5: The Psycho

1.7K 126 8
                                    


Inoobserbahan ni Mephist ang reaksyon ni Jin. Nakatulala na naman ito sa kung saan. Alam niyang magbabago na naman ang pagkatao nito kapag natutulala ito.

Pumaling sa kanan ang ulo ng babae at bigla itong sumandal sa upuan. Nagbagong bigla ang tingin nito at biglang tumalim habang nakataas ang kaliwang kilay. Nakataas din ang kanang dulo ng labi at bahagyang nakangisi nang magsalubong ang tingin nila ni Mephist.

"Me . . . phis . . . to . . . phe . . . les," pagbabaybay ng babae sa pangalan ng kaharap. "Long time no see."

Inangat lang ni Mephist ang mukha niya at pababang tiningnan ang kausap upang sukatin ito ng tingin. "Erah."

"Oohh. I really love it when you call me on my real name."

Yumuko na lang si Mephist at lalo pang naging seryoso ang mukha. Sinilip niya ang relo at wala na sa mood na nagsalita. "Malaki na ang problema ng lugar na 'to. 'Wag mo nang dagdagan pa."

"Dagdagan?" Natawa nang mahina si Erah. "Wala pa nga akong ginagawa. Bakit ba parang takot na takot kayo sa 'kin? Nagpapakabait naman ako a?" Tumayo siya at hinawakan niya ang baba ni Mephist upang iangat ang mukha nito. "Don't worry, makikipag-cooperate ako nang maayos." Muli na naman siyang ngumisi at halatang may masamang balak bago tiningnan ang paligid.

Tinabig agad ni Mephist ang kamay ni Erah at hinigit ang pulsuhan nito. Mabigat ang tinig niya nang magsalita. "Wala akong tiwala sa 'yo. Malamang, hindi ka pa man nakakalayo diyan sa inuupuan mo, may mapapatay ka na agad."

Natawa si Erah. "You knew me well. Good for you."

Tinitigan ni Erajin nang diretso sa mata si Mephist dahilan para magkaroon ito ng pagkakataon para patulugin siya.

"Erah, sleep."

Snap!

Ang kaso . . .

"I'm sorry, my dear. Hindi kasingkitid ng utak nila ang utak ko." Binawi niya agad ang kamay at siya naman ang kumuha ng pulsuhan ng lalaki saka ibinagsak sa mesa ang halos buong braso nito. "Saka mo na gamitin 'yang kalokohan mo kapag si Jocas o kaya si Jin na ang nasa katawang 'to, hmm?" Kinuha niya ang tinidor na nasa mesa at ibinaon sa manggas ng damit ng lalaki bilang pagbabanta at pagpigil dito.

Umalis na agad siya sa inuupuan palabas ng mess hall.

"Erah!" sigaw ni Mephist at pinilit na alisin ang tinidor na nakabaon sa manggas niya at sa mesa. "Erah, you're not helping!"

"Who said I will help?" sagot pa ni Erah habang lumalayo na sa pinanggalingang mesa.

Pinunit na lang ni Mephist ang damit dahil hindi na talaga niya matanggal mula sa pagkakabaon ang tinidor. Mabilis niyang hinabol ang babae para pigilan ito.

"Erah!" Kinabig niya agad ang kanang braso nito para paharapin sa kanya. "Hindi na maganda ang lagay ngayon ng HQ."

Tinaasan lang iyon ng kilay ni Erah. "Ano ngayon?"

Bumakas ang pagkadismaya at pagkalito sa mukha ni Mephist kahit pa inaasahan na niya ang ganoon sa babae. "Wala ka ba talagang pakialam?"

"Wala," simpleng tugon ni Erah at ipinorma nang diretso ang kanang hintuturo at hinlalato. Itusok niya iyon sa kanang balikat ni Mephist kasunod ay binira niya ng palad ang dibdib nito.

Nabitiwan siya ni Mephist at agad itong bumagsak nang maparalisa ang itaas na katawan dahil sa ginawa niya.

"Magpasalamat ka dahil wala pa 'kong balak na patayin ka." Tiningnan niya ang paligid. Lahat ay nakatingin sa kanya. Taas-noo lang siyang tumalikod upang tunguhin ang daan palabas ng mess hall. Hindi niya pinansin ang mga Ranker at tuluyan na siyang tumungo papuntang lobby ng main building.

Project RYJO 3: The Foxy SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon