NAKAKAILANG pindot na si Simone sa labas ng gate ng bahay ni Chad ngunit hindi pa rin ito lumalabas. Sigurado siyang naroon ang lalaki dahil nakaparada sa labas ng gate ang kotse nito. May ibibigay lang naman siya kaya niya ito iistorbuhin.
Kagagaling lang ni Simone sa restaurant ng daddy niya. Minabuti niyang dalhin na lang doon ang sangkaterbang gulay na ibinigay sa kanya ni Chad kahapon upang i-share sa daddy niya na mahilig din sa gulay. Naisipan niyang mag-bake ng eggplant casserole nang makakita ng cheese sa kusina ng restaurant. Nag-uwi siya para kay Chad bilang pasasalamat sa pagbibigay nito ulam at mga gulay sa kanya. Sinamahan niya iyon ng braised beef noodles na isa sa mga nagustuhan nito sa menu ng Mr. Chen.
Napabuntong-hininga si Simone nang mapagtantong kaya hindi naririnig ni Chad ang pagba-buzzer niya ay dahil sa malakas na tugtog ng stereo sa sala. Nagdesisyon siyang sa back door na lang ito katukin. Pumasok na siya sa kanyang unit. Ibinaba muna niya ang bag sa sofa bago nagtungo sa kusina at lumabas ng back door.
Nakakatatlong katok pa lang si Simone sa back door ay bumukas na ang pinto. Nahigit niya hininga nang muling makita ang magandang katawan ni Chad na ilang dangkal lang ang layo sa kanya. Hubad-baro ito at natatakpan lamang ng tuwalya ang ibabang bahagi ng katawan. Halatang kagagaling lang nito sa shower dahil bahagya pang tumutulo ang buhok.
“Hi!” nakangiting sabi nito. “Ikaw ba ‘yong nagba-buzzer sa labas kanina?”
“Y-yes,” kandautal pa niyang sagot.
“Sorry. Nagsha-shower kasi ako kaya hindi ko gaanong narinig.” Nilakihan nito ang pagkakabukas ng pinto. “Pasok ka na lang. Magbibihis lang ako sandali.”
Sasabihin sana ni Simone na may ibibigay lang siya subalit kaagad na siyang iniwan ni Chad. Ilang sandaling nagdalawang-isip muna siya bago sinunod ang sinabi nito.
Nagulat siya nang bumungad sa kanya ang maganda at malinis na kusina. Nangingintab ang mga tiles sa lababo at sa sahig. Halatang mahilig magluto ang nakatira roon dahil halos kumpleto ang
mga kitchen equipments na naka-display. Karugtong ng kitchen ang dining area.
Ipinatong muna niya ang dalang
paper bag na kinalalagyan ng mga pagkain sa dining table at naglakad patungo sa pasilyo. Sa gitna ng pasilyo ay may isang pinto na nasisiguro niyang banyo. Naglakad pa siya hanggang sa makarating sa gilid ng hagdan patungo sa second floor. Sa ilalim niyon ay may isang pinto na baka guest room o entertainment room.
Nagtuloy-tuloy pa si Simone hanggang sa makarating sa living room. Impressed na inilibot niya ang tingin sa paligid. Malinis at maaliwalas kasi ang paligid at wala rin siyang nakitang ano mang gamit na nakakalat. Halatang lalaki ang nakatira doon dahil walang anumang abubot at puro puti at itim ang kulay ng buong unit. Bukod sa sala set, TV set, CD at DVD rack na punong-puno nang halo-halong bala at stereo na nasa isang sulok, tanging isang malaking closet na may salamin na kinalalagyan ng trophies at plaques ang makikita roon.
Nakatayo si Simone sa harap ng closet at tinitingnan ang mga trophy ni Chad nang maramdaman ang pagbaba nito ng hagdanan. Nilinga niya ito. Nakasuot na ng shorts at simpleng T-shirt ang binata at maayos na nakasuklay ang buhok. Amoy na amoy pa niya ang sabong pampaligo na ginamit nito.
“Sorry for making you wait,” sabi nito habang bumababa ng hagdan.
“It’s okay. Dinalhan lang kita ng eggplant casserole at braised beef noodles na galing sa resto ni Daddy. ”
“Really? Tamang-tama, hindi pa ako nagme-merienda.” Nang makababa ng hagdan ay dere-deretso si Chad na naglakad patungo sa kusina. Napasunod na lang si Simone.
Kaagad na binuksan ng binata dala niyang paper bag. “Ang bago naman. Thank you!” nakangiting sabi nito.
“You’re welcome,” nakangiti ring tugon niya. “Anyway, I have to go.” Humakbang na siya patungo sa pinto.
“Huh? Hindi mo ba ako sasaluhan?” halatang disappointed na sabi nito.
“No. Para sa ‘yo talaga ‘yan.”
“Pero puwede bang dito ka muna? Kuwentuhan muna tayo.”
Bahagyang tumaas ang isang kilay ni Simone. Hindi niya akalain na may-kakulitan din pala ang lalaki. “May gagawin pa kasi ako,” aniya at hinila na pabukas ang pinto.
“All right. Pero dadalhan kita ng dinner mamaya, in return for these,” sabi ni Chad at iniangat pa ang hawak na paper bag.
“Okay,” sabi agad ni Simone.May hinala kasi siyang magpupumilit pa rin ang kahit na tumanggi siya. Itinuloy na niya ang paglabas ng pinto at walang lingon-likod na naglakad pauwi sa kanyang apartment.
BINABASA MO ANG
Each Day With You - Published under PHR
RomanceMayabang man ang unang naging impresyon ni Simone sa sikat na basketball player na si Chad Esquivel, nagbago iyon nang maging landlord niya ang binata at makilala ito nang lubusan. Bukod sa guwapo ay napakabait pala nito, dahilan para magkalapit sil...