"Hiwaga sa Ulan"

36 0 0
                                    

Madilim ang paligid ng kalsada. Pati ang kalangitan tila nagngangalit. Walang mga bituin sa oras na iyon. Ang sabi nila kapag gano'n, malamang uulan. Tsk! kung kailan naman wala akong dalang payong. Dahil sa gusto ko ng makauwi sumabit na ako sa dyip.

Sa umpisa ng biyahe, maayos pa. Ang sarap sa pakiramdam ang pagsampal ng manipis at malamig na hangin sa mukha ko. Para akong lumilipad dahil sa bilis na takbo ng dyip. Maya-maya pa nakaramdam na ako ng pamamanhid ng mga kamay at braso.

Sa kalagitnaan ng biyahe, unti-unti ng lumuluha ang langit. Maya-maya ay umaambon na at wala akong ibang magagawa kundi patuloy na kumapit ng mahigpit... sa handrails.

Nang pumula ang stoplight, may dalawang bumaba. "Sa wakas!" bulong ko sa sarili. Abot-langit ang ngiti ko kahit madilim at hindi ko naman talaga nakikita ang langit.

Dalawang matanda ang bumaba at kapwa pa nila akong nginitian. Nagtataka ako. Bakit napangiti sila sa akin? Napaisip tuloy ako. Di bale, ang mahalaga makakaupo na ako at hindi mababasa. Lalong lumakas ang ulan.

Papasok na sana ako, ngunit nang silipin ko ang loob, puno pa rin ang dyip. Napakunot ang noo ng ale na nasa bungad ko dahil sa pag-amba kong pumasok. Napakunot din ang noo ko. "Ba't puno pa rin? May bumaba na 'di ba?" tanong ko sa sarili.

Muli kong binalikan ng tingin ang dalawang matanda na bumaba. Nakatingin pa rin sila sa akin. Nakangiti. Hindi sila makatawid dahil sa lakas ng ulan.

Berde na ang stoplight. Nag-uunahan na ang mga  motorista. Hindi pa rin nakakatawid ang dalawang matanda. Mabilis ang mga motor. Mabilis ang mga pangyayari. Nakatingin pa rin sila sa akin. Nakangiti.

Sa ngayon magkahawak na ang kanilang mga kamay na tumatawid sa kalsada na kasabay sa buhos ng malakas na ulan. Hindi natitinag sa mga nagmamadaling gulong. Hindi tinatablan. Hindi tinatamaan. At sabay silang naglaho. Kasabay rin noon, napaisip ako. Nahihiwagaan.

"MGA AKDANG DAGLI"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon