Chapter One

21.4K 190 3
                                    

"I LOVE YOU TOO, CHERRY."

Pagkasabi niyon ay pinagdaop ng lalaki ang mga kamay sa magkabilang pisngi ni Cherry saka direktang tinitigan siya. Kumabog nang malakas ang dibdib ni Cherry at maging ang mga tuhod niya ay bigla ring nanghina. He's the most breath-taking man she met in her entire life. Bahagyang singkit ang mga mata nito, makapal ang mga kilay, matangos ang ilong, bahagyang maluwang ang mapupulang labi, may nunal sa kanang bahagi ng pisngi, at may mustache at kaunting stubbles which she finds sexy. Gayundin ay matangkad ito at taglay ang pangangatawan ng isang atleta. He's so perfect in her eyes and all she wants to do that exact moment is to keep this man forever.

Napabuntong-hininga na lamang siya nang unti-unti nitong ilapit ang mukha sa kanyang mukha. Ito na ang sandaling pinakahihintay niya. Ikinawit niya ang magkabilang braso sa may leeg nito at pumikit habang hinihintay dumampi ang mga labi nito sa kanyang labi. Subalit bago pa man mangyari iyon ay isang malakas na hampas na sa kanyang nguso ang biglang gumising sa kanya. Pagmulat niya ay bumungad sa kanya ang kanyang Lola Naty. Sa kasamaang palad ay isang panaginip lamang pala ang lahat.

"Ang sakit naman no'n, Lola!" reklamo niya habang sapo ang nasaktang nguso. "Para saan naman po 'yon?"

"Nagtatanong ka pa, aba, tingnan mo nga kung anong oras na!" Napakamot siya ng ulo nang makitang pasado alas-nuebe na pala. "Aba, sumobrang ganda naman yata ng panaginip mo at nanunulis pa ang nguso mo."

Natigilan siya nang marinig ang sinabi nito. Sa isang iglap ay nanumbalik sa kanyang isip ang napanaginipan. Gayon na lamang ang panghihinayang na naramdaman niya nang maalala ang huling tagpo sa kanyang panaginip.

"Hala, sana hindi n'yo po muna ako ginising, Lola!" nagpapadyak siya dala ng labis na frustration. "Ang ganda ganda ng panaginip ko, eh!"

Ang gusto talaga niyang sabihin ay sana pinatapos muna ng kanyang lola ang kissing scene nila ng gwapong mama sa kanyang panaginip. Pero kahit hindi niya iyon direktang sinabi dito ay mukhang may hinala na talaga ito kung anong kanyang napanaginipan. Nakapameywang na pinandilatan siya nito.

"Cherry, ikaw ngang bata ka, eh, bawas-bawasan mo na ang kapapanood mo ng mga romantic movies ha? Nang dahil sa mga iyan ay nagiging marumi tuloy ang isip mo." ang pumapalatak na ipinahayag nito. "Sige na at bilisan mo na riyan, tapos sumunod ka sa akin sa kusina nang makakain na tayo." Pagkasabi niyon ay lumabas na ito ng kanyang kwarto.

Napanguso na lamang siya nang mawala na ito sa kanyang paningin. Ang KJ talaga ng Lola Naty niya kahit kailan. It's true na hilig niyang manood ng romantic movies at karamihan sa mga lead actors ng mga pelikulang iyon ay nagiging crush niya. Pati tuloy sa pagtulog ay nagiging laman ang mga ito ng kanyang panaginip. But the guy in her recent dream? Nasisigurado niyang hindi ito isa sa mga lead actors ng mga pelikulang iyon. Kaya nga nagtataka siya kung paano itong bigla na lamang lumitaw sa kanyang panaginip. Napangiti na naman siya nang muli niyang maalala kung gaano kabreath-taking ang hitsura nito. Sino kaya ito at bakit niya ito napanaginipan? Nang sandali ring iyon ay lihim niyang nahiling na sana totoong nag-e-exist ito at ito ang destiny niya.

NAG-IISANG anak lamang si Cherry. Labing-dalawang taong gulang pa lamang siya nang lumipad patungong Canada ang kanyang ama para magtrabaho doon. Nang makagraduate siya nang high school ay napilitan na ring sumunod doon ang kanyang ina para siguraduhing matutustusan ang lahat ng kanyang pangangailangan sa pagtuntong niya sa kolehiyo. Ihinabilin siya ng mga ito sa kanyang Lola Naty na lola niya sa mother side. Bukod kasi sa close siya rito ay wala nang iba pang maaaring kumupkop sa kanya dahil patay na ang mga nuno niya sa father side at ang iba naman nilang mga kamag-anak ay sa malalayong probinsya naninirahan. Natutuwa na rin siya na dito siya ihinabilin ng mga magulang pagkat alam niyang mahal na mahal siya nito. Nag-iisa na lamang ito sa buhay dahil matagal nang namatay ang kanyang lolo at lahat ng mga kapatid ng ina ay may sarili nang mga pamilya kaya kahit papaano ay gusto niya rin itong masubaybayan. Kahit dadalawa lamang silang nakatira sa bahay nito ay masaya pa rin siya sa piling ng matanda.

I'LL MAKE YOU FALL IN LOVE WITH ME (Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon