Chapter Ten

2.7K 64 0
                                    


“How ARE you feeling, sis? Bakit ngayon mo lang ako tinawagan, eh, kahapon ka pa pala rito,” naninising sabi ni Margaux nang puntahan siya sa ospital.
Noong isang gabi pa masama ang pakiramdam ni Simone. Mabuti na lamang at nairaos niya ang kanyang hosting stint kahit sinisipon at nilalagnat siya. Madaling araw na nang makauwi siya at nang magising kinahapunan ay lalong sumama ang kanyang pakiramdam. Nanlalambot na pinilit niyang bumangon upang kumain at makainom ng gamot ngunit pagtayo ay nakaramdam siya ng pagkahilo at nagdalim na sa kanya ang lahat.
Gabi na nang magising siya at nasa private room ng isang ospital. Namulatan niyang nakatunghay sa kanya si Chad habang hawak ang isang kamay niya.
“Nakarinig ako ng ingay sa bahay mo. Nag-alala ako na baka may nangyaring masama sa ‘yo kaya pumasok na ako. Unconscious ka nang makita kita sa room mo kaya dinala na kita rito,” paliwanag nito kung paano siya napunta roon sa ospital.
Hindi nakuha ni Simone na magalit kay Chad sa pagpasok sa kanyang bahay nang walang permiso. He was actually saved her life. Paano na lang kung hindi ito dumating? Baka may mas masama pang nangyari sa kanya. She had the flu and was dehydrated, according to her doctor. Nang sabihin ni Chad na tatawagan nito ang kanyang pamilya ay tumanggi si Simone. Nasa out-of-town show si Adam at isinama pa nito ang hipag niya. At ang daddy niya naman ay siguradong pagod na sa maghapong pagtatrabaho sa restaurant. Siguradong papagalitan din siya ng ama sa oras na malaman nito ang nangyari sa kanya. Saka na lang niya sasabihin sa ama at kapatid ang nangyari kapag nakalabas na siya ng ospital. Sinabi niyang si Margaux na lang ang tawagan pero si Chad naman ang tumanggi.
“Baka nagpapahinga na sila ni Will. Let’s call them tomorrow morning, Nandito naman ako para magbantay sa ‘yo,” sabi nito habang hawak ang kanyang kamay.
“Pero may game ka pa bukas.”
“It’s okay. I can rest in the morning. Gabi pa naman ang game namin.” 
“Thank you,” nasabi na lang niya.
Magdamag siyang binantayan ni Chad. Ni hindi yata ito umidlip man lang dahil tuwing magigising siya kapag nagra-rounds ang mga nurse ay gising ang binata. She loved his presence. She let him hold her hand as he wanted. Na-realize niyang na-miss niya ang pakiramdam ng inaalagaan.
Pagkatapos ng halos beinte-kuwatro oras na pananatili sa ospital ay nawala na ang lagnat ni Simone at bumuti na ang kanyang pakiramdam.
“Okay na ako. Sabi ng doktor, idi-discharge n’ya na rin ako mamaya. Kasama ko naman si Chad kaya hindi na kita tinawagan,” tugon niya kay Margaux habang nakasandal sa headboard ng hospital bed at kumakain ng dala nitong prutas.
Sandaling napakunot-noo si Margaux, pagkatapos ay nanunukso ang ngiting tinitigan siya. “Hmm… so kayo na ni Chad?”
Natawa si Simone. “We’re just friends.”
“Friends? Eh, bakit parang iba yata ‘yong concern na ipinakita n’ya sa ‘yo. Tingnan mo nga buong magdamag ka niyang binantayan. Hindi ba siya nanliligaw sa ‘yo?”
Chad was courting her. Bukod sa pagbibigay ng bulaklak at pagkain sa kanya araw-araw ay mas naging attentive ito sa kanya. Gumagawa rin ito ng paraan upang maihatid at masundo siya sa trabaho. Ngunit sa halip na sabihin iyon kay Margaux ay ngumiti lang si Simone.
“Ang daya naman, ayaw talagang magkuwento.”
Muli ay ngumiti lang si Simone. Sabay silang magkaibigan na napatingin sa pinto nang may kumatok doon kasunod niyon ay ang pagsungaw ng mukha ni Chad.
“Aalis ka na?” tanong niya habang pumapasok ang binata. Lumabas ito kanina dahil may tinawagan.
“Oo,” nakangiting tugon nito.
“Thank you uli sa pagbabantay mo sa kaibigan ko, Chad," sabi ni Margaux. “Good luck sa game n’yo mamaya.”
“Thank you.”
Lumapit si Chad sa kabilang gilid ng hospital bed at hinawakan ang isang kamay ni Simone na tila nakasanayan na nitong gawin. “Text me kapag na-discharge ka na, ha? Pupuntahan na lang kita sa bahay mo after ng game namin.”
“Okay. Thank you uli, Chad. Good luck sa game."
Tumango ito. Sa pagkagilalas ni Simone at sa mismong harap ni Margaux, biglang yumuko si Chad at dinampian ng halik ang bahagyang nakaawang niyang mga labi.
Nang mag-angat si Chad ng ulo ay ngumiti lang ito at tuluyan nang lumabas ng silid. Ramdam pa ni Simone ang pamumula ng mga pisngi nang tumingin siya kay Margaux.
“So?” kinikilig na tanong nito.
Napabuntong-hininga siya at nagsimulang magkuwento sa kaibigan.

Each Day With You - Published under PHRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon