Inoobserbahan ni Josef ang paligid. Tahimik at wala siyang nakikitang tao. Maraming pasilyong maaaring likuan sa pinanggalingan nila. May kanya-kanya ring sign sa bawat kanto kung ano ang pasilidad sa bahaging iyon. Mukhang tipikal na floor ng ospital. Napapaisip siya kung nasaan ang mga doktor o kaya nurse na naroon. Wala man lang kahit na isang Ranker siyang namamataan kahit nakakatatlong liko na sila ni Jocas. Tiningnan niya ang sariling suot pati na ang sa asawa.
"Alam mo ba kung saan tayo makakakuha ng damit?" tanong pa ni Josef. Lalo pa't ramdam niya ang napakalamig na puting tiles ng sahig ng treatment center.
Tumango naman si Jocas. "Doon tayo sa baba pupunta."
Sa wakas ay nakita na niya ang isang exit sign pagkaliko na naman nila ng kasama niya sa kaliwa.
"Bakit nga pala tayo bababa?" tanong ni Josef at mabilis na tinungo ang metal na pinto para buksan. "Di ba, dapat aakyat tayo?"
Binuksan ni Josef ang nakasarang pinto ng emergency exit at saka sila bumaba sa hagdanan, ayon na rin sa utos ni Jocas.
"Hanggang 7B lang puwedeng pumunta ang mga Ranker dahil hanggang doon lang ang mga opisina ng bawat team. Kaya baka napansin mong walang tao sa treatment center, nasa 8B kasi tayo," sagot naman ni Jocas. "Galing tayo sa ICU. Hindi nila pinapatapak sa loob ang mga Ranker hangga't walang order galing sa OIC o sa mga official ng main building. Nasa kabilang direction ang nurse station kaya hindi tayo dumaan doon."
Napatango na lang doon si Josef at hindi maiwasang mapabilib kay Jocas. Mukhang alam na alam nito ang ginagawa at sinasabi. Gusto niyang matawa nang maalalang halos mag-panic si Jin noong huli niya itong makasamang tumakas.
"Mortuary, floor 9B," turo ni Jocas sa nakasarang pinto pagbaba nila sa panibagong floor. "Sa ilalim nito, yung 10B and 11B. Stock room 'yon ng HQ kaya tayo bababa."
Patuloy si Jocas sa pagbaba at nakasunod lang si Josef. Para itong batang itinu-tour siya sa isang magandang lugar—bagay na hindi gagawin ng kahit sinong nasa hindi magandang sitwasyon gaya nila.
Tahimik na lang silang bumaba hanggang makaabot sa 10B. Sapilitang binuksan ni Josef ang pinto ng emergency exit at saka sinilip ang paligid.
"May mga camera sa paligid. Hindi ba nila tayo makikita?" nag-aalalang tanong ni Josef.
"Okay lang 'yon, Josef. Makikita nila tayo pero hindi agad sila makakababa." Ngumiti lang si Jocas at nag-thumbs up.
Hindi gaya sa itaas ay mahahalatang bodega na nga ang loob ng floor na iyon. Masyado iyong malawak at mataas para sa isang underground floor. Napapansin na rin ni Josef na numinipis ang hangin doon sa lugar. Nakakahinga pa naman sila nang maayos ngunit ramdam niya ang pagbigat ng paghinga.
"Maraming gamit dito," sabi pa ni Josef nang lakarin nila ang isang aisle na puro kuwartong salamin ang dingding. Lahat ng ilaw roon ay nakabukas. Nakalagay sa bawat dingding ang pangalan ng mga team na under ng MA: HQ branch.
Sinundan lang niya si Jocas hanggang sa makarating sila sa isang kuwartong nakalagay ang U sa dingding at Upsilon naman ang nakalagay na sign sa pinto.
"Member ka ba ng Upsilon?" tanong ni Josef nang pasukin nila ang loob ng silid na iyon.
Ngumiti lang nang matamis sa kanya si Jocas. "Dati akong commander ng Upsilon bago tayo magpakasal."
Agad na tumaas ang magkabilang kilay ni Josef sa sagot ng asawa niya. Maliban pa sa pagiging miyembro nito ng Elites, isa rin pala itong commander.
"Si RYJO . . . commander?"
"Si RYJO ang member ng Elites. Ako ang commander ng Upsilon. May kanya-kanya kaming trabaho."
BINABASA MO ANG
Project RYJO 3: The Foxy Slayer
ActionIsang all-out war ang dineklara ni RYJO laban sa Superiors at sa Criminel Credo dahilan para makilala na ng lahat kung sino talaga ang pinakasikat na Slayer na kinatatakutan ng lahat ng associations. Anong mangyayari sa Meurtrier Assemblage, kay Raz...