PABALIKWAS na bumangon si Cherry mula sa pagkakahiga sa kanyang kama. Buong araw na siyang nagkukulong sa kanyang kwarto. Iniisip niya ang ginawang pagtatapat ng damdamin sa doktor at ang paghingi ng permiso para makaakyat ng ligaw rito. Parang panaginip lang ang lahat at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na nagawa niya talaga iyon. Gano'n ba talaga kalakas ang tama niya rito na halos wala na siyang itirang kahit na kapurit na kahihiyan sa katawan para lamang mapalapit siya nang tuluyan rito? Na-pu-frustrate na sinabunutan niya ang sarili saka muling humiga sa kanyang kama. Napabuga siya ng hangin habang tulalang nakamasid sa kisame ng kanyang kwarto.
"Ginusto mo 'yan kaya panindigan mo 'yan, Cherry!" ang sabi niya sa sarili. Sa puntong iyon ay biglang bumukas ang pinto at sumungaw sa siwang niyon ang kanyang Lola Naty. Sa gulat ay pabalikwas na muli siyang napabangon mula sa kama. Sapo ang dibdib na hinarap niya ito. "Ginulat mo naman ako, Lola!"
Subalit hindi siya nito pinansin at sa halip ay dire-diretso itong lumapit sa kanya at piningot ang kanyang tenga.
"Hoy, Cherry, baka akala mo ay nakalimutan ko nang may dapat ka pang ipaliwanag sa akin!" ang sikmat nito. "Hindi mo ako matatakasan kahit maghapon ka pang magkulong dito sa kwarto mo, tandaan mo 'yan!"
"Ang sakit naman no'n, Lola!" ang reklamo niya habang hinihimas-himas ang nasaktang tenga. "Hindi ko naman po kayo pinagtataguan, eh,"
Nanatiling salubong ang mga kilay nito habang nakatitig sa kanya. Nameywang pa ito kaya mas lalong naging nakakasindak ang hitsura nito. Kilala niya ang anyong iyon ng kanyang lola. Alam niyang hindi na siya basta-basta makakalusot rito.
"Wag mo na ngang subuking bilugin ang ulo ko!" ang bwelta nito. "Ano talagang totoo?" pag-iinterogate nito sa kanya. "Sino ang pinupuntahan mo sa bayan?!"
Sandali siyang natigilan at hindi agad nagawang tumugon rito. Nagdadalawang-isip siya at nahihiya na aminin rito ang mga kalokohang pinaggagagawa para lamang mapalapit sa doktor. Pero sa huli ay narealized niyang hindi niya magagawang itago rito habang-buhay ang totoo. Nakagat niya ang lower lip niya at saka humugot nang isang malalim na buntong-hininga.
"Naalala n'yo po 'yong doktor na tumingin sa inyo no'ng medical mission, Lola?" tukoy niya kay Atom. "Gustong-gusto ko po siya." hayagang pagtatapat niya ng damdamin dito. "Okay lang po ba sa inyo kung umakyat ako ng ligaw sa kanya?"
PINAGMASDAN ni Cherry ang kaibigang si Erika habang iniisahang lagok nito ang natitirang laman ng hawak na coke in can. Nabigla yata itong masyado sa kanyang mga ikinuwento kaya gano'n ang naging reaksyon nito. Kahit nga ang Lola Naty niya ay halos himatayin rin nang sabihin niya rito ang planong panliligaw sa doktor. Sangkaterbang sermon ang inabot niya rito bagaman wala rin itong nagawa nang manindigan siya sa ibig mangyari. Sa huli ay isang paalala na lamang ang nagawang iwanan nito sa kanya. Ang sabi nito ay siya raw ang siyang responsable sa kanyang mga desisyon at ano man daw ang kahinatnan noon ay dapat niyang tanggapin nang maluwag sa kanyang dibdib.
"Nakakaloka ka, friend!" ang ipinahayag ni Erika makalipas ang ilang sandali. "Mabuti at hindi ka ipinadala sa mental institution ng Dr. Aurelio na 'yan!" napapalatak pa ito. "So, tuloy na tuloy na nga talaga ang pag-akyat mo ng ligaw sa kanya?"
"Oo, wala nang atrasan 'to, Erika." ang kanyang tugon. "Kung 'yon lang ba ang paraan para talagang makuha ko ang puso niya, eh."
"Pa'no ka naman nakasiguro, aber?" taas-kilay na tanong nito sa kanya. "Base sa kwento mo, umpisa palang, diniscourage ka na agad niya sa gusto mong mangyari."
Sandali siyang natigilan nang maalala kung paano siya diniscourage ng binata nang huli silang magkausap. Nakaramdam din siya ng kawalan ng pag-asa nang mga sandaling iyon pero mas nanaig ang kagustuhan niyang subukan. Kahit naman anong pagkadisgusto mo sa isang tao basta't nakilala mo na kung sino talaga ito ay nagbabago ang nararamdaman mo para dito. Gayundin ang naisip niyang paraan para makuha ang loob ni Atom. Gusto niya lang magpakatotoo sa harap nito hanggang sa matutunan nitong mahalin ang totoong siya. Naniniwala at nananalig siyang mangyayari iyon.
BINABASA MO ANG
I'LL MAKE YOU FALL IN LOVE WITH ME (Published Under PHR)
Romance"Kung ayaw mo pala akong maging distraction, eh, di gawin mo na lang akong inspiration. Ano sa tingin mo?" Cherry dreamt that she was being kissed by a breathtaking Prince Charming. Dahil doon ay nahumaling siya sa ideya na baka ito ang lalaking nak...