"PASENSYA na pero wala si Dok ngayon, eh."
Nakaramdam ng panlulumo si Cherry pagkarinig niyon mula sa nurse na naabutan niya sa nurse station. Kaya naman pala namuti na at lahat ang kanyang mata sa paghihintay ay ni hindi niya nakita maski ang anino ng binata. Nanghinayang siya pagkat pinagdalhan pa naman niya ito ng kare-kare na luto ng kanyang Lola Naty.
"Nurse, di ba hindi niya naman day off ngayon?" lakas-loob niyang apela sa nurse dahil alam niya ang schedule nito. "Bakit hindi siya pumasok?"
"Di ako sigurado, miss, eh." ang ipinahayag nito. "Naipit yata ng traffic si Dok kaya hindi siya makakapasok ngayon, eh."
Napalabi siya sa sinasabing dahilan nito kung bakit wala nang araw na iyon sa hospital ang doktor. Natrauma na yata ito sa kanya at pinagtataguan na siya ngayon. Di kalaunaan ay napansin niyang bumakas ang pagtataka sa mukha ang nurse habang pinagmamasdan niya.
"Bakit mo pala hinahanap si Dok Aurelio, Miss?" ang kunot-noong tanong nito sa kanya. "Mayro'n ka bang check up sa kanya ngayon?"
Natigilan siya at hindi kaagad nagawang tumugon sa tanong nito. Nakagat niya ang lower lip niya pagkat hindi niya mahagilap ang isasagot dito. She was torn kung sasabihin ba niya ang totoong pakay sa binata o magdadahilan na lamang dito.
"O-Oo, may check-up ako sa kanya," aniya na piniling panindigan ang naunang hinala nito sa kanya. "Sayang nga, eh, wala pala siya."
"Ah, gano'n ba," napatango-tango ito. "Naitanong ko lang kasi madalas kitang makita dito sa hospital. " ang komento nito. "Ang akala ko ay isa ka rin sa mga babaeng nahumaling sa charms niya."
Para siyang binuhusan nang malamig na tubig sa mukha sa narinig na sinabi nito. "A-Anong ibig mong sabihin, Nurse?" di niya naiwasang hindi mag-usisa.
"Hearthrob 'yang si Doctor Aurelio dito sa hospital. Ang mga babae na ang lumalapit diyan. Kaya lang sobrang suplado at ilap ng lolo mo, eh. Parang hindi yata naniniwala sa salitang pag-ibig. Masyadong nakafocus sa kanyang trabaho. Yung dalawa ko ngang co-nurses, sila na halos ang nanligaw diyan, ayun basted pa rin. Pati nga yung isang doktora dito dati nabutata din sa kanya. Kaya ayun, nagpalipat nalang nang ibang hospital, gaya ng dalawa kong co-nurses sa sobrang pagkabrokenhearted sa kanya." ang mahabang kwento nito. "Kaya nga kami dito sa hospital, kahit na sobrang hangang-hanga kami sa kanya, dedma nalang. Mahirap nang matulad sa tatlong kasamahan namin rito na napilitang umalis dahil sa kanya. Kaya nga hindi ko rin naiwasang hindi magtanong sa'yo. Baka kasi kako nagbabakasakali ka rin sa kanya. Ay naku, sinisigurado ko sa'yo, matigas pa sa bato ang puso nang doktor na 'yan."
Sa dami nang sinabi nito ay hindi kaagad iyon nagawang iproseso lahat ng kanyang isip. Basta't ang tanging tumimo doon ay mukhang hindi naniniwala sa salitang pag-ibig si Atom at tila bato ang puso nito. Sa dami ng pagdidiscourage na natanggap niya sa doktor ay mukhang dito pa talaga siya maaapektuhan sa pagdidiscourage ng nurse na ito.
"Anyway, kung talagang kailangan ka niyang macheck-up ngayon, narito ang home address niya." may iniabot itong maliit na piraso ng papel sa kanya. "Puntahan mo nalang siya diyan at baka sakaling maabutan mo siya sa kanyang bahay."
Napamaaang siya sa narinig na tinuran nito. Pagkatapos siya nitong idiscourage ay ibibigay lang din pala nito sa kanya ang home address ng doktor. Kunsabagay ay hindi naman kasi talaga nito alam ang totoo niyang pakay dito. Pinagmasdan niya ang kapirasong papel na iniaabot nito sa kanya. Parang gustong tumulo ng kanyang laway habang dahan-dahan niya iyong kinukuha mula dito. This is it! Sa wakas at malalaman niya na rin kung saan naninirahan ang doktor! Pansamantala niya munang kakalimutan ang mga negatibong bagay na narinig niya kanina ukol dito para ipagpatuloy ang misyong paibigin ito!
BINABASA MO ANG
I'LL MAKE YOU FALL IN LOVE WITH ME (Published Under PHR)
Romance"Kung ayaw mo pala akong maging distraction, eh, di gawin mo na lang akong inspiration. Ano sa tingin mo?" Cherry dreamt that she was being kissed by a breathtaking Prince Charming. Dahil doon ay nahumaling siya sa ideya na baka ito ang lalaking nak...