Chapter 20 : The Casualty

324 56 20
                                    



CHAPTER 20

THE CASUALTY


THIRD PERSON'S POINT OF VIEW.


Patuloy siya sa pagtakbo sa gitna ng hindi pamilyar na kagubatan. Hindi niya alam kung saan pupunta, hindi niya alam kung kaninong santo uusal ng dasal upang mailigtas siya. Nilingon niya ang babaeng nasa likuran at hindi malayo ang distansya sa kanya. Kung gaano siya kapursigidong tumakas, ganoon rin kapursigido ang babae na mahuli siya.


"Tumigil ka!" Sigaw ng babae kasabay ng malakas na putok ng baril. Naramdaman na lamang niya ang mahapding daplis ng bala sa kanyang hita. Sandali siyang napahinto upang humawak sa puno at bumalanse. Dumudugo ang kanyang hita mula sa tama ng baril. Hindi niya kinaya ang kirot na nararamdaman dahilan upang matumba siya mga dahong nakakalat sa lupa. Pinilit niyang tumayo upang magpatuloy, subalit nahawakan na siya ng babae sa buhok.


"Huwag ka nang makulit," saad nito. "Hindi naman kita pahihirapan kaya sana ay huwag mo na rin akong pahirapan pa."


Hindi na niya napigilan ang pag-agos ng mga luhang kanina pa gusto kumawala. Halo ang takot, pagod, hirap, at sakit na kanyang nararamdaman.


"Ano bang kailangan mo sa akin!?" Sigaw niya. Lumuhod ang babae para maging magkasing lebel ang kanilang mga mukha. Hinaplos nito ang kanyang mga pisngi at pinunasan ang walang tigil na agos ng kanyang luha.


"Ang sabi sa akin, ikaw ang pinaka-importanteng parte ng plano," malambing na bulong ng babae. "Kailangan daw kitang dispatsahin para makumpleto ko na ang kasunduang sinang-ayunan ko. Sa ganoong paraan, makakalaya na rin ako." Dama sa tono nito ang sobrang lungkot. Hindi tuloy alam ng biktima kung nagkukunwari lang ito o totoong nalulungkot sa dapat nitong gawin.


Kilala niya ito. Kilalang-kilala at halos itinuring na nga niya bilang kaibigan. Ni minsan ay hindi niya naisip na kaya nitong gumawa ng masama, ng mga bagay gaya ng pagpatay. Ang akala niya ay mabuting tao ito. Pero siguro nga, hindi pa talaga niya kilala ang mga taong nasa paligid niya.


"Ganoon ba?" Ngumiti ng malungkot ang biktima. "Sige, hindi na kita pahihirapan. Basta ipangako mo na mabilis na sakit lang ang mararamdaman ko."


Lumawak ang ngiti ng salarin at mabilis na sumang-ayon. Hinaplos pa nito ang kanyang buhok, "Pangako."


Akmang yayakapin siya ng salarin nang bigla niyang iniuntog ang sariling ulo sa ulo nito. Napaigtad ang babae at napahiga. Muling tumakbo ang biktima. Mabilis na mabilis. Ngayon lamang siya nakatakbo ng ganoon kabilis sa buong buhay niya. Hindi niya ininda ang binti na may tama ng bala, ang kailangan niya ay makaligtas sa kamay ng babae.


Tila ba nabuhayan siya ng loob nang mapansing malapit nang maubos ang mga puno sa daang tinatahak. Sa 'di kalayuan ay naaaninag na niya ang isang kongkretong kalsada. Kung gayon ay malapit na siya sa highway o kahit anong kalsada na dinaraanan ng mga sasakyan! Mga sasakyan na pwede niyang hingian ng saklolo.

After ClassTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon