NAKAGAT ni Cherry ang kanyang pang-ibabang labi nang maabutan ang kanyang Lola Naty sa bungad ng pinto pagdating niya. Nakapameywang ito at salubong na salubong ang mga kilay habang matamang nakatitig sa kanya. Ito ang unang pagkakataon na hindi siya sa kanilang bahay nagpalipas ng gabi at alam niyang kahit na ipinaalam pa niya rito ang tungkol sa bagay na iyon ay sandakmak pa ring sermon ang aabutin niya rito. Napapalunok na ihinakbang niya ang mga paa palapit dito kahit pa tila ayaw gumalaw nang mga iyon.
"Hola, buenas dias!" dinaan niya nalang sa panggugulat ang kabang nararamdaman. "Mano nga po sa pinakamagadang lola sa balat ng planet earth, oh!"
Subalit sa halip na iabot sa kanya ang kamay ay ipiningot nito iyon sa kanyang tenga. "Ako nga ay lubayan mo sa mga pakana mong ganyan, Cherry!" muli itong nameywang pagkatapos. "Sinong kakilala ang sinasabi mong tinuluyan mo kagabi ha?!"
"Ang sakit naman no'n, Lola!" reklamo niya habang hinihimas-himas ang nasaktang tenga. "Huwag na po kayong magalit, safe naman po akong nakauwi, di ba?"
"Heh! Huwag mo ngang binabago ang usapan!" ang sikmat nito sa kanya. "Ang tinatanong ko, sino yung kakilala mong tinuluyan mo kagabi?!"
Napakamot siya ng ulo pagkat hindi niya malaman kung anong sasabihin rito. Kahit na magsinungaling pa siya at sabihin niyang kina Erika siya tumuloy ay paniguradong mabibisto at mabibisto pa rin siya nito dahil uusisain nito ang kaibigan pag nagpunta ito sa kanila. Kapag nagsabi naman siya ng totoo at inamin niyang kina Atom siya tumuloy ay baka hambalusin siya nito ng walis tambo maghapon.
"Hoy, Cherry!" untag nito sa kanya saka pabiglang sinundot ang kanyang tagiliran kung saan malakas ang kiliti niya. "Tinatanong kita kaya sumagot ka!"
Sa pagkagulat ay nadulas tuloy siya. "S-Sa bahay po ni Doktor Aurelio!" nanlalaki ang mga matang natutop niya ang sariling bibig nang marealized kung anong sinabi.
Nanlaki rin ang mga mata nito nang marinig iyon. Makailang beses nitong tinangkang ibuka ang bibig ngunit napipigilan pagkat hindi malaman kung anong sasabihin. Pati ang butas ng ilong nito ay nanlalaki rin at tila ibig umusok.
"Wait Lola, kalma, okay?" pangunguna na niya rito. "Totoo pong doon ako natulog kagabi, pero maski tamaan man po ako ng kidlat ngayon, wala pong milagrong naganap sa amin gaya nang iniisip ninyo." itinaas pa niya ang kanang kamay. "Promise po talaga."
Bahagya itong nakalmante sa kanyang tinuran. "Nagsasabi ka ba talaga nang totoo na bata ka ha?" binistahan siya nito mula ulo hanggang paa at inamoy-amoy pa.
"Maniwala po kayo sa akin, Lola. Wala po talaga." ang kanyang ipinahayag. "At saka, nakita n'yo naman na po si Doktor Aurelio, diba? Sa tingin n'yo po ba ay gagawan ako nang masama nang gwapong doktor na iyon?" Ako pa nga po ang nakaisip gumawa sa kanya nang masama, eh! Ngalingaling na idugtong niya kung hindi lang niya inaalalang baka ibaon siya nang buhay ng kanyang Lola Naty.
"Alam ko naman 'yon." Nagbuga ito ng hangin. "Unang kita ko palang talaga sa doktor na 'yon ay nasigurado ko nang mabuti siyang tao."
Natigilan siya pagkat hindi niya inaasahang maririnig niya iyon sa kanyang Lola Naty. Nang mga panahong umamin siya rito na gusto niya ang doktor, kahit na sinermunan pa siya nito, wala siyang narinig na maski isang pintas sa binata. Kaya naman pala ay dahil boto rin ito sa naturang doktor.
"Ang inaalala ko lang naman ay ikaw, apo." ang ipinahayag nito. "Sa ginagawa mo kasi ay para ka na ring tumaya sa isang delikadong sugal." hinaplos-haplos nito ang kanyang buhok. "Walang kasiguraduhan kung mananalo ka gaya nang wala ring kasiguraduhan kung tutugunin niya ang damdamin mo para sa kanya."
BINABASA MO ANG
I'LL MAKE YOU FALL IN LOVE WITH ME (Published Under PHR)
Romance"Kung ayaw mo pala akong maging distraction, eh, di gawin mo na lang akong inspiration. Ano sa tingin mo?" Cherry dreamt that she was being kissed by a breathtaking Prince Charming. Dahil doon ay nahumaling siya sa ideya na baka ito ang lalaking nak...