Chapter Eleven

2.9K 57 3
                                    

“SIMONE, are you sure okay lang sa ‘yo na maghintay dito?” tanong ni Chad.
Katatapos lang ng game ng Energy Lightnings at gusto ni Chad na isama si Simone sa dugout pero tumanggi siya. Alam niyang maraming nang tao roon na karamihan ay pamilya at fans ng mga player kaya ayaw na niyang dumagdag pa.
“Oo sabi, eh. Sige na, baka nagbibigay na ng last instruction si Coach Ryan,” pagtataboy niya sa binata.
“All right. Sandali lang ako, babalikan kita rito kaagad.” Hinalikan muna siya ni Chad sa pisngi at nagmamadali nang nagtungo sa dugout ng team nito sa MOA Arena.
Sumandal sa kinauupuang patron seat si Simone at inilibot ang tingin sa paligid. Nakalabas na ang karamihan ng mga nanood sa Arena at ang naiwan na lang ang kalat-kalat na grupo ng mga fans na tila mga nagmi-meeting pa. Nitong mga nakaraang araw ay dumalas ang pagpunta roon ni Simone dahil sa pagsama niya kay Chad sa panonood ng mga laro ng team nito. 
Energy Lightinings made it to the finals again after sweeping the semifinals. Game one na ng best-of-seven finals nang gabing iyon at nagwagi ang Lightnings. Tatlong panalo pa at muli na namang maiuuwi ng team ang championship trophy at ang inaasam na grand slam award. Muli ay si Chad ang itinanghal na best of player of the game. Nagulat pa si Simone nang isama siya ng binata sa mga pinasalamatan kanina nang interview-hin ito ng courtside reporter pagkatapos ng laro. Sandali tuloy siyang nakakuha ng atensyon. Gayunman, masayang-masaya siya. 
Mayamaya ay napahawak siya sa kuwintas na nakatago sa loob ng suot na blouse. Iyon ang regalo sa kanya ni Chad noong birthday niya. Isa iyong gold necklace na may maliit na pendant na kalahating puso. Nasisiguro niyang na kay Chad ang kahati ng puso. Gusto ng binata na isuot niya ang kuwintas kapag handa na siyang tanggapin ang pag-ibig nito. Nakokonihan man sa gusto nitong mangyari, hindi pa rin niya maiwasang kiligin.
Well, she was ready. Nakasisiguro siya sa sarili na mahal na niya si Chad kaya isinuot na niya ang kuwintas subalit hindi pa nito napapansin iyon. Excited na siya sa magiging reaksyon ng binata.
Inilabas ni Simone ang kanyang cell phone at inabala ang sarili sa Facebook habang naghihintay kay Chad. Ayon dito ay magse-celebrate sila. Kung saan siya nito dadalhin ay hindi niya alam.
Nabaling ang atensyon ni Simone sa isang grupo ng mga babae at mga bading na maingay na naglalakad sa gilid ng court para lumabas Arena. Halatang kampi sa nakalabang team nina Chad kanina ang grupo dahil sa T-shirt na suot ng mga ito.
Bigla nanigas si Simone sa kinauupuan nang marinig ang malakas na tinig ng isa sa mga babae.
“‘Yon ba 'yong girlfriend ni Chad?” tanong ng babae sa katabing bading.
“Oo yata. Ang ganda, ‘no?” tugon ng bading.
“Maganda nga, pero hindi sila bagay ni Chad. Ang sungit ng hitsura. Mas maganda ka pa diyan eh,” sabi pa ng babae.
Malakas na nagtawanan ang grupo. Alam ni Simone ni Simone na siya ang pinag-uusapan ng mga ito, bukod kasi sa nakatingin sa kanya ay siya lang naman ang nag-iisang nakaupo sa area na iyon. Tinaasan niya ng kilay ang mga ito na kaagad namang nag-iwas ng tingin hanggang sa makalampas sa kanya at tuluyan nang makalabas ng court.
Dahil sa narinig ay biglang sumama ang pakiramdam ni Simone. Hindi niya akalain na muli na naman niyang mararanasan na lait-laitin. Bigla ring nagbalik sa kanyang alaala ang  masasakit na salita at mga panlalait na natanggap noon sa mga fans ni James. Pilit na kinalma niya ang sarili at pinigilang mapaiyak.
“Are you okay?” nag-aalalang tanong ni Chad nang mapansin ang pamumula ng kanyang mga mata nang balikan siya nito. 
“Umuwi na tayo, Chad.”
“Huh? Pero may pupuntahan pa tayo, ‘di ba?”
“Sa susunod na lang. Bigla kasing sumama ang pakiramdam ko.”
Ilang sandaling tinitigan siya nito bago sumagot. “All right.” 

“WARNING for Chad Esquivel for resentment to a call,” anunsiyo ng game announcer kay Chad pagkatapos na makipagtalo sa referee na nagpataw rito ng violation.
“Nag-away ba kayo ni Chad? Bakit parang ang init ng ulo n’ya ngayon?” tanong ni Margaux habang kausap ito ni Simone sa telepono. Nanonood sila ng live telecast ng game two ng PBA finals sa kanya-kanyang bahay.
“Malay ko,” patay malisyang tugon ni Simone habang nakatingin pa rin sa TV screen. 
“Anyway. I just called to tell you that I’m pregnant.”
Biglang nawala ang atensyon ni Simone sa pinapanood. “Oh, my God!” bulalas niya. “Are you sure?” Noong nakaraang buwan pa inakala ng kaibigan niya na nagdadalang-tao ito subalit nang mag-pregnancy test ito ay nagkamali pala ng akala.
“Yes. Nagpunta na kami ni Will sa ob-gyn kanina. I’m two weeks pregnant. Magiging mommy na ako,sis!”
“I’m so happy for you, sis. Basta, ninang ako n’yan, ha?”
“Oo naman.” Nagkuwento pa si Margaux sa nakatutuwang naging reaksiyon ng mga magulang nito at ng pamilya ni Will nang sabihin ng dalawa ang magandang balita.
Pagkatapos ay muling nabaling ang atensiyon ni Simone sa TV nang i-flash ang mukha ni Chad. Tumahimik din si Margaux sa kabilang linya. Muli palang nag-commit ng foul si Chad dahilan upang ilabas ito ng laro. Pang-apat na foul na iyon ng binata sa kalagitnaan pa lang ng second quarter, at apat na puntos pa lang ang naiaambag nito sa team.
“Ano ba talagang nangyari? Hindi ako naniniwalang hindi mo alam kung bakit ganyan ang attitude ni Chad ngayon, eh, halos hindi na nga kayo naghihiwalay ‘di ba?” sabi ni Margaux nang muling magsalita.
Hindi umimik si Simone.
“It seems you really pissed him off. Kung talagang hindi kayo nag-away, ‘di ba dapat nanonood ka sa Arena ngayon dahil wala ka namang event? Eh, bakit nandiyan ka sa bahay mo ngayon?” patuloy pa ni Margaux.
“I’m resting,” pagdadahilan niya.
Hindi nagtagal ay natapos na ang first half; lamang nang walong puntos ang kalabang koponan ng Energy Lightnings. Nagpaalam na rin si Margaux pero bago tuluyang nawala sa kabilang linya ay nagbilin pa sa kanya.  
“Next time, huwag mong gagalitin si Chad o kahit na sinong player before the game dahil magta-translate iyon sa laro.”
Napapaisip na sumandal si Simone sa kinauupuan habang nakatingin  sa TV.Siya nga ba talaga ang dahilan kung bakit umaakto ng ganoon si Chad?Minsan na silang nag-away ni James noon isang oras bago ang game ng team nito pero hindi naman naapektuhan ang laro ng dating nobyo, bagkus ito pa nga ang nagpanalo sa team. Maliban na lang kung sa una pa lang ay hindi na talaga siya ganoon kahalaga kay James. Pero naramdaman din naman niya minahal siya ni James. Hindi naman siguro siya nito aalukin ng kasal kung hindi.
Ngunit hindi pa niya maiwasan ni Simone na manibago kay Chad. Hindi pa man ganoon katagal siyang sumusubaybay sa laro ng binata, alam niyang ibang-iba ang laro nito nang gabing iyon. Halatang mainit ang ulo nito at tila gigil na gigil na maka-score. Hindi tuloy niya maiwasang mag-isip kung may kinalaman ba sa huling pag-uusap nila ang ikinikilos ng binata.
Noong isang gabi,mula sa MOA Arena ay dumeretso na sila ng uwi. Hindi natuloy ang plano ni Simone na sagutin si Chad nang gabing iyon dahil sa nangyaring pamba-bash sa kanya. Bigla ay naguluhan siya. Mahal niya si Chad pero kaya na ba niyang harapin ang kumplikadong buhay nito sa oras na tanggapin niya ito nang tuluyan sa kanyang buhay?
At kagabi, nagpumilit si Chad na sunduin siya sa trabaho kahit nauna na siyang tumanggi. Kaya naman niyang umuwi nang mag-isa at past midnight na matatapos ang trabaho niya at alam niyang may early practice pa ito. Mainit ang kanyang ulo nang gabing iyon. Nagkaproblema kasi ang soundsystem sa event at dahil siya ang nag-iisang host, ang trabaho niya ang pinakanaapektuhan. Halos walang nakakaintindi sa mga sinasabi niya dahil sa palpak na speakers. Ni wala pang nakahandang lapel kung sakaling magkaproblema sa sound system. 
Sa inis ay ipinangako ni Simone sa na iyon na ang una at huling pagkakataon na makikipag-transact siya sa organizer ng event. Halata kasing tinipid nito nang husto ang budget dahil pipitsuging audio and video provider ang kinontrata. Idagdag pa na binarat-barat nito pa nito ang kanyang fee.
Kaya naman nang puntahan niya si Chad sa parking lot ng venue pagkatapos ng kanyang trabaho, sa unang pagkakataon ay hindi niya na-appreciate ang effort at concern nito.
“You can’t do this again, Chad,” sabi niya nang huminto ang kotse nito sa tapat ng gate ng kanyang apartment.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” nakakunot ang noong tanong nito.
“Stop picking me up wherever I am. Stop being nice to me. Gusto ko nang bumalik sa dating routine ang buhay ko.”
Rumehistro ang pagkagulat sa mukha ni Chad. “Nakakaabala na ba ako sa ‘yo?”
“No. Pero ako ang nakakaabala sa ‘yo. Lagi kang napupuyat at napapagod nang dahil sa akin. At hindi na tama ‘yon.”
“Pero gusto ko ang ginagawa ko, Simone.”
Umiling siya. “Never again, Chad.” Iyon lang at bumaba na siya sa kotse.
Mula nga kaninang umaga ay hindi na siya pinuntahan ni Chad. Hindi rin ito nagte-text o tumatawag bilang pagsunod sa sinabi niya.Pinagsisihan din niya kaagad ang nasabi. She really did not mean what she said. She loved him. Sa palagay niya ay mas mahihirapan na siyang mag-move on kung mawawala si Chad sa buhay niya. Nakahanda na siyang tanggapin ang buong pagkatao nito. Wala siyang pakialam sa sasabihin ng iba o kung makatanggap na naman siya ng pamimintas. Ang mahalaga lang ay mahal siya ni Chad. Naniniwala siya na ibang-iba si Chad kay James at ipaglalaban siya nito ano man ang mangyari.
Pinlano ni Simone na humingi ng sorry sa binata ngunit nagdesisyon siyang gawin iyon pagkatapos ng championship series. Gusto muna kasi niyang magkapag-focus si Chad sa mga laro nito. Makapaghihintay pa naman siya.
Muling ibinuhos ni Simone ang atensiyon sa panonood nang magsimula ang third quarter. Kalagitnaan na ng fourth quarter nang ibinalik sa game si Chad. Tambak na ang team nito ng sampung puntos at mas sumama ang laro ng binata. Kaagad nitong hinahagis ang bola sa ring sa bawat pasa ng teammates nito ngunit lagi namang sumasablay ang mga tira ng binata. Nadagdagan pa ang foul ni Chad at naging labinlimang puntos ang lamang ng kalaban.
Hindi nagtagal ay muling lumabas ng court si Chad pagtapos itong tawagan ng referee sa ika-anim na foul. Chad was officially out of the game. Nasundan pa ng camera ang pagdadabog nito habang papunta sa bench ng Lightnings. 
Ilang sandali pa ay ideneklara nang panalo ang kalabang team ng Energy Lightnings pagkatapos lumamang ng twenty-two points. One-one na ang standing ng dalawang team sa finals.

“AKALA ko ba hindi ka mahilig sa basketball. Bakit nanonood ka ngayon dito?”
          Mula sa panonood sa TV ng restaurant ay nagbaling ng tingin si Simone sa daddy niya nang marinig ang tanong nito. Hindi pa nag-uumpisa ang game four. Kasalukuyan pa lang nire-review ng PBA commentators ang nakaraang dalawang huling laban ng magkalabang koponan subalit nakaabang na siya. She wanted to support Energy Lightnings by watching the game and praying for the team.
Walang trabaho si Simone nang gabing iyon kaya gaya ng dati ay tumambay siya sa restaurant upang malibang. Dahil minu-minuto na lang kasi yatang sumasagi sa isip niya si Chad. She missed him. Limang araw na itong hindi nagpaparamdam sa kanya. Kaninang tanghali, bago umalis ng bahay ay nagdesisyon na siyang humingi ng sorry sa binata dahil hindi na niya kayang maghintay pa ng ilang araw at tapusin ang championship series.
Subalit lumipas ang ilang minuto at medyo nanakit na ang kanyang daliri sa kakapindot ng buzzer sa labas ng gate ngunit walang Chad na lumabas. Saradong-sarado rin ang bahay na tila walang tao pero naroon naman sa garahe ang sasakyan ng binata. Nang mapatingin siya sa plate number ng sasakyan ay saka lang niya naalalang coding si Chad nang araw na iyon kaya natural lang na iwan nito ang sasakyan.
Napabuntong-hininga si Simone at nagpasya nang umalis. She could text or call Chad to apologize but they should talk personally. Hihintayin na lang niya ang pag-uwi nito mamayang gabi.
“Si Chad lang at ang team niya ang pinapanood ko, Daddy,” tugon ni Simone.
Tumaas ang isang sulok ng mga labi ng kanyang ama. Humila ito ng silya at umupo sa tapat niya. “Sinagot mo na ba siya?” tanong nito.
“Hindi pa po. But he's nice and you like him for me naman, ‘di ba?” lakas-loob na tanong niya.
Ngumiti ang daddy niya. “Kailan ba ako tumutol sa mga lalaking nagugustuhan mo?” balik na tanong nito. “I always trust your judgement, Simone. You had failed relationships before, but maybe it's because those men were really not meant for you. Sana lang this time, si Chad na nga ang lalaking nakalaan sa ‘yo.”
Ngumiti siya. “Sana nga po, Daddy.”
Ibinaling na ni Simone ang tingin sa TV. Nag-uumpisa na ang live telecast ng PBA. Napakunot–noo siya nang makitang wala sa first five si Chad. Kaagad ay nanibago siya. Mula kasi nang manood siya ng game ng Lightnings ay lagi itong nasa starters si Chad.
Baka naman may bagong game plan si Coach Ryan. Malamang ipapasok si Chad sa huling dalawang minuto ng first quarter at isasabay sa second unit ng team na siyang laging rotation ng players ng premyadong coach.
Muling nagtaka si Simone nang isang minuto na lang ang natitira sa first quarter ay hindi pa rin pinapasok sa game si Chad. Kasalukuyan na ring naglalaro ang second unit ng team. Hindi rin niya  nakikita si Chad sa screen tuwing dinaraanan ng camera ang bench ng Lightnings.
“Bakit wala yata si Chad?” nagtataka ring tanong ng daddy niya.
Noon umere ang boses ng babaeng courtside reporter. “Chad Esquivel is suffering from back spasm na lumala dahil sa practice nila kahapon.
He didn’t even make it here to support the team.” 
Oh my God! Pinanlamigan si Simone ng katawan sa narinig. Tumayo siya at kinuha ang bag. Halos hindi na siya nakapagpaalam nang maayos sa daddy niya. Nilisan  niya ang restaurant at nagmamadaling umuwi.  

Each Day With You - Published under PHRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon