"GRADUATION FEE"

276 1 0
                                    

Alas siyete ng gabi, naglalakad ako sa may kahabaan ng Mapayapa st. Sa di kalayuan may natanaw akong isang batang lalaki na sa tantiya ko ay labindalawang taong gulang. Nagtitinda pala siya ng balut. Nahabag ako sa kanya, kaya nilapitan ko siya. Nang akmang papalapit na ako, siya namang pag-alis niya.  “Teka lang” sabi ko sa kanya. Lumingon ang bata, at agad naman itong huminto. Lumapit ako sa kanya. “Magkano yang balut?” tanong ko. “Bente po isa sir” tugon ng bata. “Bigyan mo muna ako ng isa”. Inabot ng bata ang mainit-init pang balut. Habang kumakain ako, hindi ko mapigilang magtanong sa bata. “Saan ka ba umuuwi?”. “Sa may Kasipagan st. pa po”. Ang tinukoy ng bata ay medyo malayo-layo pa dito. “Bakit ang bata mo naman nagtitinda, wala ka bang magulang?” “Meron po, kaso ang tatay ko patay na. Tapos  ang nanay ko naman nasa bahay may sakit po.”

Naubos ko na ang kinakain kong balut, kaya dumagdag pa ako ng isa. “Pahingi pa ako ng isa.” Inabot ng bata ang balut. Nagpatuloy ako sa pagtatanong sa kanya. “Wala ka bang mga kapatid?” “Meron po, kaso may mga sariling pamilya na po sila.” “Saan ka ba nakakarating kapag nagtitinda ka?” “Sa San Agustin po.” Sa kabilang bayan yung tinutukoy na lugar ng bata, medyo malayo din yun. “Nilalakad ko lang papunta doon, pauwe lang ako namamasahe.” “Pauwi ka na niyan?” “Hindi pa po, kailangan ko pa pong uubusin ito para may pambayad ako sa graduation fee kasi ang mga kaklase ko bayad na, ako na lang ang hindi pa.” Biglang kinurot ang puso ko sa naranig sa sinabi ng bata. Unti-unting tumulo ang luha sa aking mga mata. Pero hindi ko pinahalata sa bata yun.

Bumaling uli ako ng tingin sa bata at nagtanong na may halong lungkot. “Magkano ba ang graduation fee niyo?” “150 pesos po sir, kaya kailangan kong maubos itong paninda ko para may pambayad na ako.” “Paano kong hindi maubos ang paninda mo? Hindi ka makapagbayad?” Tumango lang ang bata.

Mag-aalas otso na pala ng gabi kaya tinapos ko na ang pakikipag-usap sa bata. “Magkano yung dalawang balut na kinain ko?” tanong ko sa kanya. “Kwarenta lang po sir.” Agad na akong bumunot ng pera sa pitaka ko. “O ito 300 pesos, umuwi ka na para hindi ka na masyadong gabihin. Bukas bayaran mo na agad ang graduation fee mo.”

Mangiyak-ngiyak ang bata sa pangyayaring hindi niya inaasahan na tila nabunutan siya ng tinik sa kanyang dibdib. Sa sobrang tuwa, binigyan pa niya ako ng isa pang balut pero tinanggihan ko na iyon. “Sige na, umuwi ka na.”Sinunod naman ng bata ang sinabi ko. Bago siya umalis nagpasalamat ulit siya sa akin. “Maraming salamat po talaga ulit sir, tatanawin ko itong utang na loob sayo.” “Ayos lang yan, ang mahalaga may pambayad ka na sa graduation mo.” Tumango lang ang bata at pagkatapos nun ay naghiwalay na rin kami ng landas. Habang naglalakad ako patungo sa bahay na tinutuluyan ko, iniisip ko na lang na sana makatapos siya sa kanyang pag-aaral.

"MGA AKDANG DAGLI"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon