they long to be close to you.”
Kaagad na umani ng masigabong palakpakan nang pumailanlang ang maganda at malamyos na tinig. Pati si Chad ay napapalakpak din. Mayamaya ay napakunot-noo siya nang mapagtantong pamilyar ang babae sa kanya. He was sure he had encountered the woman somewhere. Pero hindi niya maalala kung saan. Patapos na ang kinakanta ng babae nang sa wakas ay maalala niya kung saan niya ito unang nakita.
Napataas ang isang sulok ng kanyang mga labi nang mapagtanto na ang waitress sa Mr. Chen Restaurant at ang babaeng umaawit ay iisa.
PASADO alas-nueve ng gabi nang matapos ang wedding reception nina Mr. and Mrs. Esquivel. Pero mangilan-ngilan pang kamag-anak at bisita ng mag-asawa na nag-iinuman sa malawak na bakuran ng mansiyon, kabilang na ang host ng reception at keyboardist ni Simone kanina na tagaroon din sa lugar.
Kasalukuyang may kausap na matangkad na lalaki si Mrs. Esquivel nang lumapit si Simone sa matandang babae upang magpasalamat at magpaalam. Kinuha niya ang atensyon ng matanda nang hindi tinitingnan ang mukha ng lalaking kausap nito.
“Maraming salamat din, hija,” nakangiting tugon ni Mrs. Esquivel. “Inatake ng rayuma si Ricardo at nagpapahinga na kaya hindi ka na niya mapapasalamatan. Hayaan mo, kapag nangailangan uli kami ng serbisyo mo, ikaw ang kukunin namin. Irerekomenda rin kita sa mga kakilala namin.”
Napangiti si Simone. “Maraming salamat po.”
May iniabot na si Mrs. Esquivel na pulang sobre sa kanya na alam niyang tip ang laman. Nakangiting tinanggap niya iyon at muling nagpasalamat. Bago pa man siya pumunta roon ay bayad na siya sa pamamagitan ng pakikipagtransaksyon ng pamangkin nito kay Mama Carol.
“By the way, hija, kilala mo na ba ang apo ko?”
Saka lang tumingin si Simone sa mukha ng matangkad na lalaki na tahimik lang na nakamasid sa kanila ng matandang babae.
Nagulat siya nang muling makita ang mayabang na basketball player na may maamong mukha na naging customer ng Mr. Chen ilang araw na ang nakararaan. She was sure it was him. Hindi siya madaling makalimot sa mukha ng mga mayayabang at aroganteng tao.
“H-hindi pa kami magkakila, ‘La,” mabilis na tugon ng lalaki na bago pa makasagot si Simone. “I’m Chad. And you are…?” kusang pakilala nito sa sarili at naglahad ng kamay. She noticed his voice was different from the first time they saw each other. Mababa iyon ngayon at kaunting garalgal.
Pilit ang ngiting tinggap niya ang pakikipagkamay ng lalaki. “I’m Simone.” Ang lamig din ng kamay nito na tila tensiyonado.
“Ikaw ‘yong sa restaurant, ‘di ba?” tanong nito.
Kung ganoon,natatandaan din pala siya nito. “Yes.” Nagbawi na si Simone ng kamay.
Muli siyang tumingin kay Mrs. Esquivel nang muli itong magsalita. “Simone, sa Hotel Frank ka rin tumuloy, ‘di ba? Pupunta rin ngayon doon si Chad. Sumabay ka na sa kanya, hija.”
“Naku, huwag na po. Nakakahiya naman sa apo ninyo,” mabilis na tanggi niya. Malapit lang naman ang tinutuluyan niyang hotel at maaga pa. Alam niyang safe siyang bumiyahe sa Davao ano mang oras dahil kilalang tahimik at ligtas ang lugar.
“It’s okay. Sumabay ka na sa akin. Nagpatawag na ako ng taxi sa guard,” sabi ni Chad.
Hindi na nagawang tumaggi ni Simone. “Okay.”
Hinalikan at niyakap muna ni Chad si Mrs. Esquivel bago sila magkaagapay na lumabas ng bakuran. Naghihintay na ang taxi nang makalabas sila ng gate.
Matipis na nagpasalamat si Simone kay Chad nang pagbuksan siya nito ng pinto sa backseat. Doon na rin ito umupo, sa tabi niya.
Noong una ay wala silang kibuan habang nasa biyahe, hanggang sa basagin ni Chad ang katahimikan. “So, you’re a wedding singer?”
“Uhm… yes,” hindi tumitingin kay Chad na tugon ni Simone.
Nagdaan muli ang sandaling katahimikan bago ito muling nagsalita. “Hey, about what happened at the restaurant last time, I feel that I acted wrong. Believe me, hindi talaga ako ganoon,” apologetic na sabi nito.
Nagulat si Simone sa narinig kaya napatingin siya kay Chad. He looked so sincere. Hindi niya akalain na mag-a-apologize ito. Bigla ay nawala ang inis na nararamdaman niya rito.
“Okay,” amused na tugon niya at nagbawi na ng tingin.
Narinig niya ang pagbuga ni Chad ng hininga na tila nakahinga nang maluwag. Nakakunot ang noong muli siyang napatingin dito. Anyong muli itong magsasalita nang biglang tumunog ang kanyang cell phone. Kaagad niyang hinagilap iyon sa loob ng dalang bag. Nang makitang si Margaux ang caller ay binalingan niya si Chad. “I have to take this call,” paalam niya.
“It’s okay. Go ahead,” tugon nito.
Sinagot na ni Simonea ang tawag ni Margaux. Kaagad siyang natuwa sa ibinalita ng kaibigan na may nakita na itong apartment na maari niyang lipatan. Nagkasundo sila na magkita kinabukasan din pagbalik niya ng Maynila upang makita na niya ang apartment.
Nasa harapan na ng Hotel Frank ang sinasakyan nilang taxi nang matapos si Simone sa pakikipag-usap kay Margaux. Akmang maglalabas siya ng wallet para sa share niya sa pamasahe ngunit mabilis na naglabas ng pera si Chad at iniabot sa driver.
“Ako na,” sabi nito at nauna nang bumaba ng taxi. Muli ay pinagbuksan siya nito ng pinto.
“Thank you.”
“Ahm… would you like to have a cup of coffee with me?” tila nahihiya pang tanong nito, nakahawak sa batok.
Ilang sandaling nagdalawang-isip si Simone sa pagsagot. May isang parte sa kanya na nagsasabing paunlakan ang imbitasyon dahil naku-curious na siya kay Chad. Subalit nang maalala na isa itong atleta ay mabilis siyang nagdesisyon.
“Thanks, but no thanks. Inaantok na kasi ako, eh,” pagdadahilan niya.
Sandaling lumarawan ang pagkadismaya sa mukha ni Chad bago tipid na ngumiti. “Okay. It was nice meeting you, Simone,” nakakaunawang sabi nito.
Tumango lang siya at naglakad na papasok sa lobby ng hotel.
BINABASA MO ANG
Each Day With You - Published under PHR
RomanceMayabang man ang unang naging impresyon ni Simone sa sikat na basketball player na si Chad Esquivel, nagbago iyon nang maging landlord niya ang binata at makilala ito nang lubusan. Bukod sa guwapo ay napakabait pala nito, dahilan para magkalapit sil...