"Sa Ilalim ng Puting Ilaw"

832 6 0
                                    


Paggabi na. Tila nag-aagaw ang liwanag at dilim sa mga oras na iyon. Hanggang sa nilamon na ng gabi.Tahimik ang paligid. Waring gubat sa sandaling pinatay ang katahimikan. Malalim ang iniisip ko na hindi ko alam kung bakit. Hanggang sa dumating sa punto na lumabas ako ng bahay.

Sa may pintuan pa lamang, damang-dama ko na ang nakakabinging katahimikan sa aming paligid. Pagbukas ko ng pinto tanaw ko ang mga nag-uunahang liwanag ng ilaw mula sa mga poste sa kalsada. Ano ba itong nararamdaman ko? Hindi ko mawari, tanong ko sa sarili.

Patuloy ako sa paglalakad palabas ng bahay. Sakto nasa kalsada na ako, may napansin akong kakaiba. Bigla akong kinilabutan. "Anong hiwaga itong nakita ko?" Tanong ko sa sarili. Pinikit ko ang mga mata ko, baka sakaling namamalikmata lamang ako. Mga ilang sigundo muli kong binuka ang mga mata. Bigo ako sa pag-aakalang hindi totoo ang nakita ko. Tumalikod ako sandali para humugot ng hininga. Pagkaraan humarap ulit ako. Nandoon pa rin yung nakita ko. Akma akong tatakbo pero tila nakasusi ang dalawa kong mga paa. Hindi ako makakakilos. Parang nakagapos ang katawan ko sa isang makapal na kadena. Nilalakasan ko na lang ang loob. Sa wakas! Nakalaya ako mula sa mahigpit na naramdaman kong kanina'y takot.

Umusad ako sa paglalakad papalapit sa kinaroroonan ng aking nakita. Isang babaeng nakaputi. Nakatayo sa may ilalim ng puting ilaw. Nakatalikod siya.

Naguluhan ako kung bakit siya naroon. Kaya naglakas loob akong lapitan siya. Nang papalapit na ako sa kanya tinanong ko siya. "Miss, ano po ang ginagawa mo dito? Mag-isa lang po kayo. Tsaka gabi na po." Sunod-sunod kong tanong sa kanya. Hindi siya umimik. Dahil nakatalikod siya, hindi ko maaninag ang hitsura niya.

Maya-maya biglang nag-patay sindi ang ilaw sa kinaroroonan ng babae. Bigla akong nakaramdam muli ng takot. Lumakas ang kaba ng dibdib ko. Kumilos ang babae na kanina'y gusto kong makita. Humarap ito at siyang nagpagimbal sa aking nakita. Nanlaki ang mga mata ko sa takot. Babaeng duguan ang mukha ang bumungad sa akin. Patuloy ang pagpatay sindi ng mga ilaw. Kaya tumakbo ako papalayo. Sumigaw ng malakas. Malakas na malakas. Hanggang sa nagising ako. Panaginip lang pala.

"MGA AKDANG DAGLI"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon